Miyerkules, Oktubre 3, 2012

Marxista-LeninistangTeorya ng Estado

MARXISTA-LENINISTANG TEORYA NG ESTADO

Introduksyon:

Ang mga manggagawa ay nakaharap sa isang malakas na kapangyarihan. Isang kapangyarihang hawak ng mga kapitalistang lokal at dayuhan at panginoong maylupa. Kapangyarihang hawak ng mga may salapi, ng may kapital. Umiiral ang kapangyarihang ito sa ibabaw ng lipunan, sa ibabaw ng mamamayan at patuloy na nahihiwalay dito. Sa porma ang tawag dito ay demokratikong republika.

Sa paglaban ng manggagawa para sa kanilang makauring interes, ang kapangyarihang ito o anumang bahagi nito ay makikita kung saan nakapanig at nagpapatunay na ito ay nagsisilbi sa uring namamayan sa lipunang kapitalista. Napatunayan ng manggagawa ang kapangyarihan ng kapital sa DOLE, sa pulis, sa Mendiola, atbp.

Ang malakas na kapangyarihang ito ang gumagawa ng batas at alituntunin na pwersadong ipinapatupad sa pamamagitan ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan. Ang kapangyarihang ito ay walang iba kundi ang estado.

May ginagampanang papel ang media: dyaryo, radyo, telebisyon, atbp. sa pagpapanatili ng sistemang panlipunan. Papel ng eskwelahan at simbahan ang pagtatanggol at patuloy na pag-iral ng paghahari sa lipunan ng isang uri. Ang kultura ng naghaharing uri ay ang kulturang pinaiiral sa lipunan.


A. Ang Makauring Lipunan at Estado

May nagdaang panahon na hindi umiral ang estado.

Bago lumitaw ang unang porma ng pagsasamantala ng tao sa tao, ang unang porma ng pagkakahati sa mga uri - panginoong may alipin at alipin - ay umiral ang angkan. Sa panahong ito ay walang mababakas na estado, walang espesyal na aparato para sa sistematikong paggamit ng pwersa at pagsupil sa mga tao sa pamamagitan ng lakas.

Makikita sa panahong ito ang pangingibabaw ng tradisyon, awtoridad, at paggalang na tinatamasa ng mga nakakatanda sa angkan. Ang kapangyarihang ito ay may pagkakataon pa na ipinagkakaloob sa kababaihan, at ang posisyon noon ng mga kababaihan, di tulad ngayon na aba at api ang kalagayan. Sa lipunang ito na tinatawag din na primitibong komunalismo, ang umiiral ay simpleng pamamahala o awtoridad sa lipunan na nakabatay sa respeto ng buong komunidad at hindi sa awtoridad na nakabatay sa pwersa ng pamimilit o pandarahas ng isang pangkat o uri.

Sa lipunang alipin. Ang mga panginoong may alipin noong unang panahon ay nag-justify ng pagsasamantala sa mga alipin at mismong pagpatay sa alipin ay hindi isang krimen. Ang lahat ng bunga ng paggawa ng alipin ay napupunta sa panginoong may alipin.

Ang sinaunang panahon ng Ehipto, Gresya at Roma ay nagpapatunay ng sistema ng paghahari ng mga panginoong may alipin. Ang Pharaoh ng Ehipto ay itinuturing na anak ng diyos araw (Ra) at ang kanyang utos ay batas mula sa diyos. Sa lipunang Griyego, sa mga Griyegong lungsod-estado, ang estadong umiiral ay nagpapakita ng pagkakahati ng lipunan sa mga uri, may alipin at panginoong may alipin. Ang demokrasya na naimbento sa Gresya ay tinatamasa lamang ng mga panginoong may alipin at ang mga alipin ay walang boses sa lipunan.

Sa imperyo ng Roma umiral ang paghahari ng mga Caesar (hari). Ang kanilang senado na binubuo lamang ng mga panginoong may alipin ang pumipili ng kanilang lider, ang caesar at gumagawa ng mga batas. Ang mga alipin ay walang papel sa pagpapatakbo ng estado. Ang mga alipin ang lumilikha ng produksyon sa mga taniman at hayupan at nagsisilbi sa maluluhong pamumuhay ng mga panginoong may alipin at nagbibigay ng aliw sa naghaharing uri ng Roma bilang mga gladiators.

Sa lipunang pyudal. "Lumaya" na ang alipin at naging magsasaka. Hindi maaaring patayin ng panginoong maylupa ang isang magsasaka pero ang kanyang pinagpaguran sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa lupain na pag-aari ng panginoong maylupa ay kinukuha ng hindi naman nagtatrabahong panginoong maylupa sa anyo ng pagbabayad ng buwis o parte at iba pang paraang hindi matanggihan ng pamilyang magsasaka.

Ang mga panginoong maylupa ang makapangyarihan sa lipunang pyudal. Ang mga lupain at mga magsasaka ay kinontrol ng nobilidad, ng mga dugong bughaw; ng mga duke, baron, prinsipe, atbp., at ang utos ng hari ay di mababali. Ang mga tampok na halimbawa nito ay ang panahon ng mga kaharian sa Europa. Absoluto ang utos ng hari at ng kanyang mga lords. Pinatibay nila ang paghahari laban sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbubuo ng House of Lords, na binubuo ng mga panginoong maylupa, at pagmementena ng hukbong sandatahan para supilin ang anumang paglaban sa kanilang paghahari.

Sa panahon ng kapitalismo ang mga magsasaka ay lumaya sa panginoong maylupa. Lumaya ang mga magsasaka at naging manggagawa at nakatakas sa sistemang pyudal sa kanayunan at maramihang nagtungo sa kalunsuran.

Lumilitaw ang estado saanman at kailanman na magkaroon ng pagkakahati sa lipunan sa mga uri, sa paglitaw ng nagsasamantala at pinagsasamantalahan.

Ani Engels: "Ang estado ay produkto ng isang lipunan sa isang yugto ng kanyang pag-unlad, pag-amin din ito na ang lipunan ay nagkabuhol-buhol sa isang di malutas na kontradiksyon sa kanyang sarili, kaya ito ay naghati sa mga di mapagkasundong labanan na wala siyang kapangyarihan o lakas na lutasin. Pero sa layunin na ang mga antagonismong ito, ang mga uri na may magkasalungat na pangkabuhayang interes, para hindi lamunin ang kanyang sarili at ang lipunan sa isang walang kwentang tunggalian, naging pangangailangan ang isang kapangyarihan, isang pwersa, na tila nakatayo sa ibabaw ng lipunan, na magpapahupa ng labanan at mapanatili ito sa bounds of order at ang kapangyarihang ito, na nanggaling sa lipunan pero inilagay ang kanyang sarili sa ibabaw nito, at patuloy na nahihiwalay sa lipunan, ito ang estado."

Ito ang malinaw na ekspresyon ng mga batayang ideya ng Marxismo kaugnay sa naging pangkasaysayang papel at kung ano ang ibig sabihin ng estado.

Mula sa pangungusap na ito ni Engels ay mahuhugot ang ilang mahahalagang katangian ng isang estado.

1. Ang estado ay produkto ng di pagkakasundo ng makauring interes at tunggalian sa isang lipunan. Sa pagkakaroon ng surplas na produkto sa lipunan at agkakaroon ng pribadong pag-aari ay lumitaw ang estado. May maliit na bahagi ng populasyon na nagsasamantala sa mayorya ng mga mamamayan. Ang unang sistemang may pagkakahati sa mga uri ay ang lipunang alipin. May panginoong may alipin at mga alipin.

2. Ang estado ay isang espesyal na aparato ng panunupil ng isang uri laban sa iba pang uri. Binubuo ito ng armadong tauhan (army, pulis), kulungan, at iba pang instrumento ng pangigipit at katulad na pamamaraan para tiyakin na hindi makapalag ang uring nagnanais tumutol sa paraang mapayapa o marahas man.

3. Ang estado ay isang instrumento ng pagsasamantala sa inaaping uri. Ang pagpapanatili ng isang espesyal na kapangyarihang pampubliko na binubuo ng mga taong ang espesyalidad ay paano patakbuhin ang gubyerno at nangingibabaw sa lipunan ay mangangailangan ng buwis at pangungutang ng estado mula sa mamamayan.

B. Ang Kapitalistang Estado

1. Paano sumulpot ang kapitalistang estado? Ang sentralisadong kapangyarihang estado na pekulyar sa lipunang burges ay lumitaw sa yugto pa lamang ng pagkawasak ng piyudalismo. Dalawang institusyon ang katangi-tangi sa tumayong burges na makinaryang estado: ang burukrasya at ang standing army - ang hukbong sandatahan na propesyunal - sila na ang hanapbuhay ay ang pagiging armadong tauhan ng kapitalistang estado. Ang mga ito'y parasitikong organisasyon sa katawan ng burges na lipunan.

2. Ano ang mga pagbabagong dinaanan nito sa kurso ng rebolusyong burges at sa harap ng rebolusyong inilulunsad ng mga aping uri? Ang pag-unlad, pagperpekto at paglakas ng burukrasya at ng aparatong militar ay patuloy na naganap sa lahat ng rebolusyong burges. Partikular na naakit ang petiburgesya - ang mataas na saray ng magsasaka, mga maliit na artisano, mga maliliit na mamumuhunan - sa panig ng malaking burgesya dahil na rin sa mahalagang papel ng aparatong ito, na nagbigay sa kanila ng magaan at respetadong gawain o pwestong masasabi pang "nakaaangat" sa karaniwang mamamayan.

Sa kalaunan umunlad pa ang burges na estado sa pamamagitan ng pag-unlad ng tunggalian sa kapangyarihan ng iba't ibang partidong burges at petiburges sa usapin ng pamamahagi ng dambong sa pamumuno, na wala namang idinudulot na anumang pagbabago sa pundasyon ng lipunang kapitalista; ang pinakahuli'y ang pagperpekto at pagpapalakas sa "kapangyarihang ehekutibo, ng burukrasya at aparatong militar".

Ang parlamentong burges - ang gumagawa ng batas, ang kural ng baboy - ay isang talking shop ng mga representante ng burgesya at kapag bumabara sa madulas na implementasyon ng mga patakaran ng burgesya at namemeligro ang kaayusan ay maaaring lusawin na kadalasang ginagawa sa pamamagitan ng pagdedeklara ng batas-militar o state of emergency gamit ang kapangyarihan ng burges na konstitusyon. Ang mga representante ng masang anakpawis ay pinapayagang makapasok sa parlamento bilang palamuti ng isang burges na demokrasya at libangin ang masang anakpawis sa ilusyon ng demokrasya at ito ay nangyayari sa lahat ng porma ng demokrasyang burges, parlamentaryong porma man at/o kahit sa pinaka-demokratikong republika.

Ang burges na demokrasya ay demokrasya para sa may kapital, sa mga negisyante, at hinahayaan i-exercise ng mamamayan minsan sa ilang taon sa pamamagitan ng "pagpili" ng kanilang kinatawan na magmumula rin sa uring burgesya. Ito ang demokrasyang burges na ang binibigyan ng importansya ay ang karapatan na lumahok sa pagpili ng magpapatakbo ng estado sa pamamagitan ng eleksyon at hindi ang tunay na esensya ng demokrasya - ang boses at kapangyarihan ng mayorya ng mamamayan.

Ang estadong kapitalista ay hindi na lamang naghahari sa pamamagitan ng lantay na dahas. Epektibong ginagamit din nila ang iba pang kasangkapan sa panlilinlang tulad ng mga media, paaralan at relihiyon. Ang pagkontrol at pag-impluwensiya sa kaisipan ng mamamayan ay isang haligi ng pagpapanatili ng estado ng burgesya.

Sa panahon ng imperyalismo - sa panahon ng pag-unlad ng kapital sa bangko, ng dambuhalang monopolyo, ng transpormasyon ng monopolyo kapitalismo tungong state monopoly capitalism - walang katulad na lumakas ang makinaryang estado, ang burukrasya at militar, kasabay ng pagtindi ng panunupil sa proletaryado sa bansang may paghaharing monarkiyal man o sa isang republika.

3. Anu-ano ang tungkuling hinaharap ng proletaryado kaugnay ng makinaryang estado? Sa ganitong pag-unlad ng makinaryang estado, ilang beses na lumalakas ang panunupil sa mamamayan at rebolusyonaryong proletaryado. Dahil dito, itinutulak lang nito ang rebolusyon na "ikonsentra ang lahat ng pwersa ng pagwasak" laban sa kapangyarihang estado at ituon ang pwersang ito hindi sa pagperpekto pa ng makinaryang estado kundi sa pagwasak at pagdurog dito.

Hindi kusang maglalaho ang burges na estado. Ito ay winawakasan ng proletaryado sa pamamagitan ng rebolusyon. Ang naglalaho matapos ang rebolusyon ay ang estado o malaestadong itinayo ng proletaryado.

Ang kapitalistang estado ay hindi marereporma o mababago ng pira-piraso. Hindi ito mababago ng "mabubuting tao" na iluluklok sa poder dahil ito ay paghahari ng isang partikular na uri, ang uring kapitalista. Ang kapitalistang estado ay patuloy na pineperpekto at pinapatibay ng naghaharing uri. Ang mga indibidwal at grupong lumalaban ay hinihikayat at kino-coopt sa kanyang hanay. May mga manggagawang lider na inaalok ng pabuya at kaginhawahan sa pamamagitan ng pagbibigay ng pwesto sa mga institusyon at ahensya ng estado at hanggang sa mapabilang na sa uring naghahari.

Ang estado ng burgesya bilang isang espesyal na pwersang mapanupil laban sa manggagawa ay dapat lamang palitan ng proletaryado ng isa ring espesyal na pwersang mapanupil laban sa burgesya. Ito ang diktadura ng proletaryado na itinayo sa guho ng winasak na diktadura ng burgesya.

Kailangan ng proletaryado ang estado na kapalit ng winasak na estado ng burgesya, ng isang estado na naitayo upang malusaw agad at di maaaring di malusaw at ang mga nagtatrabahong mamamayan ay kailangan ang isang estado na ang proletaryado ay organisado bilang naghaharing uri. Kailangan ng proletaryado ang kapangyarihang pang-estado, isang sentralisadong organisadong pwersa, isang organisadong karahasan, upang durugin ang paglaban ng mga mapagsamantala at pamunuan ang malawak na masa ng populasyon - ang magsasaka, ang petiburgesya at ang mga mala-manggagawa - sa gawaing organisahin ang sosyalistang ekonomiya.

C. Rebolusyonaryong Karanasan ng Uring Manggagawa

Ang di mapagkasundong interes ng mga magkakalabang uri ay nagresulta ng mga rebolusyon, mga pag-aalsa, pagpapalit ng porma ng paghahari, atbp. Ang lahat ng nagdaang rebolusyon ay tumulong na gawing perpekto ang makinaryang estado, samantalang dapat itong wasakin at durugin.

"Ang dahas (force) ay nagtataglay ng isa pang papel sa kasaysayan - isang rebolusyonaryong papel. Ito ang komadrona ng bawat lipunang kagampan sa bagong silang, ito'y instrumento kung saan ipinipilit ng kilusang panlipunan ang kanyang sarili at winawasak ang mga walang buhay, nabubulok na institusyong pulitikal.

Ang marahas na rebolusyon ang resulta ng di magkasundong interes ng mga uri.

Ang tunggalian ng mga uri ang naging motor ng kasaysayan at nagtulak ng mga pagbabago sa nabubulok na sistemang panlipunan at nagluwal ng bagong relasyon sa produksyon, sa isang bagong relasyon sa produksyon na pangangailangan ng lipunan.

1. Ang Paris Commune ay umiral mula noong Marso 26 hanggang Mayo 30, 1871.

Noong Marso 26, 1871, sa bisa ng popular na suporta ng manggagawa at mamamayan ng Paris, isang konseho na binubuo ng manggagawa at sundalo - ang Paris Commune - ay inihalal. Noong Marso 28, 1871, ito ay ipinroklama at umani ang mga manggagawa ng Paris ng mabilis at malawak na suporta sa buong Pransya.

Direktang kalahok sa pag-aalsang manggagawa ang mga lider ng internasyunal na kilusang manggagawa.

Wala pang tatlong buwan matapos na maihalal ang komyun, ang siyudad ng Paris ay nilusob ng tropa ng gubyerno ng Pransya. Magiting na lumaban ang mga manggagawa ng Paris. Mahigit 30,000 manggagawa ang minasaker ng tropa ni Thiers. May 38,000 ang inaresto at libulibo ang napilitang lumikas (exile) sa ibang bansa.

Ang Paris Commune ay isang makasaysayang eksperimento na may malaking kahalagahan, isang pagsulong ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo, isang praktikal na hakbang na higit na mahalaga kaysa daandaang programa at talakayan. Ang Commune ang unang tangka ng proletaryong rebolusyon na wasakin ang burges na makinaryang estado at ito rin ang siyang dapat pumalit sa winasak na makinaryang estado.

Mga tampok at mahahalagang hakbang na ipinatupad ng Commune:

a. Pagbuwag ng regular na hukbo (militar) at pagtatayo kapalit nito ng armadong mamamayan.

b. Pagtatakda na ang lahat ng opisyales ay ihahalal subalit maaaring alisin sa pwesto anumang oras.

c. Pagtatanggal ng lahat ng pribilehiyo at pagbawas ng pasahod o alawans sa lahat ng naglilingkod sa estado upang ipantay sa antas ng pasahod sa mga manggagawa.

d. Ang pagwasak sa parlamentarismong burgesya, mula sa isang talking shop ay naging isang working institution, isang institusyon ng paghaharing sabay na gumagampan ng gawaing ehekutibo at lehislatibo.

e. Ang organisasyon ng pambansang pagkakaisa. Itinayo ang commune hanggang sa antas ng pinakamaliit na komunidad. Isinentralisa ang mga komyun sa isang sentralisadong kapangyarihan, upang ganap na wasakin ang paglaban ng mga kapitalista at ipatupad ang paglilipat ng pribadong ari-arian — pabrika, mga lupain, at iba pa — sa kamay ng buong bayan. Ito ang proletaryong sentralismo – ang boluntayo, demokratikong sentralismo – na kataliwas ng pederalismo.

2. Ang soviet, ibig sabihin ay konseho sa salitang Ruso, ay mga halal na lokal, munisipal at rehiyonal na konseho sa Rusya at ng lumaon ay sa buong Soviet Union. Ang Soviet ay mga representante ng manggagawa, magsasaka at sundalo sa isang lugar.

Nagsimula ang soviet bilang organo ng pakikibakang masa sa unang rebolusyong Ruso noong 1905. Sa kasagsagan ng rebolusyong Ruso noong 1917 gumampan ng mahalagang papel ang soviets sa pakikibaka laban sa Tsar at noong Oktubre 1917 natransporma ito bilang organo ng kapangyarihang pampulitika ng manggagawa at magsasaka sa buong Rusya—ang All-Russian Congress of the Soviet.

Ang soviet ang porma ng estado ng uring manggagawa na nakabatay sa mga karanasan ng Paris commune at mga aral nina Marx at Engels at pinaunlad ni Lenin. Iniluwal ng pakikibakang masa ng manggagawang Ruso ang soviet. Ito ang naging sentro ng masang manggagawa sa matinding pakikibaka laban sa Tsarismo at hanggang sa pakikibaka sa burgesya ng Rusya.

Ipinatupad ng soviet ang mga sumusunod na hakbang:

a. Ang mga manggagawa ay direktang kinontrol ang estado sa pamamagitan ng pagpwesto mismo sa mga ahensya at institusyon nito, mula itaas hanggang sa ibaba..

b. Itinayo ang pulang hukbo ng Rusya at inarmasan ang manggagawa upang pigilan ang pagtatangkang makabalik ng burgesya sa poder.

c. Isinabansa ang mga bangko at mga industriyang estratehiko tulad ng transportasyon, komunikasyon at enerhiya, etc. at ang mga lupain. Ipinatupad ang workers control sa mga pabrika na nagbigay ng boses at karapatan sa manggagawa sa pagpapatakbo ng mga pabrika at ng industriya. Nang mamamatay si Lenin at pumalit si Stalin, nagbago ang estado ng manggagawa sa Rusya. Ang soviet bilang porma ng estado ng manggagawa sa Rusya ay nalihis ng landas. Ang pinasimulan ni Lenin na konsepto ng paghahari ng manggagawa laban sa burgesya ay naging diktadura ng partido ni Stalin. Ang mga rebolusyonaryong manggagawa at mga tunay at tapat na komunistang nanguna sa rebolusyong Oktubre ay pinurga at inalisan ng posisyon sa soviet.

Ang direktang kontrol at paghawak ng kapangyarihan ay nawala sa kamay ng uring manggagawa. Ang mga namuno sa gubyerno ay ang mga masunurin at piling tao ni Stalin na may matataas na sahod at pribilehiyo kaysa sa tinatanggap ng isang sanay na manggagawa.

Ang mga distorsyong ito sa Marxistang teorya ng estado, sa karanasan ng komyun at sa mga aral at tagubilin ni Lenin ay naging dahilan ng pagkahiwalay at pangingibabaw ng estadong soviet sa manggagawa at mamamayan at tumungo sa restorasyon ng kapitalismo at pagkawasak ng Soviet Union. Nakabalik sa poder ang uring burgesya at uring manggagawa ay mangangailangan ng isang rebolusyonaryong pakikibaka para bawiin ang mga natamong tagumpay ng rebolusyong Ruso at muling dalhin sa tamang landas ng rebolusyon.

3. Ang mga rebolusyon para sa pambansang pagpapalaya

Ang mga demokratikong rebolusyon o pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya ay naganap sa mga atrasadong bansa na karaniwang pinaghaharian ng mga diktador. Ito ay mga pagtatangka ng mga demokratikong pwersa sa lipunan, kabilang ang mga manggagawa, na isakamay ang kapangyarihang pang-estado.

Halimbawa ng matagumpay na rebolusyon para sa pambansang pagpapalaya ay ang karanasan sa China, Cuba, Vietnam at iba pa.

D. “Withering away” o ang paglalaho ng Estado

Para a kanilang emansipasyon, una ay nilalansag ng proletaryado ang kapangyarihan ng burgesya, inaagaw nito ang kapangyarihang pampulitika, itinatatag ang diktadura ng proletaryado at itinatransporma ang mga gamit sa produksyon bilang pag-aaring estado.

Ngunit ang aktong ito ng proletaryado ay simula na rin ng proseso, ng bagong historical na proseso ng pagwawakas nito sa kanyang sarili bilang uri, simula ng pagwawakas ng lahat ng makauring distinksyon at makauring antagonismo; at simula ng pagwawakas sa bagong tatag na estado ng manggagawa bilang estado. Di tulad ng kapitalistang estado na winasak ng rebolusyonaryong proletaryado, ang estado ng manggagawa ay di binubuwag (abolished). Ito ay kusang maglalaho (withers away).

Sa transisyon mula kapitalismo tungong komunismo, kailangan pa ng espesyal na aparato, ng estado, sapagkat kailangan pa ng mayorya ang supresyon sa mga nagsasamantalang minorya. Ang estadong ito ay isang transisyunal na estado, estadong di na kasingkahulugan ng dating estado. Sapagkat ang supresyon ng mayorya sa minorya ay mas madali, simple at natural na tungkulin na di kasingdugo ng supresyon ng mga naghaharing-uri sa mga alipin, magsasaka at sahurang manggagawa at di magastos.

Sa isang depenidong yugto ng prosesong ito, ang estado na naglalaho ay maituturing na di pampulitikang estado. Ito ang transpormasyon ng pampublikong tungkulin mula pampulitika tungong simpleng tungkuling administratibo.

Ang estadong ito ay kasundo ng pagpapalawak ng demokrasya sa malaking mayorya ng populasyon nang sa gayon ang pangangailangan ng isang ispesyal na makinarya ng panunupil ay magsisimula nang maglaho. Ang mga mapagsamantala ay walang kakayahang supilin ang mamamayan nang walang ispesyalisadong makinarya ng panunupil ngunit kakayanin ng mamamayan na supilin ang mga mapagsamantala kahit sa pamamagitan lamang ng simpleng “makinarya” o halos walang “ispesyalisadong makinarya ng panunupil.” Ito ay sa simpleng organisasyon ng armadong mamamayan.

Ang diktadura ng proletaryado ay ang organisasyon ng taliba ng mga inapi bilang naghaharing uri para sa layuning supilin ang mga nang-api. Pero ang diktadurang ito ay hindi ibubunga ng pagpapalawak lamang ng demokrasya.

Kaalinsabay ng malawakang pagpapatupad ng demokrasya, sa kauna-unahang pagkakataong ngayon lang mararanasan ng mahihirap, ng mamamayan at hindi demokrasya para sa mayayaman; lilimitahan ng diktadura ng proletaryado ang kalayaan ng mag mang-aapi, ng mga mapagsamantala, ng mga kapitalista. Dapat silang supilin upang mapalaya ang sangkatauhan sa sahurang pag-aalipin. Ang kanilang paglaban ay dudurugin ng rebolusyonaryong dahas. Maliwanag na kung may panunupil, kung may dahas, walang kalayaan at walang demokrasya.

Sabi ni Engels, “ginagamit ng proletaryado ang estado hindi sa ngalan ng kalayaan kundi para ibagsak ang kanyang mga kalaban, at kapag posible ng magsalita ng kalayaan, ang ganong estado ay maglalaho.”

Para paunlarin ang demokrasya sa pinakarurok nito, para diskubrehin ang mga porma sa direksyong ito ng pag-unlad, para pandayin ito sa pamamagitan ng praktika at marami pang iba – lahat ng iyan ay isang bahagi ng maraming tungkulin ng pakikibaka para sa rebolusyong panlipunan. Kapag ito [demokrasya] ay ibinukod [sa iba pang aspeto ng buhay panlipunan], walang ibang demokrasya ang magluluwal ng sosyalismo. Pero sa aktwal na buhay ang demokrasya ay di maibubukod, ito ay isasabay sa iba pang bagay, iimpluwensyahan at gagatungan nito ang pang-ekonomikong buhay at gayundin naman, ito ay iimpluwensyahan ng ekonomikong pagunlad, at iba pa.

Ang demokrasya ay paggugubyerno. Ito ay isang estado na kumikilala sa pagpapailalim ng minorya sa mayorya, isang organisasyon para sa sistematikong paggamit ng dahas ng isang uri laban sa ibang uri, ng isang seksyon ng populasyon laban sa iba. Ang withering away of the state o paglaho ng estado ay mangangahulugan ng paglaho ng demokrasya.

Ang estadong ito ay maglalaho kapag ang mga tao ay nahirati na sa pagtupad sa mga batayang kondisyon ng buhay panlipunan nang walang karahasan at walang pagpapailalim o subordinasyon. Makauugalian nila ang mga ito na tuparin nang walang pamumuwersa, walang pandarahas, walang pagpapailalim o subordinasyon, walang espesyal na aparato ng panunupil na ang tawag ay estado.

Ang kinamulatang ugaling ito ng bagong henerasyong isinilang at lumaki sa bago at malayang kondisyong panlipunan ay magagawang itapon nang buong-buo ang di na kinakailangang estado.

Sa lipunang komunista, magaganap sa gradwal na transpormasyon ang mga sumusunod:

a. lubos na pagdurog sa panunumbalik ng burgesya

b. pagkawala ng mga kapitalista

c. paglalaho ng mga uri o pagkawala ng distinksyon ng mga uri

d. pagkawala ng kaibhan sa hanay ng mga membro ng lipunan kaugnay ng kanilang relasyon sa panlipunang gamit sa produksyon

Doon lamang maglalaho ang estado. Posible nang sabihin na meron ng kalayaan. Doon lamang makukumpleto ang demokrasya, tunay na demokrasyang walang eksepsyon o pagtatangi. At doon din, ang demokrasya ay magsisimulang maglaho.

Komunismo lamang ang makapagbibigay ng kumpletong demokrasya. Sa panahong ang demokrasya ay kumpleto na, sa panahong ito ay naging kapakipakinabang sa kanilang buhay, sa panahong ito ay naging way of life o nakaugalian na, ang demokrasya ay di na kailangan at ito ay kusang maglalaho.

Nang dahil sa simpleng katotohanan na malaya sila mula sa kapitalistang pagsasamantala, sa walang kasinglupit na karahasan, sa kawalang katwiran at nakakawalang-dangal na kapitalistang pagsasamantala, gradwal na makakaugalian ng tao ang pagsunod sa mga batayang regulasyon ng buhay panlipunang kinilala na sa nagdaang mga siglo at libo-libong taon na inuulit-ulit sa mga libro, kasabihan at iba pang midyum ng impormasyon.

1. Yugto ng Lipunang Komunista

Ang komunismo ay sumulpot di mula sa sarili nitong pundasyon, kundi mula sa sinapupunan ng kapitalismo. Isinilang ng kapitalismo ang komunismo sa pamamagitan ng pagkilos ng pwersang panlipunang nagpaanak dito. Bilang anak ng kapitalismo, taglay nito ang mga marka ng lumang lipunang nagluwal sa kanya. Ang lipunang ito na nagtataglay ng mga marka ng lumang lipunan ay tinawag ni Marx na mababang yugto ng komunistang lipunan.

a. Mababang yugto ng komunistang lipunan (Early Phase of Communism).

Ang maagang yugto ng komunismo ay tinatawag din na sosyalismo. Ipatutupad ng diktadura ng proletaryado ang pinakaistriktong kontrol ng lipunan at ng estado sa kantidad ng paggawa at kantidad ng konsumo, pero magsisimula ang kontrol na ito sa pamamagitan ng ekspropriyasyon ng mga kapitalista, sa pagkontrol sa mga kapitalista sa pamamagitan ng estado ng armadong manggagawa.

Ang mga gamit sa produksyon ay di na pag-aari ng mga indibidwal. Ang mga ito ay pag-aari na ng buong lipunan. Bawat miembro ng lipunan, na gumagampan ng isang parte ng socially-necessary work, ay tatanggap ng sertipiko na nagpapatunay na nakagawa siya ng ganung klase ng trabaho at ganito karaming produkto. Sa pamamagitan ng sertipikong ito, makakatanggap siya mula sa pampublikong tindahan ng katumbas na halaga ng mga produktong pangkonsumo. Bawat manggagawa ay makatatanggap ng katumbas ng buong halaga ng kanyang pinagpaguran matapos bawasin ang kanyang kontribusyon para sa pondong publiko.

Pantay na karapatan ang tawag ng iba rito. Pero sabi ni Marx, “pantay ngang karapatan, pero burgis na karapatan pa rin.” Ang bawat karapatan ay pinagmumulan ng di pagkakapantay-pantay. Bawat karapatan ay aplikasyon ng pantay na batas, regulasyon o akto (measure) sa ibaibang tao na sa aktwal ay magkakaiba, di magkakatulad. Kaya nga ang pantay na karapatan ay paglabag sa pagkakapantay-pantay at di makatarungan.

Di magkakapareho ang mga tao, may mas malakas, may mahina; merong may-asawa, merong wala; may maraming anak, may konti; at iba pa. Sabi ni Marx, “sa pantay na dami ng paggawa at pantay na dami ng produkto, may isang makatatanggap ng mas marami kaysa sa isa pa; may isang yayaman kaysa sa isa. Para maiwasan ang ganitong depekto, ang karapatan, sa halip na pantay ay di-pantay dapat.”

Kaya nga ang mababang yugto ng komunismo ay di pa makapagbibigay ng hustisya at pagkakapantay-pantay. Mananatili pa ang pagkakaiba-iba, at ang di makatarungang pagkakaiba sa yaman. Pero ang pagsasamantala ng tao sa tao ay imposible ng mangyari sapagkat ang mga gamit sa produksyon gaya ng pabrika, makina, lupa atbp., ay imposible ng maging pribadong pag-aari.

Sa yugtong ito, hindi pa ganap na hinog ang kalagayang pangekonomiya at hindi pa ganap na malaya ang lipunan sa mga tradisyon at bahid ng lumang lipunan. Hindi pa iiral ang ganap na “katarungan at pagkakapantay-pantay.” Hindi maiiwasang iiral pa ang kaibahan sa pagitan ng mamamayan dahil sa di pa pantay na distribusyon ng pangangailangan ng tao.

Sa madaling salita, sa sosyalismo, hindi pa buo kundi bahagi lamang ng mga burgis na karapatan ang matatanggal, na proporsyonal o katumbas ng inabot ng rebolusyon sa ekonomya patungkol pa sa mga gamit sa produksyon. Kinikilala ng burgis na karapatan na ang mga gamit sa produksyon ay pribadong pag-aari ng mga indibidwal. Sa sosyalismo, ang mga ito ay isinasalin sa pag-aaring komon. Sa gayong diwa pa lamang masasabing bumagsak na ang burgis na karapatan.

Ang ibang bahagi ng karapatang burgis ay magpapatuloy sa kapasidad ng regulasyon sa distribusyon ng mga produkto at pamamahagi ng paggawa sa hanay ng mga miembro ng lipunan.

Ang mga prinsipyong sosyalista na “silang hindi nagtatrabaho ay hindi kakain” at “pantay na dami ng produkto sa pantay na dami ng paggawa o “from each according to his ability, to each according to his work”” ay naging realidad na.

Pero hindi pa ito komunismo at di pa lubos na inaalis ang burgis na karapatan. Isang depekto ito na di maiiwasan. Di dapat asahang sa pagbagsak ng kapitalismo, agad na matututo ang mga tao na magtrabaho para sa pangangailangan ng lipunan nang walang istandard ng karapatan. Bukod pa, ang pagwasak sa kapitalismo ay di agad makakalikha ng mga rekisito para sa ganong klaseng pagbabago.

At wala namang ibang istandard liban sa burgis na karapatan. Kaya nananatili pa ang pangangailangan ng estado na habang binabantayan ang pampublikong mga gamit sa produksyon, pinangangalagaan din nito ang pantay na karapatan sa paggawa at pantay na distribusyon ng mga produkto.

Ang estado ay maglalaho sa oras na wala na ang mga kapitalista, nawala na ang pagkakahati-hati ng mga tao sa mga uri at kasunod nito, wala ng uring susupilin.

Ngunit ang estado, sa panahong ito, ay di pa kumpletong naglalaho. Itoy sapagkat meron pang pangangalagaang burgis na karapatan na opisyal na nagpapahintulot ng di-pagkakapantay-pantay sa tunay na buhay. Para kumpletong maglaho ang estado, kumpletong komunismo ang kailangan.

b. Mataas na yugto ng lipunang komunista (Higher Phase of Communism)

Sa mataas na yugto ng komunismo:

Wala ng pagpapailalim ng indibidwal sa dibisyon ng paggawa at maging ang kaibahan ng mental at physical na paggawa;

Ang paggawa ay di na lang paraan ng buhay kundi ito mismo ang pangunahing hangad ng buhay;

Lumaki na ang produktibong pwersa kasabay ng lahatang-panig na pag-unlad ng indibidwal;

At ang kasaganaan ay tinatamasa na ng buong kasapian ng lipunan;

Ito ang panahon na wala ng pagsasamantala at pang-aapi sa lipunan. Ito ang panahon na ang lipunan ay nabubuhay sa kasaganaan, kalayaan at tunay na pagkakapantay-pantay.

Ang estado ay kumpleto nang maglalaho kapag ang mamamayan ay nasanay na sa mga pundamental na batas ng pakikipag-ugnayang panlipunan at ang kanilang paggawa ay naging napakaproduktibo na at sila ay boluntaryong magtatrabaho batay sa kanilang abilidad. Hindi na kailangan ng lipunan na i-regulate ang kantidad na matatanggap ng bawat isa, ang bawat isa ay malayang kumuha ng kanyang pangangailangan batay sa kanyang kailangan.

Iyon na ang panahong mabubura ang makitid na pananaw ng burgis na karapatan at maitatanghal na ng lipunan ang prinsipyong: “From each according to his ability, to each according to his needs.”

Ang isang istorikal na proseso ng pag-unlad ay nagtapos. Ang kantidad ay naging kalidad.

Pinaghalawan:
1. State and Revolution- Lenin

2. Origin of the Family, Private Property, and State - Engels