MARXISTANG
PAMPULITIKANG EKONOMYA
I.
Kontribusyon ni Marx sa Pampulitikang Ekonomya
1. Kung ang Marxismo ang syensya ng pag-aaral ng
lipunan, ang pampulitikang ekonomya ang pundasyon ng Marxismo. Dahil ang
pundasyon ng lipunan ay kung paano nabubuhay ang tao, kung paano nila kinukuha
at pinaghahatian ang kanilang materyal na mga pangangailangan.
Bago mag-isip ng pulitika, relihiyon, kultura,
atbp., tinitiyak muna ng tao ang kanyang kakainin, ang kanyang ikabubuhay. Ang
sistema ng lipunan ang sistema ng produksyon ng materyal na mga nesesidad sa
buhay ng tao.
Kung kaya't sa pag-aaral ng lipunan, binuhusan ni
Marx ng atensyon ang pampulitikang ekonomya - ang analisis sa sistema ng
ekonomya ng lipunan. Ang kanyang prinsipal na akda, ang Das Kapital, ang
pag-aaral sa umiiral na sistema ng ekonomya - ang kapitalismo. Makikita sa
librong ito ang aplikasyon ng syensya, ng diyalektikal at materyalistang
metodolohiya sa pagsusuri ng isang bagay.
2. Ang klasikong pampulitikang ekonomya ay unang
umunlad sa Inglatera, ang pinakamaunlad na kapitalistang bansa noong panahong
iyon. Batay sa pagsusuri nina Adam Smith at David Ricardo, inilatag ang
pundasyon ng labor theory of value.
Pinaunlad ni Marx ang kanilang teoryang ito at
natuklasan niya na ang halaga ng bawat kalakal ay nakabatay sa kinakailangang
paggawa para buuin ito na itinatakda ng lipunan. Subalit, lagpas dito, sinuri
niya ang relasyon ng mga tao, lagpas sa pagsusuri ng mga burges na ekonomista
na ang nakita lamang ay ang relasyon ng mga bagay (ang palitan ng mga kalakal).
3. Sa pagsusuri ng lakas-paggawa bilang kalakal,
natuklasan niya ang sikreto ng kapital: ang labis na halaga, ang nalilikhang
halaga na labis na kinakailangan ng manggagawa para mabuhay, ang di-bayad o
libreng paggawa na siyang dahilan ng paglago ng kapital at pinagmumulan ng
kanilang tubo. Ang doktrinang ito ng labis na halaga, ayon kay Lenin, ang
pundasyon ng teoryang pang-ekonomya ni Marx.
4. Tinuklas din ni Marx, sa pag-aaral niya sa
internal na batas ng paggalaw ng kapitalistang lipunan, na ito'y di maiiwasang
hahantong sa pana-panahong krisis pang-ekonomya. At ilang dekada, matapos ang
prediksyon ng krisis ng kapital, kinumpirma ng kasaysayan na idudulot ng
kapitalismo ang mas matindi't malawak na kahirapan at kaapihan ng manggagawa at
ng sangkatauhan - nasa yugto man ito ng prosperidad o ng krisis.
II. Labis na
Halaga: Ugat ng Kapitalistang Pagsasamantala
A.
Produksyon ng Kalakal at Kapitalistang Sistema ng Lipunan
1. Ang yaman ng mga lipunang nasa ilalim ng
kapitalistang sistema ay makikita sa matinding akumulasyon ng mga kalakal.
Ang produksyon sa ilalim ng kapitalismo ay di tulad
ng sa naunang mga lipunan. Bago ang kapitalismo, ang mga bagay ay pangunahing
nililikha dahil sa kanilang kabuluhan (gamit o use value) - ibig sabihin, para
tugunan nila ang pangangailangan ng tao.
2. Sa kasalukuyang lipunan, ang mga produkto ng
paggawa ay nilikha para ibenta - hindi na lamang para gamitin. Dahil dito,
lubos na naghari sa tao ang kapangyarihan ng pera. Halos lahat ng bagay ay
ginawang kalakal - isang bagay na bago magamit o malasap ang kabuluhan ay dapat
munang bilhin at tumbasan ang halaga (halaga-sa-palitan).
3. Di katulad ng sinaunang lipunan bago ang
kapitalismo, mas matindi ang produktibidad ng kasalukuyang sistema. Hindi
lamang dahil lubusang pinauunlad nito ang mga kagamitan sa produksyon gaya ng
makina kundi pinauunlad din nito ang panlipunang dibisyon ng paggawa (social
division of labor).
Sa madaling salita, mas maunlad ang produksyon ng
tao - sobra-sobra na ang nalilikha sa pangangailangan ng sangkatauhan - dahil
pinag-uugnay ang paggawa ng lahat ng nagtatrabaho. Pero bagamat gawa ng
nakararami ang mga kalakal - ang yaman ng lipunan, ito'y pag-aari ng iilan.
4. Ang pera ay "panginoon sa lupa" dahil
halos lahat ng pangangailangan ng tao ay naging kalakal. Subalit ang pera ay
walang halaga kung walang kalakal. Dahil ito ay panukat lamang ng halaga ng
kalakal (measure of value), at ang halaga ay wala sa pera kundi nasa kalakal.
Transisyon: Kung ang halaga ay wala sa pera kundi
nasa kalakal, paano tinatakda ng lipunan ang halaga ng isang kalakal? Mula sa
batas ng pagtatakda ng halaga, tuklasin natin kung paano tinatakda ang halaga
ng lakas-paggawa bilang kalakal.
B. Batas ng
Halaga ng mga Kalakal (Law of Value)
1. Ang bawat kalakal ay may dalawang aspeto: ang
kabuluhan (gamit o use-value) at halaga (halaga-sa-palitan o exchange value).
Ang kabuluhan ng isang kalakal ay makikita sa
pisikal na eksaminasyon nito. Ngunit hindi ganito ang halaga dahil ito'y
"mula sa labas". Ang halaga ay itinatakda ng lipunan, ng panlipunang
relasyon ng mga tao.
2. Hindi itinatakda ng kabuluhan ang halaga ng
isang kalakal. Hindi maaaring itakda ng kabuluhan ang pamantayan (istandard) na
halagang pagkakasunduan ng buong lipunan.
Dahil ang kabuluhan ng isang bagay ay
napakarelatibo at suhetibong usapin. Bagamat nalilimitahan ng pisikal na
katangian ng kalakal ang maaaring gamit sa isang kalakal, maaaring magbago-bago
ang paggamit dito depende sa kagustuhan ng nakabili nito.
Halimbawa, ang karayom ay hindi maaaring tirhan o
sakyan. Pero maaari itong gamiting pantahi o lagyan ng lason para tusukin ang
isang kapitalistang switik.
3. Dahil sa kanilang halaga, lahat ng kalakal -
kahit magkakaiba ang kanilang kabuluhan - ay pwedeng ipagpalit sa isa-isa
depende sa kanilang dami o kantidad. halimbawa, ang isang bahay, isang kotse at
isang milyong pirasong karayom ay pwedeng ipagpalit sa isa't isa.
Ibig sabihin nito, may komon sa lahat ng kalakal -
na maaaring sukatin - para itakda ng lipunan ang kanyang pamantayang (istandard
na) halaga. At ang komon na katangiang ito: lahat sila ay produkto ng paggawa.
Kung gayon, ang halaga ay nakabatay sa kinakailangang paggawa para buuin ito,
na masusukat sa oras-paggawa (labor time).
Halimbawa, ang halaga ng 4 na kilo ng sinulid ay
mahahati sa:
Raw materials (4 na kilo ng bulak) = 14 na
oras-paggawa = lumang halaga
Makina (depresasyon) = 2 oras-paggawa = lumang
halaga
Paggawa = 4 na oras-paggawa = bagong halaga
Halaga ng 4 na kilo ng sinulid = 20 oras-paggawa
4. Ang kinakailangang oras para likhain ang isang
kalakal ay hindi arbitraryong itinatakda ng isang indibidwal na kapitalista.
Ang halaga ay isang panlipunang usapin. Kung kaya't ang halaga ay ang
kinakailangang oras-paggawa na itinatakda ng lipunan (socially necessary labor
time).
Sa pagtatakda ng halaga, ang susing mga usapin ay
ang inabot na produktibidad ng lipunan dahil sa pag-unlad ng kagamitan sa
produksyon (gaya ng makina), pagtuklas s mas episyenteng pagkakaorganisa ng
produksyon, atbp.
Malulugi ang isang kapitalista kung mas mabagal ang
kanyang produksyon, at dahil dito, mas mataas ang kanyang indibidwal na halaga
(individual value) kumpara sa halagang itinakda ng lipunan (social value).
Ganundin, kung mas mababa ang indibidwal na halaga
(dahil sa paggamit ng makina, pagtaas ng quota, atbp.), maibebenta niya ng mas
mababa sa social value ang kanyang kalakal. At maoobliga ang mga kapitalista sa
industriyang ito na pabilisin ang kanilang produksyon.
5. Kung ang halaga ay oras-paggawa, ang presyo ay
halaga sa anyo ng salapi. Ibig sabihin, ginamit na ang pera bilang panukat sa
halaga ng kalakal.
Sa ating halimbawang 4 na kilo ng sinulid na may
halagang 20 oras-paggawa: kung ang katumbas ng 1 oras-paggawa ay P62.50
(sinukat ng pera ang por-orang halaga), ang presyo ng 4 na kilo ng sinulid ay
P1,250.
Ang presyo ay pangunahing nakabatay sa halaga, ibig
sabihin, ng kinakailangang oras-paggawa para likhain ito. Maliban sa batas ng
halaga, ang presyo ay gumagalaw batay sa batas ng suplay at demand.
Ipinapakita ng batas ng suplay at demand ang
direksyon ng paggalaw ng presyo dahil sa interaksyon ng mga mamimili't
nagbebenta. Ayon dito, kapag mababa ang suplay at mataas ang demand, tumataas
ang presyo. Gayundin, kapag mataas ang suplay at mababa ang demand, bumabagsak
ang presyo.
Gayunpaman, kahit pa pinagagalaw ng mga pwersa sa
merkado (market forces) ang presyo ng mga kalakal, hindi ito nalalayo sa
kanilang tunay na presyo (presyo na katumbas sa halag nito) dahil sa
kumpetisyon.
Kung kaya't sa ating halimbawang sinulid,
tatantyahin ng kapitalista ang merkado kung maaari niya itong presyuhan nang
mas mataas sa kanyang halaga. Ibebenta niya ang apat na kilo ng sinulid nang
mas mataas sa P1,250. Pero kapag umandar na ang kumpetisyon, matutulak ang
presyo para bumalik sa kanyang tunay na halaga.
Transisyon: Ang batas ng halaga ay aplikable sa
lahat ng kalakal. Isalin natin ito sa pagtatakda ng halaga ng lakas-paggawa
bilang kalakal.
C. Ang
Kalakal na Lakas-Paggawa
1. Sa ilalim ng kapitalismo, di lamang ang naging
kalakal ang halos lahat ng mga pangangailangan ng tao. Ang kalakhan ng tao
mismo - para sila mabuhay - ay naging mga kalakal. Ang manggagawa mismo na
lumilikha ng kalakal ay isa na ring kalakal.
2. Ang ibinebenta ng manggagawa - kapalit ng sahod
- ay ang kanyang lakas-paggawa. Ang kongkretong hugis nito ay makikita kapag
siya ay ginamit ng nakabili nito. Ito'y maaaring 8 o 12 oras na pagpaplantsa,
pananahi, pagpapaandar ng makina, atbp.
Ibig sabihin, ito'y porsyon ng buhay ng tao - ang
kanyang pag-iral sa mundo sa isang takdang panahon. Kung kaya't ang turing ng
lipunan sa manggagawa ay hindi tao kundi isang kalakal na sinusukat ng por ora
tulad ng karne sa palengke na binibili ng por ora.
3. Gaya ng ibang kalakal, ang lakas-paggawa ay may
kabuluhan at halaga. Subalit may kakaibang katangian ang lakas-paggawa kumpara
sa ibang kalakal, ang kabuluhan nito ay ang paglikha ng halaga. Sa ibang
salita, ang use-value nito ay value.
Bakit? Ayon sa batas ng halaga, ang halaga ay
paggawa - itinatakda ito ng kinakailangang oras-paggawa para likhain ang
kalakal. Subalit ang lakas-paggawa, kapag ginamit ng kapitalista, ay nagiging
aktwal na paggawa ng manggagawa.
Halimbawa, ang kabuluhan ng lakas-paggawa ay 8 oras
na paggawa sa isang araw o 8 oras na halagang nalikha. Ito lamang ang kalakal
na kapag ginamit ay gumagawa hindi lamang ng produkto kundi ng halaga.
4. Ang use-value ng lakas-paggawa ay halaga.
Subalit iba ang halagang nalikha (use-value) sa halaga ng lakas-paggawa.
Tandaan nating ang kabuluhan o gamit ng isang kalakal ay kailanma'y hindi
nagtatakda sa halaga nito.
Ano ang halaga ng lakas-paggawa? Gaya ng halaga ng
ibang kalakal, ito ang kinakailangang oras para buuin ang isang kalakal. Sa
kaso ng lakas-paggawa, ito ang kinakailangang oras (necessary labor) para
mabuhay ang manggagawa dahil makakapagtranaho lamang ang manggagawa kung siya'y
nabubuhay. Katumbas ito ng kabuuang halaga ng mga kalakal na kinakailangan ng
manggagawa para mabuhay at makapagtrabaho.
5. narito ang sikreto ng kapitalistang tubo. Sa
paggamit ng kapital sa lakas-paggawa bilang kalakal, ang mangggawa ay lumilikha
ng labis na paggawa (surplus labor) sa kinakailangang paggawa para siya ay
mabuhay. Ang labis na paggawa ay labis na halaga (surplus value) na
pinagmumulan ng tubo.
Kung kaya't nahahati ang 8 oras - ang karaniwang
araw-paggawa - sa dalawang bahagi: ang kinakailangang halaga para mabuhay ang
manggagawa (necessary labor) at labis na halaga (surplus labor). Sa ibang
salita, nahahati ito sa bayad na paggawa (sahod) at sa libre o di-bayad na
paggawa (tubo). Ang di bayad na paggawa ang ugat ng kapitalistang
pagsasamantala.
6. Gaya sa ibang kalakal, kung saan ang presyo ay
hindi palagiang katumbas sa halaga. Ang sahod ay karaniwang hindi tumutumbas sa
tamang presyo nito batay sa halaga sa lakas-paggawa.
Isa sa mga dahilan nito ay ang batas ng suplay at
demand. Kapag sobra ang suplay ng lakas-paggawa, hinahatak pababa ang sahod. At
sa patuloy na modernisasyon ng produksyon, dumarami ang sobrang paggawa. Hindi
lamang dahil ibinubunga nito ang pagbabawas ng trabahador kundi tinatalo nito
ang maliliit na mga empresa.
7. Gayunpaman, kahit binayaran ang manggagawa sa
tamang presyo o sa halaga ng lakas-paggawa - ibig sabihin, nagpalitan ang
magkatumbas - umiiral pa rin ang kapitalistang pagsasamantala dahil ang
tinumbasan lamang ay ang necessary labor subalit nananatili ang labis na
halaga, ang di binayaran o libreng paggawa.
Transisyon: Ang bayad o libreng paggawa ang
pinagmumulan ng tubo. ito ang sikreto ng kapital. Lumalago ito dahil nabibili
nito ang natatanging kalakal na lumilikha ng halaga - ang lakas-paggawa.
D. Labis na
Halaga at Kapital
1. Ang paglago ng kapital ay hindi mula sa
indibidwal na kasakiman ng mga kapitalista kundi sa pagsasamantalang likas sa
sistemang kapitalismo.
2. Ang akumulasyon ng kapital - ang paglago ng
yaman ng indibidwal na kapitalista at ng kabuuang yaman ng lipunan - ay hindi
nagmumula sa "patong" o sa mark-up sa binebentang kalakal.
Una, hindi magmumula sa "patong" ang
paglago ng kapital sa buong lipunan. Dahil lumilipat lamang ang
"patong" mula sa isang bulsa tungo sa iba pa. Hindi ito nagdaragdag
ng halaga.
Ikalawa, kung patong lamang ang pinagmumulan ng
paglago ng kapital, hindi ito lalago kundi liliit dahil sa kumpetisyon.
Ikatlo, kung ang tubo ay mula sa patong - mula sa
pagbili ng mura at pagbenta ng mahal, wala nang mamumuhunan sa industriya dahil
lahat ng kapitalista ay lilipat sa marketing o sa distribusyon ng kalakal.
3. Saan nagmumula ang paglago ng kapital? Nagmumula
ito sa loob ng kapitalistang produksyon ng kalakal - sa mismong proseso ng
paggawa (production process), hindi sa distribusyon nito. Sa produksyon,
nahahati sa dalawang tipo ang kapital: ang constant capital (c) at variable
capital (v).
a) Ang constant capital (c) ang bahagi ng kapital
na hindi lumalago. Hindi nagbabago o pirmes ang halagang ito mula sa simula
hanggang sa dulo ng proseso ng produksyon. Hindi ito lumilikha ng bagong
halaga, "nililipat" lamang nito ang kanyang halaga papunta sa halaga
ng ginagawang produkto. Kasama rito ang hilaw na materyales at makina.
b) Ang variable capital (v) ay ang porsyon ng
kapital na lumalago. Ito ang pondong nakalaan para sa pasahod. Ito ang
ipinambibili ng nag-iisang kalakal na kapag ginamit ay lumilikha ng halaga -
ang lakas-paggawa. Dito nagmumula ang tubo - ang nalilikhang halaga na labis sa
pangangailangan ng manggagawa para mabuhay.
Kung kaya't ang variable capital - ang kapital na
pasahod - ang dahilan ng kung bakit ang pera ng kapitalista ay hindi simpleng
pera kundi kapital, na habang ginagastos ay lumalago imbes na nauubos.
4. Ang tubo ay libreng paggawa - bahagi ng
nalikhang 8 oras na halaga - kung walang obertaym - na nilikha ng manggagawa na
hindi binayaran ng kapitalista.
Halimbawa, sa isang pabrika ng sinulid. Para
mapasimple ang presentasyon, kakatawanin ng bulak ang lahat ng hilaw na
metryales na gagamitin para likhain ang sinulid. Kakatawanin naman ng suliran
(spindle) ang lahat ng makinang gagamitin sa produksyon.
Sa paggawa ng 4 na kilo ng sinulid, gagamit ng:
4 na kilo ng bulak = nagkakahalagang 14 na oras;
suliran (spindle) = maglilipat ng halagang 2 oras
sa anyo ng depresasyon
paggawa = na lilikhain ng 4 na kilo ng sinulid sa
loob ng 4 na oras.
Kung gayon, ang halaga ng 4 na kilo ng sinulid ay
20 oras. Kung ang presyo ng bulak ay P875, ibig sabihin, ang katumbas ng 1 oras
na paggawa ay P62.50 (875/14). Ang presyo ng 4 na kilo ng sinulid ay P1,250 o
P312.50 por kilo. At nang nilikha ito ng manggagawa, siya rin ay gumagawa ng
halagang P250 (P62.50 x 4 na oras).
Ibig sabihin, sa loob ng walong oras na produksyon,
ang manggagawa ay hindi lamang gumawa ng 8 kilo ng sinulid kundi lumikha ng
P500 na halaga:
1-4
(unang apat 5-8 (huling apat
na
oras ng na oras ng
produksyon) produksyon)
Bulak P875 P875 P1,750
Suliran P125 P125 P250
Paggawa P250 P250 P500
P2,500
= 8 kilo
ng
sinulid
Kung ang sahod ay P250, apat na oras lamang ang
binayarang lakas-paggawa. At apat na oras ang libre o di bayad na paggawa - ang
labis na halaga o tubo na nagkakahalagang P250.
At kung 1,000 ang manggagawa sa pabrikang ito, may
tubo o labis na halagang P250,000 sa isang araw.
5. Ang labis na halaga ay hindi
"sinosolo" ng kapitalista sa industriya sa anyo ng tubo. Ito ay
pinaghahatian ng kapitalistang may-ari ng lupa (renta), kapitalistang bangkero
(interes), kapitalistang gubyerno (buwis), at mga komersyante sa merkado.
Isalarawan natin sa ating halimbawang pabrika. Sa
isang araw na produksyon, lumikha ang manggagawa ng 8,000 kilo ng sinulid (8
kilo x 1,000 manggagawa) at ng labis na halagang P250,000.
Subalit ang labis na halagang P250,000 ay nasa loob
ng 8,000 ng sinulid. Kailangan muna itong ibenta para malasap ito ng
industriyal na kapitalista sa anyo ng pera. Kung kaya't ang reyalisasyon ng
labis na halaga (realization of surplus value) na nagmula sa produksyon ay
nagaganap sa sirkulasyon ng mga kalakal.
Maibenta man ito ng buong-buo o hindi, lumago ang
kapital. Mula sa halagang ito kukunin ang pambayad sa ibang gastusing labas sa
produksyon (gaya ng renta, interes, buwis, atbp.)
6. Dalawang panukat sa paglago ng kapital:
a) Tantos ng pagsasamantala (rate of exploitation)
o tantos ng labis na halaga (rate of surplus value)
Sinusukat nito ang paglago ng variable capital, ang
porsyento ng paglago ng tubo mula sa paggawa ng manggagawa. Makikita rito ang
intensidad o tindi ng pagsasamantala ng kapital. Ipinagkukumpara ang nalikhang
tubo sa pinagmulang pasahod. Ang pormula ay tubo/sahod o surplus value/variable
capital (s/v).
Sa ating halimbawang pabrika ng sinulid, ang tantos
ng pagsasamantala ay 100% (P250 s / P250 v). Ibig sabihin, sa bawat pisong
mapupunta sa manggagawa sa anyo ng sahod, may pisong mapupunta sa tubo ng
kapital.
b) Tantos ng tubo (rate of profit)
Sinusukat nito ang paglago ng kabuuang kapital.
Ipinagkukumpara ang tubo sa ginastos sa constant capital at variable capital.
Ang pormula: tubo / kabuuang kapital o surplus value / constant capital +
variable capital (s/c+v).
Sa ating galimbawa, ang tantos ng tubo ay 11.11%
(P250 s + P250 v). Ibig sabihin, sa bawat pisong ginastos sa produksyon (hilaw
na materyales, makina at pasahod), ang kapitalista ay kikita ng 11 sentimos.
7. Ang saligang paraan para palaguin ang labis na
halaga:
Para palaguin ang tubo, lahat ng paraan ay ginagawa
ng kapitalista. At ang laganap ay ang baratin ang sweldo ng manggagawa.
Halimbawa, kung sa pabrika ng sinulid, magpapasweldo siya ng P200 para
madagdagan ng P50 ang tubo. At ang labis na halaga ay magiging P300.
Karaniwang ginagawa ng kapitalista ang
"pandaraya" para lumaki ang tubo. Subalit ang saligang paraan para
palaguin ito ay pahabain ang sobrang paggawa sa pamamagitan ng absolutong labis
na halaga at relatibong labis na halaga.
a) Absolutong Labis na Halaga o Absolute Surplus
Value
Isang paraan para lumago ang tubo ay sa pamamagitan
ng pagpaparami ng manggagawa. Ito ang mas kalakaran noong ang kapitalismo ay
papasibol pa lamang na sistemang panlipunan bago ang Rebolusyong Industriyal at
ang limitasyon ng batas sa araw-paggawa.
Sa ating halimbawa, kung isang libong manggagawa
ang nagtatrabaho, ang tubo ay P250,000 (P250 bawat isa). At kung nais pang
palaguin ang tubo, bibili siya ng dagdag na makina at mag-eempleyo ng mas maraming
manggagawa - halimbawa, 3,000 manggagawa ang gagamitin sa tatlong shift. Kung
kaya't ang tubo ay magiging P750,000 sa isang araw.
Kasama sa absolutong paraan ng paglago ng tubo ang
paghaba ng araw-paggawa. Sa ating pabrika ng sinulid, kung magtatrabaho ang
manggagawa ng 12 oras sa isang araw, ibig sabihin, malilikha ng manggagawa ang
12 kilo ng sinulid at ang P750 na halaga:
1-4 5-8 9-12
Bulak P875 P875 P875
Suliran P125 P125 P125
Paggawa P250 P250 P250
Sa pagpaparami ng manggagawa at paghaba ng
araw-paggawa (working day) - bagamat lumalago ang absolutong labis na halaga -
nananatili ang halaga ng lakas-paggawa. Ang halaga nito ay 4 na oras gaya ng
dati. Pero lumago ang kapital, dahil lumaki ang halagang paghahatian ng kapital
at paggawa - mula sa 8 oras ay naging 12 oras o P750 mula sa dating P500.
Pero ang saligang paraan ng paglago ng kapital ay
ang pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa sa pamamagitan ng relatibong labis na
halaga.
b) Relatibong Labis na Halaga o Relative Surplus
Value
Ang pagtaas ng tubo ay kinukuha hindi lamang sa
absolutong paglaki ng labis na halaga kundi sa pagbabago sa hatian ng kapital
at paggawa sa halagang nalikha ng manggagawa.
Ito ang tinatawag na relatibong labis na halaga na
ang paraan ay ang pagpapatindi ng produktibidad (paggamit ng makina, pagtaas ng
quota, atbp.) para lumago ang tubo at bumagsak ang halaga ng lakas-paggawa.
Sa ating halimbawa, kung dodoblehin ang
produktibidad, ang malilikha sa 8 oras na produksyon ay magdodoble. Mula sa 8
kilo ng sinulid, ito ay magiging 16 na kilo. Ibig sabihin:
1-2 3-4 5-6 7-8
Bulak P875 P875 P875 P875
Suliran P125 P125 P125 P125
Paggawa P500
Nang dumoble ang bilis ng produksyon, nagawa ang 16
na kilo ng sinulid na nagkakahalagang P4,500 (P3,500 bulak + P500 suliran +
P500 halagang nalikha ng 8 oras na paggawa.
Gaya ng dati, ang walong oras na paggawa ng
manggagawa ay lumikha ng P500. Dahil tumindi man ang kanyang produktibidad, ang
kanyang lakas-paggawa ay ginamit pa rin ng 8 oras - at kung gayo'y lumikha ng
parehas na halaga.
Dahil sa mabilis na produksyon, mas iiksi ang oras
para gawin ang sinulid. Babagsak ang kanyang halaga. Kung dati'y ang por kilong
halaga nito ay P312.50. Ngayon, ang halaga nito ay P281.25 bawat kilo (4,500/16
na kilo).
Mas mura ang sinulid ng indibidwal na kapitalista
(individual value) kumpara sa halaga nito na itinakda ng lipunan (social
value). Dahil dito'y maibebenta niya ng mas mura sa kanyang kakumpetensya
ngunit mas mahal sa kanyang indibidwal na halaga.
Kung ito'y ibebenta niya ng P300, ang kabuuang
benta niya sa 16 na kilo ay P4,800 (16 na kilo x P300). Para makuha ang tubo,
kailangang imenos ang mga gastusin. Kung nananatili ang sahod sa halagang P250,
ang tubo ay P550. [P4,800 - (P3,500 bulak + P500 suliran o spindle + P250
sahod) = P4,800 - P4,250 = P550].
Ang hatian, kung gayon, ng sahod at tubo sa
halagang P800 ay P250 at P550. Kung sa oras, ito ay nangangahulugan ng 2.5 oras
na binayarang paggawa at 5.5 oras na di binayarang paggawa. (Tingan: tala para
sa instructor #2.) Ang rate of exploitation - mula sa 100% - ay naging 220%
habang ang rate of profit - mula sa 11.11% - ay naging P12.94% (P550/P4,250).
Lumago ang tubo - at tumindi ang pagsasamantala -
ng indibidwal na kapitalista dahil naibagsak niya ang kanyang indibidwal na
halaga kumpara sa kanyang karibal sa industriya. Subalit kung ang panlipunang
istandard sa produksyon ng sinulid ay maging 16 na kilo sa loob ng 8 oras, ang
halaga ng 16 na kilo ay magiging P4,500 o P281.25 bawat kilo. Bunga nito,
babalik ang tantos ng pagsasamantala sa 100% (P250 sahod / P250 tubo) - kung
hindi babaratin ang pasweldo sa manggagawa.
8. Sa pagtaas ng produktibidad, bumabagsak ang
halaga ng lakas-paggawa hindi lamang sa isang pabrika - gaya ng sa huling
halimbawa. Dahil ang di maiiwasang epekto ng pagtaas ng produktibidad ay ang
pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa sa buong lipunan at pagtaas ng
pangkalahatang tantos ng pagsasamantala.
Kapag tumataas ang produktibidad sa mga
industriyang lumilikha ng mga karaniwang pangangailangan ng manggagawa
(halimbawa, pagkain, damit, mga materyales sa produksyon ng tirahan, atbp.),
bumabagsak ang halaga ng lakas-paggawa.
Ang halaga ng lakas-paggawa ay nakabatay sa halaga
ng mga pangangailangan para mabuhay ang manggagawa at ang kanyang pamilya. At
sa pagbagsak ng halaga ng mga ikabubuhay ng manggagawa, umiiklo ang
kinakailangang oras para likhain ng manggagawa ang kanyang ikabubuhay. Ibig
sabihin, bumabagsak ang halaga ng lakas-paggawa dahil sa pagtaas ng
produktibidad ng lipunan.
E. Makina
bilang Kapital
Ang relatibong labis na halaga na nagmumula sa
pagtaas ng produktibidad ay dahil sa paggamit at patuloy na pagpapaunlad ng makina
sa kapitalistang produksyon.
Sa kapitalismo, ang makina ay hindi simpleng
instrumento sa produksyon na ginagamit para likhain ang mga pangangailangan ng
tao. Ang makina, sa kamay ng manggagawa, ay intrumentong lumilikha - sa mas
mabilis na panahon - ng sobra-sobrang progreso.
Subalit, higit dito, ang makina ay umiiral batay sa
relasyon ng mga tao sa lipunan. Ito ang kapital. Magsisilbi ito sa nagmamay-ari
sa kanya bilang instrumento ng pagsasamantala. Tulad ito ng pera na simpleng
papel lamang kung babaklasin sa panlipunang kaayusang nakabataysa produksyon ng
mga kalakal.
a) Makina
bilang Mekanisadong Latigo
Ang mga sinaunang instrumento ng tao ay ekstensyon
ng kanyang katawan. Ang gumagawa - hindi ang instrumento - ang magdidikta ng
bilis, lakas, tiyempo ng paggawa. Subalit sa paggamit ng makina, ang tao ang
karugtong ng kanyang instrumento. Isinasabay ang katawan ng tao sa bilis ng
makina, na tumatakbo ayon sa dikta ng may-ari sa kanya - ang mga kapitalista.
Mas tumitindi ang kapasidad ng tao para likhain ang
yaman na hindi naman para sa kanya kundi para sa nagmamay-ari ng makina.
Sobra-sobra sa pangangailangan ng sangkatauhan ang nalilikha dulot ng makina
subalit ang mga ito ay kalakal na pribadong pag-aari ng mga kapitalista.
At ang masaklap, ang ultimong epekto nito ay ang
pagbagsak ng halaga ng lakas-paggawa bilang kalakal. Kung gayo'y pinatitindi
nito ang pagsasamantala ng kapital sa paggawa.
b) Makina at
Sobrang Suplay ng Lakas-Paggawa
Ang tampok na epekto ng pagpapaunlad sa makina ay
tanggalan sa trabaho. At bunga nito, nagkakaroon ng reserbang suplay ng
manggagawa.
Dahil sa makina, tumitindi ang kompetisyon sa
pagitan ng mga manggagawang nais manatili sa trabaho at manggagawang papayag na
magtrabaho sa mas mababang sweldo. Sa panahon ng krisis, ang reserbang hukbo ng
paggawa ay mas nakikita sa lumalaking bilang ng walang trabaho.
Subalit kahit pa nakahanap ng ibang trabaho ang mga
manggagawang natanggal sa trabaho dahil sa paggamit ng makina, lilikhain pa rin
ng mekanisasyon ang "relatibong sobrang populasyon" dahil lumiliit
ang demand para sa lakas-paggawa.
Dahil sa modernisasyon ng makina, nagiging sobra
ang populasyon hindi pa dahil dumarami ang bilang ng manggagawa. Ang ibig
sabihin nito'y kapag tumataas ang produktibidad, ang dating trabaho ng 10
manggagawa ay magagawa ng lamang ng isa. Lumiliit ang demand para sa lakas-paggawa.
At relatibo sa demand, sobra na ang suplay ng manggagawa. Kung gayon, ang
epekto ng mekanisasyon ay hindi na lamang ang pagbagsak ng halaga ng
lakas-paggawa kundi ang sahod na presyo ng lakas-paggawa.
III. Ang Di
Maiiwasang Krisis ng Kapitalismo
1. Sa ngayon, hindi na maaaring itanggi na
pana-panahong dumaraan sa krisis ang kapitalistang lipunan. Di minsan sa
kasaysayan ng kapitalismo na dinaranas nito ang isang krisis.
At sa mga panahon ng krisis, ipinamalas ng lipunan
ang kanyang "mabangis na naturalesa" bilang isang lipunang nagsisilbi
sa kapital. Kung sa panahon ng prosperidad, palagiang "huli sa
benepisyo" ang mga manggagawa; sa panahon ng krisis, sila'y "una sa
sakripisyo". At ang tanging paraan para isalba ang lipunan mula sa krisis
ay sa pamamagitan ng pagbagsak ng sahod at ang pagdausdos sa pamumuhay ng
masang anakpawis.
Ilan sa mga halimbawa nito'y ang pandaigdigang
krisis pang-ekonomya noong 1930 at ang kamakailan lamang na krisis-pinansyal sa
Asya noong 1997, krisis sa Argentina, Mexico, atbp.
2. Itinatanggi ng karamihan sa mga burges na
ekonomista ang pag-iral ng krisis ng kapitalistang ekonomya. May ilan naman na
isinisisi ang ugat ng krisis sa mga eksternal na salik gaya ng diyera,
kalikasan (pagbabago sa klima, atbp.).
Subalit ang krisis ay hindi lamang di maiiwasang
pangyayari sa kapitalismo. Mas pa, ang krisis ay integral na aspeto ng kanyang
pag-iral bilang sistemang panlipunan. Ibig sabihin, "kakambal" ng
kapital o "natural" sa lipunang ito ang pana-panahong krisis.
Ang pinagmulan ng kongklusyong ito ay pagsusuri sa
mismong internal na batas ng paggalaw ng lipunan. Sa madaling salita, nasa
kalikasan mismo ng kapitalismo - ng pag-iral at paggalaw ng kapital - ang
pana-panahong krisis-panlipunan.
A. Batas ng
Akumulasyon at Kompetisyon
1. Ang akumulasyon ay likas sa kapital. Ito ang
batayang katangian ng kapital.
Iisa lang ang hangarin nito: ang tumubo at lumago.
Kaya nga't ang kapital, na karaniwang nasa anyo ng pera, imbes na gamitin
lamang bilang pamalit sa kung ano-anong mga kalakal ay isinasabak sa
produksyon.
Ipinambibili ng manggagawa para sila'y
pagtrabahuhin. Para likhain ang mga kalakal na mas mataas ang halaga kumpara sa
ginagastos. Para ibenta ang mga kalakal at lumago ang kapital.
2. Ang paghahabol na tumubo ang kapital - ang
akumulasyon nito - ang ginagatungan ng kompetisyon. Dahil magaganap lamang ang
akumulasyon kung ang mga nalikhang kalakal ay ibebenta sa merkado. At sa
merkado, hindi maiiwasang "magsalubong ang landas" ng bawat
kapitalistang nagbebenta ng parehong klase ng kalakal.
sa merkado nagaganap ang kompetisyon ng mga
kapitalista, dahil ang titindi ng akumulasyon ng kanilang kapital, kung sila
ang makakabenta ng pinakamaraming bilang ng kalakal.
Kung ang demand para sa sinulid ay 5 milyong kilo
bawat araw, hinahabol ng bawat kapitalista na sila - hindi ang kanilang
kakumpetensya - ang makalilikha at makapagbebenta ng 5 milyong kilong sinulid
bawat araw.
3. Ang batas ng akumulasyon at kompetisyon ang
motor na nagtutulak na abutin ng kapitalismo ang walang kaparis na progreso.
Ito rin ang nag-oobliga sa kapital na walang tigil na paunlarin ang mga pwersa
sa produksyon gaya ng makina.
Ang mekanisasyon ng isang industriya, kung hindi pa
sagad ang kompetisyon ng kapitalista sa pagpapaunlad ng produksyon, ay
magdudulot ng isang yugto ng kasiglahan ng buong kapitalistang ekonomya.
Dahil sa mekanisasyon ng isang indurtiya, tataas
ang demand para sa mga raw materials ng industriyang ito at maoobliga ring paunlarin
ang mga kasangkapana para gawin ito.
Kung ang nililikha ng industriyang ito ay kagamitan
sa produksyon ng ibang industriya, ang pagpapamura rito ay mangangahulugan din
ng pagtaas ng demand para dito. Halimbawa, kung nagmura ang sinulid dahil sa mekanisasyon,
tataas ang demand dito ng mga lumilikha ng t-shirt at ng tela.
Bunga rin ng mekanisasyon, isisilang din ang mga
industriyang lumilikha ng mga kalakal para sa luho (luxury goods) bunga ng
ekspansyon ng kapital sa iba't ibang industriya.
4. Sa panahon ng ekspansyon ng kapital, kinilala ni
Marx na maaaring idulot nito ang pagtaas ng sahod dahil sa pagtaas ng demand
para sa lakas-paggawa. Ganumpaman, kahit sa panahon ng prosperidad, lumalaki
ang agwat ng mayaman at mahirap - nasiyang kongkretong anyo ng pagtaas ng
general rate of surplus value.
ibig sabihin, tumitindi ang pagsasamantala hindi pa
dahil bumabagsak ang kabuhayan ng manggagawa kundi dahil bumagsak ang kanilang
katayuan sa lipunan kumpara sa pag-unlad ng kapital.
Halimbawa, sa panahon ng prosperidad, ang
manggagawa na dati'y nakatira sa munting barungbarong ay maaaring nangungupahan
na sa isang sementadong kwarto. Pero dahil din sa ekspansyon ng kapital, ang
kapitalistang dating nakatira sa bungalow ay nakatira na sa isang mansyon o palasyo.
5. Ang mga batas ng akumulasyon at kompetisyon ay
mga pwersa para gampanan ng kapitalismo ang kanyang istorikal na misyon: (a)
ang pagpapaunlad sa panlipunang dibisyon ng paggawa (social division of labor)
at (b) ang konsentrasyon ng pag-aari sa mga kagamitan sa produksyon sa kamay ng
iilan (concentration of the means of production).
a) Panlipunang dibisyon ng paggawa (social division
of labor)
Ang kapitalismo ay commodity economy - hindi lamang
dahil ito'y ganap na nakatuon sa produksyon ng mga kalakal kundi mismong ang
lakas-paggawa ng tao ay naging kalakal.
Dati nang umiiral ang produksyon ng mga kalakal -
bago pa man ang kapitalismo ay naimbento na ang pera at nagaganap na ang
palitan ng mga kalakal. Pero nalubos lamang ito sa pag-usbong ng kapitalismo.
Ang pagyabong ng commodity economy ay
nangangahulugan ng paglusaw sa self-sufficient economy. Dahil ang mga
pangangailangan ng populasyon ay hindi nila nililikha para sa pansariling gamit
kundi binibili sa merkado. Ang mga produkto ng paggawa ay niliha para ibenta sa
merkado.
Imposibleng mangibabaw ang commodity economy kung
hindi lumalim at lumawak ang dibisyon ng paggawa sa buong lipunan.
Sa sinaunang mga lipunan, ang paggawa ng tao ay
hiwa-hiwalay at separado sa antas-panlipunan. Kabaligtaran nito ang
kapitalismo, kung saan ang paggawa ay sosyalisado - ang paggawa ay magkakaugnay
bilang ispesyalisadong bahagi ng
produksyon ng kapital.
Halimbawa, para gawin ang kasuotan ng tao sa
sinaunang mga lipunan, ang buong proseso ng paggawa - ang pagtanim ng bulak,
paggawa ng sinulid at tela, at ang mismong pagagwa ng kasuotang ito - ay
ginagawa lamang ng osang pang-ekonomikong yunit (gaya ng isang pamilya).
sa kapitalismo, itutulak ng kompetisyon at
akumulasyon ang pagpapaunlad sa produksyon hanggang ang bawat bahagi ng
prosesong ito ay magiging ispesyalisadong mga industriya. Halimbawa, ang mga
industriya ng sinulid at tela na bahagi sa produksyon ng t-shirt.
b) Konsentrasyon ng pag-aari ng mga kagamitan sa
produksyon (concentration of the means of production)
Ang ikalawang istorikong misyon ng kapitalismo ay
konsentrasyon ng pag-aari sa mga kagamitan sa produksyon. Ibig sabihin, ang
akumulasyon at kompetisyon ay magbubunga ng pag-angat ng iilan at ang
pagkawasak ng kabuhayan ng nakararami.
Ang mga matatalo sa kompetisyon ay nababangkarote
at nawawalan at nababawasan ng pag-aari. Halimbawa, ang mga maliliit na
prodyuser ay tatalunin ng malalaking industriya at mula sa pagiging
"panggitnang uri" sila ay nahahanay na sa uring proletaryado. Kung
kaya't ang di maiiwasang direksyon ng kapitalismo ay ang pagpaparami ng
manggagawa. Ang akumulasyon ng kapital ay mangangahulugan din ng pagdami ng
"tagapaglibing ng burgesya".
(Transisyon: Ang akumulasyon at kompetisyon ang
nagtutulak sa ekspansyon ng kapitalistang ekonomya. Subalit ito rin ang
maghahatod sa kanya sa krisis.)
B. Iba't
Ibang Salik na Nagbubunsod ng Krisis ng Kapitalismo
Maraming dahilan ng pagbagsak ng ekonomya ng isang
lipunan. Kasama rito ang mga eksternal na salik gaya ng pagbabago sa kalikasan.
Gayunpaman, para makita ang mga nagbunsod ng krisis - na pekulyar sa
kapitalistang sistema - sinuri niya ang paggalaw at ang interrelasyon sa pagitan
ng kapitalistang produksyon, kompetisyon at credit (kredito o pautang).
a. Krisis ng Sobrang Produksyon
1. Ang kapitalistang produksyon ay produksyon para
sa halaga-sa-palitan (production for exchange value), ibig sabihin, nilikha ang
mga kalakal hindi lamang para gamitin kundi para ibenta sa merkado.
At sa sirkulasyon ng kalakal, ang labis na halaga
(tubo) na nalikha sa loob ng proseso ng paggawa ay natatransporma sa anyo ng
pera. Matapos maibenta sa merkado, magiging ganap ang tubo dahil aktwal ring
makikita ang paglago ng inisyal na pondong ginamit sa kagamitan sa produksyon
at pasahod (realization of surplus value).
Kung sa ating halimbawang produksyon ng sinulid,
kailangan munang ibenta ang 8 kilo ng sinulid para makuha ang labis na halagang
P250 na nasa loob nito.
2. Ang problema ng realisasyon ng labis na halaga -
kung mabebenta o hindi ang mga kalakal - ang pinakamalaking kontradiskyong
bumubuhol sa kapitalistang sistema.
Dahil kapag sumobra ang kalakal kumpara sa demand
para dito, hindi mabebenta ang kalakal, makukuha ang tubo (sa anyo ng pera) at
di na ito maibabalik muli sa produksyon bilang constant capital at variable
capital.
3. Halimbawa. Ipagpalagay nating may sampung
kapitalista na ang kabuuang produksyon sa isang araw ay 800,000 kilo ng
sinulid. Kung ang demand sa loob ng bansa para sa sinulid ay 5 milyong kilos
isang araw, ibig sabihin, kapos pa ang suplay ng 4.2 milyon.
Dahil dito, pipilitin nilang itaas ang kanilang
produksyon para masuplayan ang ganitong demand. Kung walang problema sa suplay
ng hilaw na materyales, sa pagbili ng karagdagang makinarya at pag-upa ng
karagdagang mga manggagawa, sandaling panahon lang ay matutugunan na nila ang
ganitong demand na 5 milyong kilo ng sinulid sa isang araw at magsisimula ang
krisis ng sobrang produksyon kapag hindi lumaki ang demand sa paglaki ng bolyum
ng itinitindang sinulid.
Habang hinahabol ng bawat kapitalista na mapalaki
ang produksyon para matugunan ang pangangailangan sa sinulid, magpapaligsahan
rin ang tatlo sa palakihan ng benta. Bawat isa ay mag-iisip ng mga paraan para
mapamura ang produksyon na ang ibig sabihin ay mapataas ang produktibidad.
Sa tuluy-tuloy na pagpapaunlad ng makinarya,
darating ito sa isang antas na sosobra ang suplay sa demand. Kapag hindi lumaki
ang demand kasabay ng paglaki ng suplay, titirik ang produksyon.
Halimbawa, kung ang demand sa sinulid para sa isang
tao ay kayang iprodyus sa loob ng isang buwan, ano ang gagawin ng pabrikang may
ganitong kapasidad sa natitirang labing-isang buwan? Kung walang kakompetensya,
pwedeng rendahan ang produksyon batay sa demand. Pero ang ibig sabihin nito ay
hindi gagamitin ang makina batay sa kanyang aktwal na kapasidad. Pero kapag may
kakompetensya, magkakasagaran sa produksyon para ito'y mapamura. Ang hindi
makasabay ay matatalo at maaagawan ng benta. Ito ang kagyat na implikasyon ng
kapitalistang kompetisyon - ang anarkismo sa produksyon.
b. Anarkismo sa Produksyon
1. Sa antas-pabrika, nagpaplano ang bawat
indibidwal na kapitalista - hindi lamang kung paano lalago ang tubo kundi para
iwasan din na sumobra ang kanilang produksyon kumpara sa demand para dito.
Pero hindi planado ang buong ekonomya. Umiiral ang
anarkiya sa produksyon bunga ng kumpetisyon. Kung kaya't hindi masisiguro na
mabibili't makokonsumo ang mga nalilikhang kalakal ng industriya.
2. May libo-libong klase ng kalakal na umiikot sa
merkado. Subalit maaari itong hatiin sa dalawang klase: mga kagamitan sa
produksyon (hilaw na materyales, makina) at mga produktong pangkonsumo
(pagkain, damit, atbp.)
Kung gayon, maaari ding hatiin sa dalawang
departamento ang kapitalismo. Sa Departamento I na lumilikha ng kagamitan sa
produksyon at sa Departamento II na gumagawa ng pang-indibidwal na konsumo.
Para di magkaroon ng sobrang produksyon, ang
kagamitan sa produksyon na mga nalilikha sa Departamento I ay dapat mabenta
upang gawing constant capital na Departamento I at II. gayundin, ang mga
produktong pangkonsumo ay dapat na mabili ng mga kapitalista't manggagawa sa
Departamento I at II. (Tingnan: tala para sa instruktor #3.)
Pero dahil hindi pinaplano sa antas-panlipunan ang
kapitalistang produksyon - ang pinag-iisipan at tinatangka ng bawat kapitalista
kung paano dudurugin ang kanyang mga karibal. Kung kaya't di maiiwasang ang
krisis sa isang empresa ay magkakaroon ng negatibong epekto sa kabuuang
ekonomya.
Transisyon: Ang sobrang produksyon at anarkismo sa
produksyon ay pumapatungkol sa problema ng kapital kung paano maibebenta ang
mga kalakal para makuha ang labis na halaga sa anyo ng pera (realization of the
surplus value).
Subalit ang krisis ay hindi lang nagmumula sa
merkado kundi sa loob mismo ng produksyon kapag pinatataas ang produktibidad sa
pamamagitan ng mekanisasyon.
c. Pagbagsak ng rate of profit dahil sa
mekanisasyon
1. Tubo ang motibo sa patuloy na pagpapaunlad ng
mga kapitalista sa mga instrumento sa produksyon. Sa pamamagitan ng
mekanisasyon, pinapaspasan ng mga kapitalista ang produksyon para gawing mas
mura ang nalilikhang kalakal kumpara sa kakumpetensya.
Ang ibinubunga nito ay ang paglago ng tubo
(relatibong labis na halaga) hangga't nananatiling mas mabilis ang kanyang
produksyon kumpara sa umiiral na pamantayan ng lipunan para gawin ang naturang
kalakall
Subalit kapag di na naglalayo ang produktubidad ng
magkakaribal na kapital, lilikhain nito ang kontradiksyong magbabagsak sa
kanilang ratw of profit.
2. Ang dahilan nito ay ang transpormasyon ng
kapital mula sa variable capital (pondo sa pasahod) tungo sa constant capital
(makina), na hindi naman pinagmumulan ng kapitalistang tubo. Tandaan nating ang
tanging lumilikha ng labis na halaga ay ang lakas-paggawa na siyang pinapalitan
ng makina (na naglilipat lamang ng kanyang halaga sa halaga ng kalakal).
3. Sa ating halimbawa na produksyon ng sinulid,
ipagpalagay nating 16 na kilo na ang nalilikha ng buong industriya sa loob ng 8
oras. Ibig sabihin nito, hindi na maibebenta ang por kilong sinulid sa presyong
P300 dahil ang halaga (social value) na nito ay P281.25. At ang nalikha ng
lakas-paggawa ay P500 na mahahati sa P250 (tubo) at P250 (sahod).
Sa tubong P250 mula sac constant capital at
variable capital na P4,250, ang rate of profit ay naging 5.88 (P250/P4,250).
Ito ay lubhang mas maliit kumpara sa nakaraang rate of profit na 11.11% mula sa
paglikha ng 8 kilong sinulid sa regular na oras ng trabaho.
4. Sa pagsulong ng akumulasyon ng kapital, ang
proporsyon ng kapital para sa kagamitan sa produksyon (constant capital) at
kapital para sa sahod ng manggagawa (variable capital) ay magbabago.
Kung dati'y ang proporsyon ay 1:1, tuluy-tuloy
itong magbabago, magiging 2:1, 3:1, 4:1, 5:1, atbp. Ibig sabihin, habang
lumalago ang kapital, imbes na 1/2 ay 1/3, 1/4, 1/5, atbp. ng kabuuang halaga
nito ang para sa variable capital habang ang 2/3, 3/4, 4/5, atbp. ang nilalaan
para sa constant capital.
Ang proporsyong ito ng constant at variable capital
ay tinatawag nating organic composition of capital na patuloy na lumalaki dahil
itinutulak ng kompetisyon ang ibayong mekanisasyon ng produksyon. At
pinatitindi ng paglago nito ang tendensyang bumagsak ang rate of profit.
5. Kapag nalulubos na ang mekanisasyon ng
produksyon - at bunga nito'y bumabagsak ang rate of profit - ang magiging
paraan ng kapital para ibalik ang kasiglahan ng paglago nito ay ang pagpapahaba
sa araw-paggawa (working day).
Para lumago ang tubo, kailangang humaba ang sobrang
paggawa (surplus labor) at umiksi ang obligadong pagagwa (necessary labor).
Pero kapag nagpaspasan na ang kapital at hindi na
makukuha ang dagdag na tubo sa anyo ng relatibong labis na halaga (pagtaas ng
produktibidad), maoobliga itong palakihin ang absolutong labis na halaga sa
pamamagitan ng ekstensyon o paghaba ng araw-paggawa. Kung kaya't sa kabila ng
limitasyon ng 8-hours working day, magiging talamak ang pagpapa-overtime nito
kasabay ng mekanisasyon.
Transisyon: Habang pinatitindi ng pagpapaunlad ng
makina ang tendensyang bumagsak ang krisis, may dagdag na papel ang pinansyal
na kapital na nagpapaigting sa krisis sa produksyon at sirkualsyon ng kalakal.
d. Papel ng financial capital sa krisis
1. May iba't ibang anyo ang kapital. Maaari itong
nasa anyo ng pera na gagamitin para ipuhunan sa kagamitan sa produksyon at
pasahod (constant capital at variable capital), o sa ibebentang mga kalakal na
naglalaman ng labis na halaga (commodity-capital).
Maliban dito, ang kapital ay nasa anyo rin ng pera
(money-capital) na hindi inilalagak sa produksyon kundi ipinauutang ng mga
bangko at iba pang pinansyal na institusyon nang may dagdag na interes.
Lumalago ang ganitong tipo ng money-capital batay sa interest-rate at tinatawag
din silang interest-bearing capital.
2. Sa biglang tingin, ang interest-bearing capital
ay tila pera na "nanganganak ng pera". Subalit ito'y ilusyon lamang.
Ang interes ay hindi kusang tumutubo mula sa pera. Ibig sabihin, hindi ito
lalago nang hiwalay sa produksyon. dahil ang interes ay kinukuha mula sa labis
na halaga (surplus value) na nagmumula sa produksyon.
3. Ano ang papel ng interest-bearing capital sa
krisis? Makikita natin ito sa relasyon nito sa industriyal na kapital at
interest-bearing capital.
Bagamat ang mga bangko ay "nakikiigib"
lamang sa labis na halagang nalilikha sa produksyon, ang kanilang interest rate
ay isang imposisyon sa rate of profit ng industriyal na kapital. At kung hindi
ito matutugunan, ang mga pag-aari ng kapitalista sa industriya ay kukunin ng
bangko.
Halimbawa, umutang ang isang kapitalista ng 1
milyon na interes na may 12% per annum na babayaran sa loob ng 10 taon. Mas
madali itong mababayaran ng kapitalista kung mas mataas kaysa sa interest rate
ang rate of profit nito.
Subalit kung hindi - ipagpalagay na 10% lamang ang
rate of profit - dapat niyang paikutin ng mas mabilis ang kapital (turnover of
capital) at kailangan ding ibalik ang mas malaking porsyon ng labis na halaga
sa produksyon.
Halimbawa, ang 1 milyon ay ilalagak sa produksyong
may 10% na rate of profit. dahil dito, sa unang pag-ikot ng kapital, ito ay
lilikha ng P100,000 na labis na halaga na magiging ganap lamang kung mabebenta
lahat ng produkto.
Kung sa isang buwan ay magagawa nang paikutin ang
inutang na kapital (mula sa produksyon hanggang sa mabenta ang kalakal), ito ay
tumubo ng P100,000 sa unang buwan.
Mula satubong ito, ipagpalagay na P50,000 ang
ibabalik sa produksyon (sa anyo ng bagong constant capital). Kung kaya't sa
ikalawang buwan, ang kapital para sa produksyon ay naging P1,050,000, na kapag
binalik sa produksyon ay lilikha ng P105,000.
Kung kaya't habang bumibilis ang pag-ikot ng
kapital - at ibinabalik sa produksyon ang mas malaking porsyon ng labis na
halaga, mas madaling mababayaran ang inutang sa bangko kahit pa mas mataas ang
interest rate sa rate of profit. Gayunpaman, ito ay magaganap lamang kung mas
mabilis na nabebentang lahat ang nagagawang kalakal.
4. Ang papel ng interest-bearing capital sa
pagpapaigting ng krisis pang-ekonomya ay makikita sa direksyon nito depende sa
takbo ng ekonomya.
Sa panahon ng kapitalistang ekspansyon, mababa ang
interest rate dahil sigurado ang mga bangko na mababayaran sila ng industriyang
humihiram ng dagdag na kapital para ipambili ng dagdag na makina, dagdag na
hilaw na materyales.
Pero sa panahon ng krisis, sumisirit pataas ang
interest rate. Dahil naghahabol ang mga kapitalista na umutang para bayaran ang
nakaraang utang na ginamit sa kanilang ekspansyon - at dahil hindi na tiyak ang
mga bangko kung mababayaran ang kanilang ipinataw na interes - tumataas ang
interest rate.
Dahil dito, itinuturing natin ang money-capital
bilang "berdugo ng manupaktura't industriya".
C. Mga Pamamaraan ng Kapital Upang Maibsan ang
Krisis
1. Nasa kalikasan ng kapital na humantong ito sa
krisis matapos ang isang yugto ng ekspansyon at prosperidad. Gayunpaman, ang
lipunang ito ay hindi kusang bumabagsak kundi ibinabagsak at pinapalitan ng
bago.
Ang krisis ay manipestasyon ng tunggalian sa
pagitan ng pwersa sa produksyon at relasyon sa produksyon, ng "banggaan"
ng sosyalisadong produksyon at pribadong pagmamay-ari sa mga kagamitan sa
produksyon.
Ang istorikal na misyon ng kapitalismo ay ang
patuloy na pagpapaunlad sa kapitalistang dibisyon ng paggawa (social division
of labor), at nagagawa niya ito sa mas mabilis na paraan kumpara sa naunang mga
lipunan dahil sa paggamit ng makina.
Pero ang mismong pagpapaunlad sa sosyalisadong
paggawa ang nagdudulot ng krisis dahil ang kapitalismo ay likas na nagsisilbi
para lamang sa kapital, sa patuloy na akumulasyon nito, sa paglago ng yaman ng
iilang nagmamay-ari ng kapital.
Kung kaya't ang krisis ng kapitalismo ang ebidensya
ng pagiging "lipas" nito. Sa istorikal na pakahulugan, masasabi
nating "pinaglipasan na ng kasaysayan' ang kapitalismo.
Subalit magiging ganap na lipas ang kapitalismo,
kung ang istorikal na prosesong ito ay maisasalin sa aktwal na buhay sa
pamamagitan ng tunggalian ng mga uri. Sa panahon ng krisis, mas nagiging
matingkad hindi lamang ang kontradiksyon sa pagitan ng mga uri kundi ang
katotohanang bangkarote at bulok ng umiiral na lipunan.
2. Gayunpaman, hindi natin ipinagkikibit-balikat na
may mga paraan ang kapital para pansamantala nitong maibsan ang krisis
panlipunan. Tinatawag natin itong "counteracting tendencies", mga
tendensyang pumipigil sa pagbulusok ng kapitalistang ekonomya.
Pero hindi nito nilulutas ang dahilan ng krisis -
ang antagonistikong relasyon ng mga uri, ang kontradiksyon sa pagitan ng
sosyalisadong produksyon at pribadong pag-aari, ang krisis sa sobrang
produksyon, ang anarkismo sa produksyon at ang pagbagsak ng tantos ng tubo
bunga ng mekanisasyon. Kung kaya't hindi ito maituturing na "lunas', kundi
pansamantalang solusyon sa di maiiwasang krisis.
Ang mga pamamaraan ng kapitalismo para maibsan ang
krisis ay ang mga sumusunod:
a. Pagbagsak ng sahod na mas mababa sa halaga ng
lakas-paggawa
Di minsan sa kasaysayan ng kapitalismo na
bumabagsak ang sahod nang mas mababa sa minimum na pamantayan (standard) para
mabuhay ang mga manggagawa.
Sa maagang yugto ng industriyalisasyon ng
Inglatera, lubhang bumagsak ang sahod hanggang sa puntong pinapatay na ng
malnutrisyon, kawalan ng maayos na tirahan, atbp. ang mga manggagawa.
Dahil idinulot nito ang pagkaunti ng suplay ng
lakas-paggawa - at kailangan ng kapital ang mga manggagawa para likhain ang
tubo - naobliga ang estado na pigilan ang sukdulang pang-aabuso sa manggagawa.
Sa ngayon, nagpapatuloy na mas mababa ang sahod sa
halaga ng lakas-paggawa hindi lamang sa mahihirap na bansa, gaya ng Pilipinas
(ang kasalukuyang minimum na sahod ay P491 sa National Capital Region, at mas
mababa sa mga rehiyon, kumpara sa cost of living na P1,200 kada araw, ayon sa
NEDA, 2016 data). Ito'y laganap din sa mga abanteng bansa, kung saan mas mababa
ang pasahod sa mga migrante at kababaihang manggagawa.
b. Mas murang constant capital (raw materials,
atbp.)
Ang halaga ng mga kalakal ay nakabatay sa
kinakailangang oras para likhain ang mga ito. Sa pagtaas ng produktibidad sa
mga industriyang lumilikha ng constant capital - mga gumagawa ng mga hilaw na
materyales at makina - lumiliit ang halaga ng mga ito.
At kung hindi babagsak ang halaga ng salapi
(Tingnan: tala para sa instruktor #1), mas naging mura ang gastusin ng mga
industriyang gumagamit nito at tataas ang kanilang tantos ng tubo.
Isang paraan ng kapitalismo, para maging mura ang
constant capital ay ang ekspansyon ng kapital sa mga atrasadong bansa na
ginawang kolonya ng malalaking kapitalistang bansa. Sa pagsakop sa maliliit na
ekonomya, hindi lamang nakukuha ang mas murang constant capital kundi
sumasaklaw ang kapital sa isang populasyon ng mas murang manggagawa.
c. Relatibong sobrang populasyon
Gaya ng naisaad sa itaas, ang pag-iral sa
"relatibong sobrang populasyon" ay isa sa mga epekto ng paggamit at pagpapaunlad
ng makina. Dahil ang epekto ng pagtaas ng produktibidad ay ang pagliit ng
demand para sa lakas-paggawa, na humahatak pababa sa sahod.
Sa paggamit ng makina, nagkakaroon din ng sobrang
suplay ng lakas-paggawa dahil tinatalo sa merkado ng mas murang kalakal ng mga
industriya ang maliliit at nagsasariling ekonomya (self-sufficient natural
economy). Ibig sabihin nito, ang mga "panggitnang uri" gaya ng
magsasaka, maliliit na negosyante, ay nawawalan ng pag-aari at mabubuhay lamang
kung sila'y magbebenta ng lakas-paggawa.
Bunga nito, lumalaki ang suplay ng lakas-paggawa na
siyang nagtutulak pababa sa sahod. Sa patuloy na modernisasyon ng makina, ang
nadidistrungkang agrikultural na populasyon ay mas madaling magiging bahagi ng
suplay ng lakas-paggawa dahil nagiging
simple ang paggawa bunga ng mekanisasyon (paggamit ng unskilled labor).
d. Imperyalismo at foreign trade
Sa krisis ng sobrang produksyon ng mga kalakal, isa
sa mga solusyon ng kapital ay ang paghahanap ng bagong merkado. Kung kaya't ang
"nakatadhanang" landas ng kapitalistang sistema ay ang makabagong
kolonyalismo - ang pagsakop sa mga atrasadong bansa - hindi lamang para gawin
silang merkado ng sobra-sobrang mga kalakal na hindi na mabenta sa umiiral na
merkado kundi upang huthutan ang mga ito ng mas murang constant capital at mas
murang lakas-paggawa.
Ang saligang punto sa depresasyon: hindi lumilikha
ng bagong halaga ang makina. At katunayan, ang depresasyon ay magaganap lamang
kung ang halagang natutulog sa makina ay gigisingin ng buhay na paggawa ng
manggagawa.
1 Ang pagtaas ng general ng general rate of surplus
value o pangkalahatang tantos ng pagsasamantala dahil sa pagbagsak ng halaga ng
lakas-paggawa ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng pagdausdos ng sahod at
kabuhayan ng manggagawa. Sa partikular, ang nasusukat nito ay ang paglago ng
yaman ng uring kapitalista. Kung kaya't ipinapakita nito ang lumalaking agwat
sa pagitan ng dalawang uri at kung gaano katindi ang akumulasyon ng kapital
dahil sa pagtaas ng produktibidad ng lipunan.
2 Kung mabangkarote ang isang maliit na pabrika
dahil sa sobrang produksyon, malamang na hindi mabigat ang epekto nito sa
kabuuang ekonomya. Pero kung ang tinamaan ng krisis ay isang importanteng
sektor gaya ng industriya ng bakal, iba't ibang industriya ang apektado: ang
mga nagmimina ng bakal, ang mga lumilikha ng mga kalakal na gumagamit ng bakal.
Gayundin ang epekto sa mga lumilikha ng pang-indibidwal na konsumo dahil sa
pagbagsak ng purchasing power ng mga manggagawang natanggal o nabawasan ang
sweldo dahil sa pagbagsak ng magkakaugnay na industriya.
Mga Tala
1 Labor Theory of value. Unang natuklas ni David
Ricardo - isang Ingles na ekonomista - na ang nagtatakda sa halaga ng mga
kalakal ay ang nilalaman nilang lakas-paggawa.
2 V. I. Lenin, Three Sources, Three Component Parts
of Marxism
3 Ang depresasyon ay ang proseso ng paglipat ng
halaga ng makina tungo sa halaga ng ginagawang kalakal. Halimbawa, kung ang
makina ay nagkakahalagang P10 milyon na gagamitin sa 10 taon batay sa kanyang
bilis, ibig sabihin, bawat taon ay may halagang P1 milyon na
"isinusuko" ng makina papunta sa halaga ng produkto. Pagdating ng
ikasampung taon, nabawi ng kapitalista ang kanyang ipinuhunan sa makina.
At kung bumilis ang produksyon, mas iiksi ang buhay
ng makina subalit mas maagang mababawi ng kapitalista ang kanyang ipinuhunan sa
makina. Kung dodoblehin ang bilis ng makina, maaaring 5 taon na lamang
magagamit ang makina subalit bawat taon P2 milyon ang ililipat nito sa halaga
ng dobleng kantidad ng malilikhang kalakal.
Ang saligang punto
sa depresasyon: hindi lumilikha ng bagong halaga ang makina. At
katunayan, ang depresasyon ay magaganap
lamang kung ang halagang natutulog sa makina ay gigisingin ng buhay na paggawa
ng manggagawa.
4 Ang pagtaas ng general rate of surplus value o
pangkalahatang tantos ng pagsasamantala dahil sa pagbagsak ng halaga ng
lakas-paggawa ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng pagdausdos ng sahod at
kabuhayan ng manggagawa. Sa partikular, ang nasusukat nito ay ang paglago ng
yaman ng uring kapitalista. Kung kaya't ipinapakita nito ang lumalaking agwat
sa pagitan ng dalawang uri at kung gaano katindi ang akumulasyon ng kapital
dahil sa pagtaas ng produktibidad ng lipunan.
5 Kung mabangkarote ang isang maliit na pabrika
dahil sa sobrang produksyon malamang na hindi mabigat ang epekto nito sa
kabuuang ekonomya. Pero kung ang tinamaan ng krisis ay isang importanteng
sektor gaya ng industriya ng bakal, iba't ibang industriya ang apektado: ang
mga nagmimina ng bakal, ang mga lumilikha ng mga kalakal na gumagamit ng bakal.
Gayundin ang epekto sa mga lumilikha ng pang-indibidwal na konsumo dahil sa
pagbagsak ng purchasing power ng mga manggagawang natanggal o nabawasan ang
sweldo dahil sa pagbagsak ng magkakaugnay na industriya.
Dagdag na
tala para sa instruktor:
1. Dahil sa pag-unlad ng produktibidad, patuloy na
umiiksi ang oras para likhain ang isang kalakal. Ibig sabihin, bumabagsak ang
kanyang halaga, bakit hindi lumiliit - kundi tumataas pa nga - ang presyo?
Isa sa mga dahilan nito - maliban sa impluwensya ng
market forces tulad ng monopolyo o kartel - ay ang pagbagsak ng halaga ng
salapi.
Halimbawa, ang halaga ng isang kalakal ay apat na
oras - at P100 ang katumbas ng isang oras - ang presyo nito ay P400. Kung
bumilis ang produksyon at bumagsak ng 3 oras ang halaga nito ngunit nanatiling
P400 ang presyo, ang katumbas ng isang oras ay P133.33. Ibig sabihin, bumagsak
ang halaga ng salapi.
2. Sa ating halimbawang pabrika ng sinulid na
nagdoble ng produktibidad, kinuwenta natin ang halaga ng 16 na kilo ng sinulid.
Ang indibidwal na halaga nito ay P4,500 o P281.25 kada kilo. Tulad ng dati, ang
halagang nalikha ng 8 oras na paggawa ay P500 - batay sa indibidwal na halaga
ng sinulid.
Subalit, dahil ang halaga ay itinatakda ng lipunan
- hindi ng indibidwal na kapitalista, ang isang kapitalista ay maaaring
magbenta ng mas mataas sa kanyang indibidwal na halaga kung ang umiiral na
halaga nito sa lipunan ay mas mataas.
Sa ating halimbawa, ang halaga ng 16 na kilo ng
kapitalistang may mas mataas na produktibidad ay P4,800 o P300 kada kilo.
Gayundin, ang halagang malilikha ng 8 oras na paggawa ay tumaas din, ito ay
magiging P800 mula sa P500, na nahahati sa P250 o 2.5 oras (sahod) o P550 o 5.5
oras (tubo).
Mas nagmura ang kalakal na nalikha sa dobleng
produktibidad subalit tumaas ang halagang malilikha ng paggawa dahil ito ay
intensified labor. Mas matindi ang produktibidad nito, kung kaya't mas mataas
ang malilikha nitong halaga.
Ngunit kapag ang pamantayan ng lipunan ay maging 16
na kilo sa loob ng 8 oras na paggawa, "babalik" ang halagang
nalilikha ng 8 oras na trabaho sa P500, na siyang paghahatian ng sahod at labis
na halaga.
3. Ang pagkakahati ng kapitalistang lipunan sa
dalawang departamento (lumilikha ng kagamitan sa produksyon at pang-indibidwal
na konsumo) ay ginawa para ipakita ang simpleng katotohanang di maiiwasan ang
sobrang produksyon dahil hindi pinaplano ang ekonomya sa antas-panlipunan.
Mas kumplikado ang tunay na larawan ng kapitalismo
dahil ang tubo ng mga kapitalista ay hindi nila inuubos sa indibidwal na
konsumo. Kung kaya't ang tubong ito - kapag hindi ipinuhunan sa dalawang
departamento - ay ilalagak sa produksyon ng iba pang tipo ng kalakal gaya ng
luxury goods na maaaring ituring bilang Departamento III. Gayunpaman,
nananatili pa rin ang saligang kongklusyin hinggil sa di planadong ekonomya at
anarkismo sa produksyon. (Tingnan: Das Kapital, On Expanded Reproduction)
Pinaghalawan:
F. Lagman, Puhunan at Paggawa
K. Marx, Wage, Labor and Capital
K. Marx, Value, Price and Profit
B. Macfarlane, M. Beresford, A Manual on Political
Economy
K. Marx, Das Kapital, Volume I