Martes, Agosto 5, 2014

Ang Dyalektiko at Istorikong Materyalismong Pundasyon ng Marxismo-Leninismo

Ang Dyalektiko at Istorikong Materyalismong
Pundasyon ng Marxismo-Leninismo

Pambungad

Maraming katotohanan sa lipunan na natatago sa kamulatan ng uring manggagawa sapagkat sila ay nabubulag ng umiiral na kaisipan. Ang malaganap na kaisipan sa lipunan ay ang kaisipan ng naghaharing uri na nagbibigay katwiran sa kanilang paghahari sa lipunan.

Bilang halimbawa, ang akala ng lahat ay may totoong demokrasya sa lipunan gayong ang katotohanan ay kagustuhan lang ng iilan ang nasusunod. Ang alam ng manggagawa, siya ay malaya subalit pagpasok niya sa pagawaan, sa loob ng walong oras o higit pa bawat araw, wala siyang kontrol sa sarili niyang buhay at sunud-sunuran siya sa diktadura ng kapitalista sa loob ng pagawaan. Subalit kahit sa paglabas sa pagawaan, hindi pa rin niya lubusang kontrolado ang kanyang buhay. Hindi naman kasi nasusunod sa lipunan ang kagustuhan at interes ng nakararami.

Ang sinasandigan lang naman ng sinasabing "demokrasya" ay ang kalayaan ng mga taong bumoto. Pero sa klase ng halalang kabisado nang manipulahin ng mga trapo at sa sistema ng lipunang di-pantay ang katayuan ng mayaman at mahirap, ang karapatang ito ay simpleng kalayaang piliin kung sinong reaksyunaryo ang mang-aalipin sa taumbayan.

Ang karapatan ng isang mahirap na mahalal sa pwesto ay isang kahibangan hangga't wala siyang pera at mismong ang karapatan niyang maghalal ay napakadaling ibenta kapalit ng pantawid-gutom. Ang diumano "pantay na karapatan" ng manggagawa ay kasinungalingan hangga't di pantay ang katayuan niya sa lipunan. Pormalidad lamang ito at walang sustansya.

Marami pang ilusyon at kasinungalingang malaganap sa umiiral na lipunan. Kailangan lang daw ng "sipag at tiyaga" para sa "pag-asenso" gayong ang kapitalismo ay hindi iiral kung wala ang masang walang pag-aaring yaman. Ang mapagsamantalang relasyon sa pagitan ng manggagawa at kapitalista ay itinatago ng relasyong sahuran. Kaya't inaakala ng manggagawa na siya pa ang dapat magpasalamat sa kapitalista dahil mayroon siyang trabaho at sweldo gayong sa katunayan ang kanyang pawis ang pinagmumulan ng tubo at siya ang bumubuhay sa kapitalista.

Ang pagpawi sa mga ilusyong ito ang layunin ng Marxismo-Leninismo. Mapapalaya lamang ang uring manggagawa kung ang kanilang kaisipan ay lalaya sa mga kasinungalingan ng naghaharing kaisipan ng naghaharing uri.

Ang Marxismo-Leninismo ang teoretikal na armas ng uring manggagawa sa kanilang pakikibaka para sa paglaya sa pagsasamantala. Ito ang tanging kaisipan sa daigdig na tahasang kumakampi sa uring manggagawa at naglalayong gabayan ang rebolusyon ng manggagawa. Ang Marxismo-Leninismo bilang kaisipan ay magiging makapangyarihang pwersa kung ito ay yayakapin ng masang manggagawa. Ang masang manggagawa na magiging mulat-sa-uri kung panghahawakan ang kanilang makauring kamalayan. Isang hukbong mapagpalayang armado ng mapagpalayang kaisipan ng Marxismo-Leninismo.

Ang layunin ng unang paksa ng Batayang Kurso ng Partido ay ilahad ang pananaw ng Marxismo-Leninismo sa daigdig at ang susunod na mga paksa ay elaborasyon ng iba pang nilalaman ng Marxismo-Leninismo at ang aplikasyon nito sa proletaryong rebolusyon sa Pilipinas.


Materyalismo

Simula't sapul, mula noong sinaunang panahon, sinikap ng tao na unawain ang kanyang kapaligiran. Natuto ang taong intindihin ang mga pangyayari sa kalikasan at lipunan. Kung kaya't nakaalpas ang tao mula sa gubat ng mga puno noong sinaunang panahon at umunlad sa sementadong kagubatan ng modernong lipunan.

Upang mabuhay at umunlad, sinuri ng tao ang kanyang kapaligiran hanggang makapag-ipon ng karunungan. Natutunan ng taong magbalangkas ng pangkalahatang paliwanag sa mga kaganapan sa daigdig. Ang ganitong pananaw sa daigdig ay tinawag na pilosopiya. Sa patuloy na pag-unlad ng pag-aaral at karunungan ng tao, nagsanga-sanga na ang dating pilosopiya sa iba't ibang sangay ng syensya at kaalaman sa kasalukuyan tulad ng biology, chemistry at physics sa natural sciences, at economics, history at psychology sa social sciences.

Subalit noong una, ang simpleng tawag lamang dito ay pilosopiya. At kahit hanggang ngayon, ginagamit pa rin ang terminong ito sa pangkalahatang paliwanag sa mga bagay-bagay o pananaw sa daigdig kung tawagin.

Magsisimula ang sinaunang mga tao sa kamangmangan at mananatiling laging kapos ang kaalaman kahit ng modernong tao sa kanyang kapaligiran. Sa kalagayang kulang ang kaalaman, natural na nag-imbento lang ng paliwanag ang sinaunang mga tao sa nasasaksihan nila sa paligid. Nagulat ang tao sa bulkang pumutok kaya't inakala niyang kagustuhan ito ng isang bathala at sinamba niya ang bulkan sa pag-asang hindi na ito muling sumabog.

Ang unang pilosopiya ay natural na nagmula sa pantasya. Ito ang ideyalismo. Ang ideyalismo bilang pilosopiya ay nagsisimula sa pagpapaliwanag sa daigdig hindi batay sa realidad ng mundo kundi mula sa isipan ng tao. Sa ideyalismo, mas mapagpasya ang mga kathang isip ng tao kaysa sa reyalidad ng nasa labas ng isipan.

Ang mga alamat tungkol sa pinagmulan ng mga bagay ay ehemplo ng ideyalismo. Wala nang naniniwala sa mga alamat subalit may mga pangyayaring hindi maipaliwanag ng ordinaryong tao kaya't "malas at swerte" ang ikinakatwiran niya dito. Umiiral pa ang ideyalistang pamamaraan ng pag-iisip hanggang ngayon.

Isang matingkad na halimbawa ng ideyalistang pag-iisip ay ang paniniwala na likha ng tao at daigdig ng isang makapangyarihang pangonoon na labas sa reyalidad sa halip na produkto ng likas na ebolusyon ng sanlibutan. Ang iba't ibang relihiyon ay nagmula sa ganitong odeyalistang mga paniniwala ng tao.

Pero kung nananatiling iniimbento lang ng tao ang pantastikong mga paliwanag sa mga nagaganap sa kanyang paligid hanggang ngayon, sana ay nananatiling nakakabahag pa rin ang tao at sumasamba sa mga bulkan. Subalit natutong aralin ng tao ang kanyang daigdig at sa batayan ng syensya sa halip na pantasya ay nakamit ang walang kaparis na progreso at nagawang pagsilbihin ng tao ang kalikasan sa kanyang mga pangangailangan.

Ito ang materyalismo. Ang materyalismo ay kabaliktaran ng ideyalismo. Tinatanggap ng pilosopiyang ito ang reyalidad ng materyal na daigdig. Kinikilala nito na ang papel ng isipan ng tao ay aralin ang materyal na daigdig na umiiral sa labas ng isipan. Ang pamamaraan ng materyalismo ay hindi ipataw ang pantastikong mga paniniwala sa reyalidad kundi suriin ng tao ang kanyang kapaligiran sa tulong ng kanyang pandama at tuklasin sa pamamagitan ng pag-iisip ang paliwanag sa mga pangyayari.

Sa materyalismo, umiiral ang materyal na daigdig sa labas ng isipan ng tao ngunit nagkakaroon ito ng repleksyon sa isipan ng tao. Ang tungkulin ng pag-iisip ay unawain ang natural at sariling mga batas ng pag-iral ng materyal na daigdig.

Ang syensya ay pangunahing halimbawa ng materyalismo. Ang syentipikong pamamaraan ng pangangalap ng datos, pagsubok sa inisyal na paliwanag sa batayan ng eksperimento, at kumpirmasyon ng mga kongklusyon sa resulta't reyalidad ay ang pamamaraan ng materyalismo.

Kahit noong sinaunang panahon, may mga taong bumaklas sa ideyalistang pag-iisip at nagsimulang gumamit ng materyalistang pamamaraan. Hanggang umabot sa isang takdang panahon na may sapat na naipong karunungan ang unang materyalistang mga pilosoper para sa pagbuo ng syentipikong mga paliwanag.

Ang progresong inabot ng tao ay tanging sa batayan ng pagsulong ng materyalistang pag-iisip. Ang praktikal na aplikasyon ng mga tuklas ng syensya upang tugunan ang mga pangangailangan ng tao ay walang dudang kumpirmasyon ng kawastuhan ng materyalismo kaysa ideyalismo.

Bago pa kay Marx ay marami nang naunang materyalistang pilosoper. Ang pag-unlad na ibinahagi ni Marx ay ang rekognisyon na makaisang panig pa lamang ang materyalismo hangga't hindi nito kinikilala ang pagbabago sa materyal na daigdig. Ang tungkulin ng materyalismo ay tuklasin ang mga batas hindi lamang sa pag-iral kundi sa paggalaw ng materyal na daigdig.


Dyalektika

Ang kalikasan at lipunan ay produkto ng ebolusyon at patuloy na nagbabago. Isang katotohanan na walang tigil ang paggalaw at pag-unlad ng mga bagay sa kalikasan man o sa lipunan.

Ang dyalektika ay ang teorya ng pagbabago at pag-unlad. Nauna itong tinuklas ng ibang pilosoper bago kay Marx. Ipinasok ni Marx ang konsepto ng dyalektika at isinanib ito sa materyalismo. Dyalektikong materyalismo ang bansag sa integral na pananaw ng Marxismo sa daigdig.

Ang dyalektika na hindi nakabatay sa materyalismo ay tinatawag na metapisika. Metapisikal ang naunang klase ng dyalektika bago kay Marx. Inuugat nito ang motibong pwersa ng pagbabago ng mga bagay sa isang espiritu na labas sa materyal na daigdig. Ibig sabihin, isang pantastikong paliwanag ang ipinataw sa reyalidad ng paggalaw at pag-unlad ng kalikasan at lipunan. Metapisikal ang tawag dito sapagkat lagpas ito sa pisikal o materyal na daigdig. Halaw sa ideyalismo sa madaling salita.

Itinindig ni Marx ang dyalektika sa pundasyon ng materyalismo. Ang paggalaw at pag-unlad, pagsilang at paglaho ay inuugat ng dyalektikong materyalismo sa mga kontradiksyong umiiral sa loob ng mga bagay.

Hindi magkakaroon ng pagbabago sa isang bagay kundi sabay na umiiral sa bagay na ito ang kanyang kabalintunaan. Kaya nagkakaroon ng pagbabago ay sapagkat may kontradiksyon sa pagitan ng magkatunggaling katangian, aspeto o nilalaman ng isang bagay.

Ang bawat bagay ay pagkakaisa ng magkakatunggaling aspeto sa loob ng bagay. Subalit nagtutunggalian ang magkakaibang aspetong ito kaya nagkakaroon ng pagbabago.

Unti-unti, dahan-dahan, nagkakaroon ng kantitatibong pagbabago sa bagay hanggang magkaroon ng kalitatibong pagbabago bunga ng ganap na pananaig ng katunggaling aspeto. Sa puntong ito, nagkaroon ng resolusyon ang kontradiksyon sa lumang bagay kaya ito'y nagluwal ng bagong bagay. Sa loob ng bagong bagay ay ang bagong kontradiksyong magtutulak ng paggalaw at pag-unlad nito.

Kaya't lahat ng bagay ay ma simula at katapusan, may isinilang at naglaho, may nakaraan at kinabukasan. May kasaysayan ang lahat ng bagay. Ang teorya ng dyalektika ang nagpapaliwanag sa motibong pwersa na dahilan ng walang-tigil na pagbabago at ugnayan ng mga bagay na makikita sa kalikasan at sa lipunan.

Ang panlabas o eksternal na mga salik ay kondisyon sa pagbabago ng mga bagay subalit ang ugat ng paggalaw ay ang panloob o internal na mga kontradiksyon. May ugnayan at relasyon ang isang bagay sa iba pang bagay o ang lahat ng bagay sa isa't isa. May interkoneksyon ang mga bagay at pangyayari.

Kinukumpirma ng natuklasang mga batas ng syensya ang katotohanan ng dyalektika sa paggalaw at pagbabago ng mga bagay sa kalikasan. Ang teorya ng ebolusyon ng kalawakan, at ang teorya ng ebolusyon ng tao at iba pang buhay na bagay ay ilustrasyon ng katumpakan ng dyalektika.


Teorya at Praktika

Ang dyalektika ay matatagpuan kahit sa pamamaraan ng pagtuklas ng tao sa kaalaman. Ang dyalektika ng teorya at praktika ang wastong pamamaraan ng pag-aaral at pagtuklas sa kaalaman. Ang praktika ay bukal ng teorya habang ang teorya ay pinagyayaman ng praktika.

Ang kongkretong karanasan ng tao ay ang bukal ng kanyang kaalaman. Walang ibang pagmumulan ng datos kundi ang aktwal na pangyayari at pagdama ng tao dito. Ang pakikisalamuha ng tao sa kanyang kapaligiran at sa kanyang kapwa ang pinanggagalingan ng kanyang kaalaman sa kalikasan at lipunan.

Kung walang praktika, siguradong walang teorya. Ang asersyong hinugot mula sa hangin ay siguradong mali at walang pinagbabatayan. Ang wastong teorya ay ultimo nagmumula sa kongkretong praktika.

Ang walang tigil na pag-unlad ng kaalaman ng tao ay sa batayan ng tuluy-tuloy na praktikal na karanasan ng tao sa kanyang ugnayan sa kalikasan at kanyang pakikipag-ugnayan sa lipunan. Ang dalawang importanteng larangan ng praktika ng tao ay ang kanyang partisipasyon sa produksyon at karanasan sa makauring pakikibaka.

Sinusubok ang kawastuhan ng mga teorya sa pandayan ng praktika. Kung hindi umaayon ang mga asersyon sa aktwal na resulta, ito ay maling teorya. Pinatatalas at pinauunlad ng teorya sa patuloy na pagsubok nito sa bagong karanasan, bagong sitwasyon, bagong pangyayari.

Ito ang materyalista at dyalektikal na metodolohiya sa pag-aaral at teorya ng kaalaman. Ang papel ng pilosopiya ay hindi lamang para aralin ang daigdig kundi para baguhin ito. Praktikal ang teorya sa madaling salita. Ang layunin ng dyalektikong materyalismo ay maging instrumento ng uring manggagawa sa kanyang makauring pakikibaka para sa paglaya sa pagsasamantala.


Buhay na Teorya

Ang teorya ng Marxismo-Leninismo ay hindi isang dogma kundi isang gabay sa pagkilos. Sinusubok ang patuloy na kawastuhan ng Marxismo-Leninismo sa tanglaw ng bagong mga pangyayari at sa pandayan ng makauring tunggalian sa ngayon.

Ang tagubilin ng dyalektikong materyalismo ay pag-aaral sa materyal at nagbabagong daigdig, at aplikasyon nito sa kumplikadong pakikibaka ng uring manggagawa para sa paglaya. Ibig sabihin, walang sawang kongkretong pag-aaral sa kongkretong kalagayan.

Ang Marxismo-Leninismo ay nabuo sa pundasyon ng pinakasulong na kaalaman ng sangkatauhan noong panahon ni Marx. Ang tatlong panguhahing nilalaman ng Marxismo ay may tatlong pinagmulan.

Ang dyalektikong materyalismo ay nagmula sa pilosopiya ng Germany. Sa partikular, ang dyalektikong materyalismo ay halaw sa materyalismo ni Ludwig Feuerbach at dyalektika ni Friedrich Hegel na parehong pinakamahuhusay na pilosoper ng kanilang panahon. Ang pagsusuri ng Marxismo sa kapitalistang ekonomya ay nagmula sa mahusay na pampulitikang ekonomya ng Britanya sapagkat ito ang pinakamaunlad na kapitalistang bansa noon. Ang syentipikong sosyalismo ng Marxismo ay nagmula sa utopyang sosyalismo ng Pransya na pinakamayaman noon ang karanasan sa makauring tunggalian at rebolusyonaryong pakikibaka.

Ang partikular na kontribusyon ni Lenin ay ang pagsusuri sa kapitalismo nang pumihit ito sa imperyalismo, at ang pagtatakda ng linya't taktika ng sosyalistang rebolusyon sa panahon ng imperyalismo.

Ang Marxismo-Leninismo ay hindi nagtapos kina Marx, Engels at Lenin. Bilang isang kaban ng kaalaman at pamamaraan ng pagsusuri, ito ay patuloy na umuunlad batay sa inabot na pagsulong ng karunungan ng sangkatauhan at kumporme sa mga pagbabago ng daigdig at lipunan.

Mismong ang Marxismo-Leninismo bilang isang kaisipan ay sakop ng dyalektika ng teorya at praktika, at ito mismo ang bukal ng pagiging buhay nitong kaisipan sa halip na mga patay na letra. Kailangang muling dalisayin ang Marxismo-Leninismo at patalasin sa pakikipagtunggali sa pinakalaganap na mga kaisipan hindi lamang ng mga tagapagtaguyod ng globalisasyon kundi ng mga karibal na kaisipan sa loob ng kilusang manggagawa at kilusang anti-globalisasyon.

Ang dyalektong materyalismo ay nakapangingibabaw na sa syensyang pangkalikasan subalit nananaig pa rin ang ideyalismo't metapisika sa syensyang panlipunan. Ang paghahari ng kaisipan ng naghaharing uri sa pag-aaral ng lipunan ay isang mabisang hadlang sa paglaya ng kaisipan ng uring manggagawa.


Istorikong Materyalismo

Habang ang materyalistang pag-aaral ng kalikasan ay mismong ipinalalaganap ng lipunang kapitalista, halimbawa bilang pormal na mga kurso sa burgis na mga paaralan dahil kailangan ito sa kapitalistang produksyon, ang ideyalistang pagsusuri sa lipunan naman ang pursigido nitong ikinakalat. Malinaw na sa layunin nitong pagtakpan ang katotohanan ng pagsasamantala sa lipunan at baugin ang kamulatan ng manggagawa.

Ang burgis na pag-aaral ng kasaysayan ay ang kalakaran sa burgis na mga paaralan. Kung babalikan ang opisyal na kasaysayang itinuturo sa burgis na paaralan, lilitaw ang ideyalista at metapisikal na pag-aaral sa pagbabago ng lipunan.

Nangingibabaw ang papel ng mga bayani at kanilang kaisipan sa burgis na pananaw sa kasaysayan. Kung bakit ang mahuhusay na kaisipan ng mga bayani ay nagawang yakapin ng masa sa partikular na yugto subalit hindi ito umangkop sa ibang panahon ay hindi ipinapaliwanag sa burgis na pag-aaral.

Ang katunayan ay hindi ang mga bayani ang lumilikha ng kasaysayan kundi ang kasaysayan ang lumilikha ng mga bayani. May depinidong kalagayan sa lipunan at antas ng kamulatan ng tao kung bakit sa isang takdang panahon ay niyayakap ng masa ang kaisipan ng mga lider at bunga noon gumaganap ang mga bayani ng makasaysayan nilang papel. Hindi ang mga bayani at kanilang kaisipan ang ugat ng pagdaloy ng kasaysayan kundi ang mga pagbabago sa sitwasyon ng lipunan at pamumuhay ng mga tao.

Nililikha ng tao ang kasaysayan subalit sa ilalim ng mga kondisyon na minana sa nakaraan. Isinisilang ang tao na mayroon nang umiiral na pamamaraan sa produksyon, may nakatayo nang mga institusyon sa lipunan at may malaganap nang paniniwala ang mga tao. Ang lahat ng ito ay salik at kondisyon sa paggalaw at pagkilos ng tao sa lipunan.

Ang panlipunang kaisipan ay itinatakda ng panlipunang katayuan. Ito ang materyalista't dyalektikal na pagsusuri sa kasaysayan. Bago makaisip ang tao ay kailangan niya munang buhayin ang kanyang sarili. Hindi ang kaisipan ng tao ang nagtatakda sa kanyang buhay kundi ang kanyang kondisyon sa buhay ang nagtatakda ng kaisipan.

Nabubuhay ang lipunan sa batayan ng isang sistema para likhain ang mga pangangailangan sa buhay. Ang produksyon ng tao ng mga pangangailangan ang prinsipal na kondisyon na nagtatakda ng tipo ng kanyang pamumuhay at natural na humuhubog sa kanyang mga paniniwala, kaisipan, gawi, ugali, at iba pang bagay na kung tawagin ay kultura. Ang ekonomya ng lipunan ang ultimong nagtatakda ng kultura ng tao.

May mga pangangailangan ang tao para mabuhay. Noong simula, ito ay simpleng batayang mga pangangailangan tulad ng pagkain, damit at tirahan. Subalit umuunlad, nagbabago at nadadagdagan ito habang sumusulong ang lipunan at mismong ito ay tanda ng progreso ng sangkatauhan.


Sistema sa Produksyon

May mga pamamaraan ang lipunan para likhain ang mga pangangailangan ng tao. Ito ang tinatawag na sistema sa produksyon. Bawat lipunan ay kinatatangian ng isang sistema sa pamumuhay o sistema sa produksyon.

Sa kasalukuyang panahon, ang mga pangangailangan ng tao ay mga kalakal na bibeneta at binibili. Nililikha ito sa kaparaanan ng malakihang produksyon na gumagamit ng mauunlad na makinarya at teknolohiya. Ito ang katangian ng kapitalistang sistema sa produksyon. Kakaiba ang kapitalistang sistema sa produksyon ng nagdaang mga lipunan.

Bawat sistema sa produksyon ay binubuo ng mga pwersa sa produksyon at ng mga relasyon sa produksyon. Ang pwersa sa produksyon ay tumutukoy sa mga instrumento at pamamaraan na ginagamit ng mga tao sa proseso ng paglikha niya ng mga pangangailangan. Samantalang ang mga relasyon sa produksyon ay tumutukoy sa ugnayan at interaksyong namamagitan sa mga taong kalahok sa produksyon.

Sa kapitalistang sistema, ang mga pwersa sa produksyon ay ang mauunlad na makinarya na maaari lamang patakbuhin ng kolektibong paggawa ng maraming manggagawa na may kani-kaniyang bahagi sa kabuuang proseso ng produksyon. Ang mga relasyon sa produksyon ay ang relasyong sahuran sa pagitan ng manggagawa at kapitalista sa batayan ng monopolyo ng huli sa mga pwersa sa produksyon, at maging ang relasyon ng manggagawa sa kapwa manggagawa sa konteksto ng kolektibong paggawa.

Ang relasyon sa produksyon sa pagitan ng manggagawa at kapitalista ay isang relasyon ng pagsasamantala. Mula nang sumulpot ang lipunang makauri, ang pangunahing relasyon sa produksyon, ibig sabihin ang relasyon ng masang walang pag-aari sa mga pwersa sa produksyon at ng iilang nagmamay-ari nito, ay tuwinang isang relasyon ng pagsasamantala.

Nahahati ang lipunang makauri sa mga uri na mapag-iiba batay sa kanilang pag-aari sa mga pwersa sa produksyon at kanilang papel sa dibisyon ng paggawa sa lipunan. May mga tao na bunga ng kanilang pribadong pag-aari sa mga intrumento ng produksyon ay hindi kinakailangang magtrabaho pero kinakamkam ang produkto ng paggawa ng iba. Bumubuo sila ng isang uri, ng uring mapagsamantala.

Samantalang may mga tao na bunga ng kawalan ng pag-aari ay obligadong magtrabaho at ang produkto ng kanilang paggawa ay sinasamsam ng mga uri na nagmamay-ari ng mga instrumento sa produksyon. Bumubuo rin sila ng isang uri, ng uring pinagsasamantalahan.

Ang kabuuang ito - ang pwersa sa produksyon at relasyon sa produksyon, at sa panahon ng lipunang makauri, ang relasyon ng pagsasamantala at pagkakahati sa mga uri - ay ang bumubuo ng panlipunang sistema sa produksyon. Ito ang pundasyon ng lipunan kung saan umuusbong ang iba pang mga istrukturang panlipunan.


Estado at Kultura

Sa pundasyon ng sistema sa produksyon ay itinatayo ang mga institusyon na nagsisilbing haligi ng lipunan sapagkat may papel sa pagmamantina at pagtatanggol ng umiiral na sistema. Ang kultura ng naghaharing uri ay natural na nagbibigay-katwiran sa pagsasamantala at pang-aalipin sa lipunan. Ang naghaharing uri rin ang may kakayahan dulot ng kanyang posisyon sa lipunan na palaganapin ang sariling kultura at patagusin kahit hanggang sa mga pinaghaharian.

Sa kasalukuyang lipunan, ang mass media, paaralan, simbahan at maging ang pamilya ay tagapagpalaganap ng kapitalistang kultura. Bukod sa komersyalismo at eskapismo na tatak ng modernong kultura, ipinangangaral nito ang pagiging natural at makatwiran ng umiiral na sistema. Nagsisilbi ito bilang epektibong daluyan ng pagpapatanggap sa manggagawa ng kanilang kaapihan.

Subalit sa likuran ng mga instrumentong ito ng panlilinlang ay nakapwesto ang bisig ng panunupil ng umiiral na lipunan. Ang estado ay isang kapangyarihang nakapangingibabaw sa lipunan at sa ultimo ay isang marahas na instrumento ng represyon.

Ang kapitalistang estado ay nagtatago sa tabing ng demokrasya at diumano nahahati sa iba't ibang sangay ng kapangyarihan. Subalit sa esensya binubuo ito ng reaksyunaryong hukbo at pulis, at ang kaagapay nitong mga galamay ng pandarahas tulad ng mga kulungan.

Kung lalaya ang isipan ng uring manggagawa, lalantad ang katangian ng estado bilang ultimong instrumento upang ipagtanggol ang sistema at mabubuking ang katotohanan na namamantina lamang ang umiiral na lipunan sa pwersa ng dahas.


Ugat ng Pagbabago ng Lipunan

Subalit nagbabago ang mga lipunan at ito ang aral ng kasaysayan. Dulot ito ng pag-unlad ng mga pwersa sa produksyon at ng pag-usbong ng bagong mga relasyon sa produksyon na kumakatawan sa isang bagong sistema sa produksyon. Mula sa sinapupunan ng lumang lipunan ay sisibol ang bagong mga pwersa't relasyon sa produksyon na kumakatawan sa isang bagong sistema sa produksyon.

Magtutunggali ang luma't bagong mga pwersa sa produksyon, ang bagong mga pwersa sa produksyon sa lumang relasyon sa produksyon, ang luma't bagong mga relasyon sa produksyon. Masasalamin ang mga kontradiksyong ito bilang tunggalian ng mga uri sa lipunan. Ang kasaysayan mula nang isilang ang makauring lipunan ay kasaysayan ng makauring tunggalian.

Sisiklab ang kontradiksyon hindi lamang sa pagitan ng naghahari at pinaghaharian kundi sa pagitan ng naghahari at mga bagong uring luwal ng papasibol na sistema sa produksyon. Ibabagsak ang mga naghahari ng mga pinaghaharian kasama ang mga bagong uri. Rebolusyon ang magiging kumadrona ng bagong lipunan. Ang ebolusyon sa sistema ng produksyon ay hahantong sa rebolusyon ng pinagsasamantalahang mga uri.

Ang pagbabago ng lipunan at pagdaloy ng kasaysayan ay ilustrasyon ng mga batas ng dyalektika sa materyal na produksyon ng lipunan. Ito ang istorikong materyalismo, ang aplikasyon ng dyalektikal na materyalismo sa pag-aaral ng kasaysayan.

Sa pamamagitan ng istorikong materyalismo, matutuklasan ang mga batas sa pag-unlad ng lipunan at pagdaloy ng kasaysayan. Ang pag-unlad sa mga pwersa sa produksyon, at ang pagbabago at krisis na likha nito sa sistema ng produksyon ay ang obhetibong salik sa kasaysayan. Habang ang suhetibong salik ay ang makauring pakikibaka ng mga pinagsasamantalahang mga uri laban sa mga nagsasamantala.

Ang batas ng pag-unlad sa kasaysayan ay naiiba sa batas ng syensyang pangkalikasan sapagkat ang kasaysayan ay likha ng pagkilos ng tao at laluna sa panahon ng rebolusyon ay bunsod ng pakikibaka ng milyun-milyong masa. Subalit mga batas pa rin itong makikita sa pag-aaral ng nakaraan - gaya ng makauring interes at tunggalian ng uri - at gabay ito sa pakikibaka sa kasalukuyan ng masang manggagawa.


Mga Lipunan sa Kasaysayan

Makikita ito sa pagbaybay sa mga pagbabago sa lipunan.

Bago ang lipunang kapitalista ay ang lipunang pyudal. Sa lipunang pyudal, ang mga pwersa sa produksyon ay ang maliitan at indibidwal na mga instrumento sa produksyon ng mga magsasaka at artisano. Kaiba sa mauunlad na makinarya ng kapitalismo na mapapatakbo lang sa pamamagitan ng kolektibong paggawa, ang pyudal na mga instrumento sa produksyon ay angkop na gamitin ng indibidwal na prodyuser. Ang relasyon ng magsasaka sa kanyang panginoong maylupa ay isang mapagsamantalang ugnayan. Ibibigay ng magsasaka sa panginoong maylupa ang isang bahagi ng kanyang ani mula sa pagsasaka sa lupain ng panginoon. Eksepsyon ang kalakalan dahil sa nakasasapat sa sariling produksyon ng magsasaka at artisano.

Ang pyudal na lipunan ang pumalit sa lipunang alipin. Sa lipunang ito, ang pangunahing pwersa sa produksyon ay ang mismong alipin dahil sa pagiging primitibo ng mga instrumento sa produksyon. Ang mismong alipin ang pag-aari ng panginoon kaya't inaari rin ng huli ang buong produkto ng paggawa ng una. Walang dudang mapagsamantala qang relasyong ito. Ang pagpaparami ng produksyon ay nakakamit sa simpleng pagpaparami ng alipin bunga ng pagkaatrasado ng mga instrumento sa produksyon.

Bago ang lipunang alipin ay ang primitibo komunla na lipunan. Ito ang unang lipunan sa kasaysayan. Ang mga instrumento sa produksyonay krudong mga kagamitan na simpleng ekstensyon ng kamay. Nagsimula sa bato at patpat hanggang umunlad sa palakol at sibat.

Tulad ng pagiging primitibo ng unang mga tao, obligadong mamuhay sila ng komunal. Sama-sama kung magtrabaho sapagkat kailangan ang paggawa ng lahat. Pantay-pantay ang paghahati sa produkto ng paggawa upang matiyak na mabubuhay ang bawat isang myembro ng sinaunang tribo. Laging nasa bingit ng kamatayan ang buhay ng tao dahil sa dehadong balanse ng pwersa sa pakikibaka sa kalikasan.

Nabubuhay ang tao sa pamimitas at pangangaso. Walang dibisyon sa paggawa kundi ang pagkakaiba sa trabaho ng lalaki at babae. Umiral ang pantay na turing sa babae.

Wala ring estado o isang kapangyarihang nakapangingibabaw at naghahari sa lipunan. Mayroong mga lider at bumubuo sila ng kunseho subalit ang kanilang awtoridad ay kusang loob na ibinibigay ng mga myembro ng tribo bunga ng kanilang husay sa produksyon. Wala silang pagkakaiba sa katayuan sa buhay sa iba pang myembro ng tribo.

Walang pagsasamantalang umiiral sa lipunan sapagkat walang materyal na kondisyon para dito. Subalit hindi ibig sabihin nito na mapayapa at walang karahasan. Katunayan, kapag nagapi ng isang tribo ang kalabang tribo, maaaring kainin ang mga natalo yamang hindi naman sila maaring bihagin o alipinin.

Daan-daang libong taon kundi man isang milyong taon na umiral ang lipunang primitibo komunal. Ibig sabihin, sa mas mahabang kasaysayan ng tao, walang pagsasamantala at pang-aalipin. Hindi natural sa tao ang pagsasamantala. Sumulpot lamang ito nang magkaroon ng pag-unlad sa sistema sa produksyon at nalatag ang kalagayan para sa pagsasamantala.

Nang matuklasan ng tao ang pagtatanim ng mga halaman at pag-aalaga ng hayop ay nagkaroon ng rebolusyon sa sistema ng produksyon. Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ay nagkaroon ng surplas sa produksyon, ibig sabihin, mayroon nang labis-labis sa kagyat na kakainin ng tribo.

Ang pagsulpot ng surplas ang sangkap na magbibigay-daan sa pagsulpot ng pagsasamantala. Yamang may sarplas, maaari nang may magsamantala, maaari nang alipinin ang isang seksyon ng lipunan at mabuhay ang isa pang seksyon sa produkto ng paggawa ng iba.

Kung may kalabang tribo na magagapi sa digmaan, mas kapaki-pakinabang na alipinin sila kaysa kainin. Isa lamang itong tipo ng paraan sa naganap na transisyon mula sa lipunang primitibo komunal tungong lipunang alipin, mula sa lipunang walang pagsasamantala tungong lipunang mapagsamantala. Mahabang panahon na unti-unti at dahan-dahang nawasak ang lumang komunal na pamumuhay ng tao at palitan ng pagsasamantala ang relasyon ng tao.

Bunga ng rebolusyon sa sistema sa produksyon, dulot ng pagsulpot ng surplas, nagkaroon ng materyal na batayan para sa pag-iral ng pagsasamantala. Ibig sabihin, hindi dahil sa likas na kasamaan o kasakiman ng tao nagmula ang pagsasamantala. May simula at kung gayon may katapusan ang pagsasamantala. Maglalaho ito kung mawawala ang materyal na batayan para sa pag-iral nito.

Mula noon, nahati ang lipunan sa antagonistikong mga uri. Upang panatilihin ang kaayusan sa lipunan at hindi ito manabog sa sigalot, nabuo ang estado. Noong simula, ang estado ay simpleng ang nanalong tribo na naghahari at sumusupil sa natalong tribo na tinanggalan ng kanilang mga armas panlaban. Hanggang umunlad ito sa estado ng mga lipunang alipin tulad ng emperyong Egyptiano, Griyego at Romano.

Nawasak din ang pantay na katayuan ng kababaihan dahil napasakamay ng kalalakihan ang mga instrumento sa produksyon na natransporma bilang pribadong pag-aari.

Subalit ang pagsulpot ng lipunang alipin gaano man kalupit ay simula rin naman ng sibilisasyon. Ang surplas na materyal na kondisyon sa pag-iral ng pagsasamantala ay gayundin nagbigay daan sa higanteng pagsulong sa kaalaman ng tao. Kasabay ng mag panginoong may alipin na nalibre sa paglahok sa produksyon ay ang unang mga pilosoper, syentipiko, matematisyan, artista, atbp., na nabigyan ng oras at pagkakataon na isulong ang ganoong larangan ng panlipunang aktibidad.

Subalit dulot ng patuloy na pag-unlad ng sistema sa produksyon, susulpot ang mas maunlad na mga pwersa sa produksyon. Sa papasibol na mas maunlad na sistemang pyudal, mas malaki pa ang surplas kahit na hindi na alipin ang prodyuser. Ibinagsak ang lipunang alipin ng pag-aalsa ng mga alipin at ng pakikibaka ng bagong mga uring kumakatawan sa lipunang pyudal.

Napalaya ang mga alipin subalit naitali naman sila bilang mga magsasaka sa mga lupain ng bagong mga panginoong maylupa. Ganunpaman, pagsulong ito sa puntong ang magsasaka ay hindi mismong pag-aari ng panginoon. Subalit bunga ng pag-aari ng mga bagong mga panginoon sa lupa na instrumento sa produksyon, pwersado ang magsasaka na magbigay ng bahagi ng kanyang ani bilang upa.

Ang estado sa lipunang pyudal ay naging mas kumplikadong sistema ng paghahari ng mga nobilidad at ng hari sa kanilang tuktok. Nakasanib sa estadong pyudal ang simbahan na itinanghal bilang opisyal na relihiyon.


Misyon ng Manggagawa sa Kasaysayan

Muli, dulot ng patuloy na pagsulong sa mga pwersa sa produksyon at mula sa sinapupunan ng lipunang pyudal ay sumulpot ang mas maunlad na sistema sa produksyon. Nagsimula ang palitan ng mga pangangailangan sa buhay at ang produksyon ng kalakal sa kapitalistang kaparaanan ng dibisyon at kolektibong paggawa. Hamak na mas episyente ang ganitong pamamaraan kaysa sa indibidwal na produksyon ng magsasaka at artisano kaya''t dinurog ito sa kompetisyon.

Nagsanib ang rebelyon ng mga magsasaka sa pakikibaka ng bagong sibol na mga kapitalista at maging manggagawa. Ibinagsak ang lipunang pyudal ng burgis na mga rebolusyon. Ang lipunang kapitalista ay may kasaysayan, mayroon itong simula at kung gayon mayroon din itong katapusan.

Kung paanong sa batayan ng pag-unlad ng mga pwersa sa produksyon ay sumisibol ang bagong sistemang papalit sa luma, ganoon din sa kapitalismo. Gumampan ang uring kapitalista ng progresibong papel sa kasaysayan sa pagwasak sa atrasadong indibidwal na produksyon at pagtatag ng maunlad na sosyalisadong produksyon. Subalit nagtutunggali ang sosyalisadong produksyon sa pribadong pag-aari at kapitalistang pangangamkam. Ang kontradiksyong ito ang ugat ng rebolusyong magpapabagsak sa kapitalistang lipunan.

Nang isilang ang uring kapitalista, kakambal ang uring manggagawa. Ang uring manggagawa ang may misyon sa kasaysayan na isulong ang pag-unlad ng lipunan tungong sosyalisadong pag-aari ng mga instrumento ng kolektibong produksyon. Hindi ito gagawin ng mga kapitalista dahil labag ito sa kanilang makauring interes. Subalit ito mismo ang obhetibong interes ng manggagawa. Ang wakasan ang kapitalistang pagsasamantala sa pamamagitan ng pagpawi sa pribadong pag-aari.

Ang manggagawa ang pinakarebolusyonaryong uri sa kasaysayan sapagkat sa pagwawakas nito ng kapitalistang pagsasamantala, papawiin na nito ang pagsasamantala sa lipunan at palalayain ang buong lipunan sa kasamaang ito. Babalik ang tao sa komunal na pamumuhay subalit sa batayan ng moderno hindi primitibong mga pwersa sa produksyon.

Ang sosyalismo, at ang komunismong mas maunlad nitong yugto, ang modernong komunal na lipunan. Sa halip ng tunggalian ng mga uri, ang kontradiksyon sa pagitan ng tao at kalikasan ang magiging motor ng pagbabago, gaya noong unang panahon subalit hindi tulad noon na ang primitibong tao ay pinangingibabawan ng kalikasan.


Ang kabilang mukha ng pag-unlad ng kapitalismo hanggang sa kasalukuyang yugto ng globalisasyon ay ang paglaki ng uring manggagawa at ang pag-igting ng mga krisis ng umiiral na lipunan. Higit kailanman, sa kalagayang umabot na sa intarnasyunalisasyon ng produksyon ang sosyalisasyon ng produksyon at malinaw na tanging sa pagkakapatiran at pakikibaka ng mga manggagawa sa buong daigdig makakamit ang paglaya, hinahamon ang uri na gampanan ang kanyang misyon sa kasaysayan. Magagawa ito sa pagkamulat ng manggagawa sa kanyang makauring interes sa pamamagitan ng mga aral ng Marxismo-Leninismo.