Lunes, Hunyo 1, 2009

Ang Unibersal na Tungkulin ng mga Komunista

ANG UNIBERSAL NA TUNGKULIN NG MGA KOMUNISTA
Sampung Mga Importanteng Responsibilidad ng Bawat Partidista

Tayo ay mga rebolusyonaryong komunista. Layunin ng mga komunista sa buong daigdig na organisahin ang makauring pakikitunggali ng uring manggagawa at pamunuan ang pakikibakang ito, na ang ultimong layunin ay wasakin ang sistemang makauri at organisahin ang sosyalistang lipunan.

Nilalayon ng mga komunistang Pilipino na ipagtagumpay ang rebolusyong Pilipino at sa pamamagitan nito ay wakasan ang sistemang kapitalista na nagdudulot ng ibayong kaapihan at pagsasamantala sa uring manggagawa at sa iba pang uring anakpawis. At mula sa guho ng sistemang kapitalista ay itatag ang sosyalismo na magpapalaya sa sangkatauhan sa libong taon na pagsasamantala ng tao sa tao.

Upang maabot ang pangkalahatang layuning ito ng partido, kinakailangan ang napakahalagang ambag ng bawat kasapi. Ang ambag na ito ay ang masugid na paggampan natin sa ating mga tungkulin bilang mga indibidwal na komunista.

Ang ating mga Tungkulin

Hindi magiging isang realidad ang ating sosyalistang layunin hangga't hindi natin naipagtatagumpay ang rebolusyong Pilipino. Hindi tayo makakapunta o makakalapit man lang sa pintuan ng sosyalismo hangga't hindi natin napupukaw, naoorganisa at napapakilos ang buong uring anakpawis at iba pang mamamayang Pilipino laban sa mga naghaharing uri sa Pilipinas.

Hindi sasapat na alam nating wasto ang ating mga simulain at nasa ating panig ang kasaysayan. Hindi maaaring tumalungko at magmukmok na lang tayo sa isang sulok at mangarap na isang araw ay lalaya rin ang proletaryado at makakarating ang lipunan sa isang napakagandang pagsasamahan na kung saan ang tao ay tunay na tao. Hindi maaaring hintayin na lamang nating ang tagumpay ng rebolusyon ay bumagsak sa mga kamay ng uring manggagawa sa pamumuno ng kanyang talibang partido nang wala naman tayong ginagawa tulad ng isang Juan Tamad na naghihintay na lang ng pagbagsak ng bayabas sa kanyang bibig. Kailangan natin ng aksyon, ng mga kongkretong hakbang upang makapunta tayo sa ating paroroonan.

Kung tayo ay tapat sa layuning ipagtagumpay ang sosyalismo dapat nating gampanan ang ating mga unibersal na tungkulin.

Ang ating unibersal na tungkulin ay ang mga tungkulin na tuloy-tuloy at laging (constant) dapat na ginagampanan ng bawat komunista saan mang lugar siya naroon. Unibersal na tungkulin dahil dapat gampanan ito hanggang hindi natin naipagtatagumpay ang sosyalistang rebolusyon, hanggang hindi nawawasak ang sistemang kapitalismo at naitatayo ang sosyalistang sistemang magwawakas sa kahirapan at kaapihan sa kasalukuyang lipunan.

Ang mga unibersal na tungkuling ito ang dapat lamanin ng isipan ng bawat tunay at seryosong rebolusyonaryo na nagnanais na ipagtagumpay ang rebolusyon sa Pilipinas. Ito ang walang patid na paggampan natin sa mga tungkulin sa ating kabuuang rebolusyonaryong pakikibaka hanggang maagaw ng masang manggagawa ang kapangyarihang pampulitika at maluklok ang proletaryado bilang naghaharing uri sa pamumuno ng isang malakas at nagkakaisang partido ng rebolusyonaryong proletaryado. Ang unibersal na tungkulin ang ating mga kongkretong hakbang sa pagkilos na magsusulong sa rebolusyonaryong kilusan hanggang sa makamit ang pagkakapantay-pantay, pagkakapatiran at kasaganaan ng buong lipunan.

Ang sumusunod ang 10 pinakaimportanteng tungkulin na dapat nating tandaan sa pagtupad ng rebolusyonaryong gawain.

1. Puspusang ipalaganap ang ideya ng siyentipikong sosyalismo.

Ipinalalaganap natin ang ideya ng siyentipikong sosyalismo dahil sa hindi bubukal ang kaisipang ito sa sariling pampabrikang karanasan ng manggagawa. Ito'y dahil na rin mismo sa kanyang pagkatali sa pang-araw-araw na pakikibaka sa produksyon. Kinukumbinsi natin ang mga manggagawa sa katumpakan ng ating mga ideya sa pamamagitan ng paglalatag ng mga prinsipyo ng siyentipikong sosyalismo.

Ang mga elementong komunista ay may tungkulin na ipalaganap ang siyentipikong sosyalismo sa pamamagitan ng propaganda at edukasyon pangunahin sa hanay ng manggagawa at sa mamamayan. Ipalaganap ang mga turo ng siyentipikong sosyalismo hinggil sa kritik sa kapitalismo, hinggil sa tunggalian ng uri, sosyalistang rebolusyon at sosyalismo, sa papel ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado, at iba pa sa anyo ng lektura, talakayan, pamamahagi ng mga literaturang sosyalista, pagsasalin, paglilimbag at pagpaparami ng mga klasikong akda nina Marx, Engels at Lenin, at mga maningning na karanasan ng mga matagumpay na pakikibaka ng mga bansang nagrebolusyon.

Ikombina ang ating mga sosyalistang aktibidad sa pang-araw-araw na buhay ng manggagawa. Ang rebolusyonaryong sosyalismo ay hindi lamang pagbibigay-tulong sa manggagawa kundi ang mahusay na pagkokombina ng sosyalismo sa kilusang manggagawa. Nangangahulugan ito ng pagtataas ng makauring kamalayan ng manggagawa na makita niya ang landas para makahulagpos sa kahirapan ay ang pangangailangang makibaka para sa kanyang sariling paglaya. Kailangan ng manggagawa ang sosyalistang kamulatan upang makita niyang para makamit ang kanyang mga layunin ay kailangan niyang magkaroon ng impluwensya sa gobyerno, at makita niya na ang kanyang kalagayan ay hindi kaiba sa kalagayan ng manggagawa sa ibang bansa at sila ay nabibilang sa isang uri na kaiba sa iba pang uri.

Tungkulin ng mga komunista na ipakita sa pinakamalawak na bilang ng manggagawa ang kasalukuyang pampulitikang kondisyon at ang kalagayan ng masang manggagawa. Inilalantad at ipinaliliwanag nila sa mga manggagawa ang lahat ng manipestasyon ng makauring tunggalian ng manggagawa, sa lahat ng labanan sa pagitan ng kapitalista at manggagawa para sa sahod, sa kondisyon ng paggawa at sa mga batas sa paggawa, atbp. Iniuugnay nila ang mga buhay na karanasan at mga kongkretong insidenteng ito ng kaapihan ng manggagawa sa sosyalistang adhikain.

2. Mapangahas na palawakin at patatagin ang partido ng rebolusyonaryong proletaryado.

Binubuo natin ang partido sa nag-iisang layuning organisahin ang makauring pakikibaka ng uring manggagawa patungong sosyalismo.

Binubuo natin ang proletaryong partido dahil kailangan ng masa ng uri ng isang taliba. Isang talibang partido na armado ng teorya ng siyentipikong sosyalismo. Isang talibang partido na aaktong abanteng destakamento at pangkalahatang kumand ng proletaryado sa kanyang pagsulong tungo sa isang sosyalistang rebolusyon at sosyalistang lipunan. Sa madaling salita, binubuo ang proletaryadong partido para magsilbing taliba ng masang manggagawa patungong sosyalismo.

At para sa pagbubuong ito ng talibang partido ay tungkulin nating rekrutin ang mga pinakamahuhusay na elemento ng uring manggagawa at mga seryosong indibidwal mula sa hanay ng intelektwal at iba pang uri sa lipunan na yumayakap sa interes ng proletaryado. Sa pagpapalawak ng partido, target nating mapasapi ang pinakamaraming bilang ng manggagawa upang magkaroon ng katangiang pangmasa ang partido.

Ang partido ng rebolusyonaryong proletaryado ay kailangan nating mailatag sa buong bansa upang maabot ang pinakamalaking bilang ng manggagawa at iba pang mamamayang nagtatrabaho para magkaroon ng pambansa at pangmasang katangian ang ating partido at magkaroon ng matibay na gulugod ang rebolusyonaryong pakikibaka ng anakpawis.

Ang pagkokonsolida ng partido ay mangangahulugan ng pagbubuo ng mga sangay ng partido sa bawat pabrika at empresa, sa isang banda, at pagpapataas sa kamulatan, kamalayan at kapasyahang lumaban ng mga kasapi ng partido, sa kabilang banda. Ang mga pabrika ay dapat na maging baseng lunsaran ng mga sangay ng partido sa propaganda at praktikal na pag-oorganisa sa masa para sa sosyalismo. Ang mga komunista ay dapat laging kapiling ng masa, nagpopropaganda at inoorganisa nila ang mga manggagawa sa mga samahang umaangkop sa kanilang kalagayan sa pamumuhay at pinapakilos sa aksyong masa para sa kanilang pang-ekonomiya at pampulitikang kahilingan.

Ikinukonsentra natin ang atensyon sa pag-oorganisa sa hanay ng anakpawis sa mga lunsod at sentrong bayan. Ang mga malalaki at estratehikong pabrika ay gawin nating balwarte ng rebolusyon.

Narito sa mga malalaking pabrika o empresa ang pinakamalaking konsentrasyon ng mga manggagawa. Kapag tumigil ang produksyon sa pag-aalsa ng manggagawang nagtatrabaho dito ay magdudulot ito ng malaking dagok sa uring kapitalista dahil ang malaking bahagi ng yaman ng buong lipunan ay sa malalaking pabrika at empresa nagmumula. Dagdag pa, ang mga malalaking pabrika ay pagmumulan ng malaking pwersa para sa mga demonstrasyon at iba pang aksyong masa.

3. Buklurin at palakasin ang pagkakaisa ng uring manggagawa.

Malaki pang bilang ng mga manggagawa ang hindi organisado. Tungkulin natin na organisahin ang mga manggagawa sa kanilang mga unyon at iba pang samahang manggagawa sa pinakapursigidong pamamaraan, at nang sa gayon maging bahagi sila ng kilusang paggawa.

Pangunahan natin ang pagkakaisa ng kilusang paggawa. Dapat tayong manguna sa pagpapaliwanag sa mga manggagawa na kailangan ang pagkakaisa ng buong uri upang magapi ang uring kapitalista. Ang pagkakaisang ito ng mga manggagawa ay hindi dapat makahon sa kanilang unyon. Ito ay sapagkat pareho ang pang-aapi at pagsasamantalang nararanasan ng mga manggagawa sa lahat ng pabrika. Kailangan ang pagkakapatiran ng mga manggagawa sa iba't ibang pabrika. Ang pagkakapatirang ito ay hindi dapat na malimitahan ng mga sektaryong interes ng iba't ibang mga unyon at pederasyon. Ipaabot natin sa mga manggagawang organisado sa mga unyon at nakapaloob sa iba't ibang pederasyon o sentro sa paggawa kung bakit kinakailangan ng pagkakaisa. Buklurin ang pagkakaisa at wakasan ang pagkakanya-kanya ng iba't ibang pederasyon at sentrong paggawa sa pamamagitan ng pag-iisa ng kanilang pakikibaka laban sa kapital at sa estado nito. Hindi dapat maging hadlang ang pagkakaiba ng mga paniniwala o pampulitikang tendensya para sa pagkakaisa ng uring manggagawang Pilipino. Dapat ilantad ang mga sagad-sagaring aristokrata sa paggawa at mga tauhan ng uring kapitalista sapagkat sila ang pangunahing sumisira sa pagkakaisa ng uring manggagawa.

Ituring natin ang bawat pakikibaka ng mga manggagawa sa anumang usapin at saanmang lugar bilang sarili nating pakikibaka. Makiisa tayo sa lahat ng sumisiklab na paglaban ng mga kapatid natin sa uri. Puntahan natin sila sa kanilang pabrika at piketlayn, tulungan silang ipagtagumpay ang kanilang laban at iangat ang antas ng kanilang kamalayan.

Walang kapaguran nating isahimpapawid ang pangangailangan ng pagkakaisa ng uri. Ituro natin sa masang manggagawa na salat sa tunay na lakas ang hiwa-hiwalay na paglaban, na kung nais nating iangat ang ating pangkalahatang kabuhayan kinakailangan natin ng pagkakaisa sa kilusang paggawa - kapwa sa pagkilos at sa organisasyon.

4. Suportahan ang demokratikong pakikibaka ng iba pang uri sa lipunan ta maging masugid na mandirigma para sa demokrasya.

Ang mga pumuputok na demokratikong pakikibaka ay dapat suportahan ng mga komunista hangga't ang mga pakikibakang ito ay para sa pagtatanggol at pagsusulong ng mga demokratikong karapatan ng mamamayan. Tungkulin ng mga rebolusyonaryong sosyalista ang pagsuporta sa pakikibaka ng magsasaka, ng mga maralita ng lunsod, ng mga estudyante at kabataan, ng mga kababaihan, ng mga katutubo, ng mga taong simbahan at mga relihiyoso, atbp. Susuportahan natin ang kanilang pakikibaka sapagkat kailangan din ng uring manggagawa ang demokrasya.

Ang bawat pang-aapi, pang-aabuso ng awtoridad ng pamahalaan, pulisya at militar, mga opisyal ng gobyerno at kanilang institusyon ay dapat ilantad at labanan. Dapat na ipakita ng mga komunista sa mamamayan na sila ay pangunahin at masugid na nakikipaglaban para sa demokrasya ng mamamayan hindi lamang sa salita kundi sa gawa.

Ngunit ang pakikibaka ng uring manggagawa ay independyente sa pakikibaka ng iba pang uri at ito ang ating dapat paunlarin. Hindi nangangahulugan na ang pagsuporta natin sa pakikibaka o paglaban ng ibang uri para sa kanilang demokratikong karapatan ay pagsuporta sa pagmamantina ng kanilang sariling pribadong pag-aari at pagsasamantala. Ang proletaryado ay nagmamartsa nang kaagapay ang iba pang uring demokratiko at hindi sumasanib dito.

5. Palakasin ang internasyunal na pagkakapatiran ng uring anakpawis.

Ang mga komunista ay walang bansa. Layunin ng mga komunista na wasakin ang kapitalistang sistema at ipagtagumpay ang sosyalismo sa buong daigdig.

Tungkulin natin na makipag-ugnayan at makipagkapatiran sa manggagawa at sa mga kapatid na rebolusyonaryo sa ibang bansa. Ang mga komunista ay hindi makabayan kundi internasyunalista. Alam natin na ang paglaya ng uring manggagawang Pilipino at pagkakamit ng pandaigdigang sosyalismo ay hindi marereyalisa kung wala ang tulungan sa pagitan ng mga kapatid na komunista sa ibang bansa.

Ganunpaman ang pangunahing tulong sa pakikibaka ng mga kapatid na manggagawa sa ibang bansa ay ang pagtatagumpay ng rebolusyonaryong Pilipino na ating ambag sa pandaigdigang rebolusyong proletaryo. Dapat nating paunlarin ang kamulatan ng manggagawa sa komon na interes at komon na adhikain ng manggagawang Pilipino bilang isang nagkakaisang uring manggagawa na bahagi ng pandaigdigang hukbo ng manggagawa sa daigdig.

Mas lalong nagiging malinaw ang pangangailangan sa ugnayan at tulungan sa pagitan ng mga manggagawa sa buong daigdig sa panahong ito ng globalisasyon ng sistemang kapitalista. Ang mga manggagawang Pilipino, tulad halimbawa ng mga manggagawa ng mga pabrikang pag-aari ng mga kompanyang multinational ay may iba pang sangay o ang kanilang mother company ay nasa isang partikular na bansa, ay may komon na interes na daan para sa pagtutulungan at pagkakaisa. Mula sa simpleng pagtutulungan ay dapat itong tumungo sa higit pang pagkakaisa at pagkakapatiran para sa mga pang-ekonomiya at pampulitikang interes ng manggagawa at mga rebolusyonaryo ng iba't ibang bansa.

6. Aktibong organisahin at lumahok sa mga pakikibaka ng mga manggagawa at sumuporta sa demokratikong pakikibaka ng mamamayan.

Ang mga komunista ay dapat na aktibong organisahin at lumahok sa mga pagkilos ng mga manggagawa at mamamayan. Tungkulin natin na lumahok sa mga pagkilos tulad ng rali, demonstrasyon, welga at iba pang tipo ng aksyong masa. Tulungan natin ang mga manggagawa na buuin ang kanilang mga kahilingan sa kanilang kapitalista nang mas eksakto at praktikal.

Ang mga pangmasang aksyon ang pandayan ng mga nakikibakang mamamayan. Sa mga labanang ito napapaunlad ang ating mga kakayahan at paninindigan sa rebolusyonaryong pakikibaka. Ito ang training ground para sa mga darating pang malalaking laban at huling pagtutuos sa kapital. Ito ang malaking paaralan para sa pagrerebolusyon ng mamamayan.

Kung saan may pakikibaka ang manggagawa at mamamayan ay dapat na naroon ang mga komunista upang magabayan ang pakikibakang ito. Ang mga komunista ay dapat na maging halimbawa at modelo ng katapangan at katatagan sa mga labanan at magbigay ng inspirasyon sa nakikibakang mamamayan.

7. Masikhay na paunlarin ang kamalayang sosyalista.

Inaaral at inuunawa ng mga komunista ang daigdig para baguhin ito. Walang saysay ang ating kaalaman sa teorya kung wala naman tayong layunin o hindi natin gagamitin ito sa pagrerebolusyon, sa pagbabago ng daigdig.

Dapat paunlarin ng mga komunista ang kanilang sosyalistang kamalayan sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pag-aaral na ipinapatawag ng partido, sa mga paaralan ng partido, sa mga seminar at kumperensya para sa pagpapaunlad ng kasanayan.

Dapat ugaliin ng mga kasama ang pagbabasa ng mga lathalain ng partido at mga akdang Marxista para patatagin ang kanyang ideolohiyang proletaryo at patalasin ang kanilang kaisipan laban sa mga pang-ideyolohiya at pisikal na atake ng kaaway.

Ngunit ang komunistang pag-aaral ay hindi tulad ng nakagawiang pag-aaral sa iskwelahan ng burgesya na nagmememorya lamang ng mga salita at parirala. Dapat na maging kritikal ang bawat komunista. Ang mga aral ng syentipikong sosyalismo ay mapanlikhang inilalapat sa kongkretong praktika, sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas. Kinukuha rin ng mga komunista ang mga ideya at karanasan ng mga kontemporaryong rebolusyonaryo na pinadadaan sa kritikal na pagsusuri.

8. Ipamahagi ng masinop at mabilis ang dyaryo at mga lathalain ng Partido.

Ang dyaryo ng partido ay ang daluyan ng mga pagsusuri, plano at panawagan ng partido. Sa pamamagitan ng dyaryo ng partido ay natatahi ang mga magkakahiwalay na yunit ng partido at nalilinang ang mahigpit na ugnayan ng mga kasapi at sangay sa sentro ng partido at sa ganitong pag-uugnayan ay nabubuo ang karanasan at tradisyon ng partido sa pambansang saklaw.

Tungkulin ng mga kasama na ipamahagi nang masinop at mabilis ang mga lathalain at dyaryo ng partido. Sa panahon ng maiigting na labanan, ang makinarya sa distribusyon ng dyaryo ay matatransporma bilang isang mabilis na linya ng komunikasyon sa pagpapaabot ng kumand sa pag-aalsa.

Tungkulin ng mga kasama na kunin ang mga komentaryo ng mga mambabasa at ang kanilang makakayanang tulong para sa paglilimbag ng dyaryo at isentralisa sa kinauukulan. Ang ating dyaryo ay nangangailangan ng suporta; mga artikulo, suportang pinansya at suportang pisikal tulad ng mga magboboluntaryo sa layouting at iba pang teknikal na aspeto, distribusyon, atbp.

9. Walang kapagurang bakahin ang mga ideyang kontra sa sosyalismo at mga maling tunguhin sa kilusang manggagawa.

Naglipana ngayon ang mga pwersang nagpapanggap na mga rebolusyonaryo at Marxista-Leninista at nagkakalat ng iba't ibang ideya: mga repormistang ideya, mga ideyang kontra at nagrerebisa sa Marxismo, mga ideyang dala-dala ng NGO, atbp. Ang mga ideyang kontra-sosyalismo at kontra sa kilusang manggagawa at mga pwersang nagpapanggap na rebolusyonaryo ay dapat na aktibong ilantad at labanan.

Sa kasalukuyang panahon na napakalaganap ng impormasyon at masaklaw ang impluwensya ng iba't ibang porma ng media tulad ng dyaryo, radyo, telebisyon, at iba pa, pinapakalat ng burgesya ang mga kaisipang bulok at mga kaisipang kontra sa sosyalismo, dapat natin itong labanan.

Tunggaliin natin ang mga ideyang kontra sa sosyalismo at mga black propaganda laban sa rebolusyonaryong kilusan. Huwag nating hayaan na ang mga paninira sa sosyalismo ay hindi nasasagot at hindi nailalantad na parang wala tayong naririnig at walang pakialam sa rebolusyonaryong kilusan.

Upang limitahan hanggang maagaw ang pampulitikang impluwensya ng ibang mga pwersa sa loob ng kilusang paggawa, gaya ng mga reaffirmist, ang Bloke, ang PRK at ang BISIG, obligadong makipaglaban tayo sa kanila sa antas ng programa at taktika. Gamitin natin ang lahat ng oportunidad at huwag magpalampas ng pagkakataon na malantad ang kanilang baluktot na linya. Ang malupit na pang-ideyolohiyang pakikitunggali sa mga pwersang ito ay susi sa pagguhit ng linya ng martsa ng uri at sangkap sa pagpapalakas ng kilusang manggagawa at pagbangon ng rebolusyonaryong kilusan. Ang pakikitunggaling ito ay hindi titigil kahit na tayo'y nakikipagkaisa sa kanila sa mga kongkretong pagkilos.

10. Aktibong labanan ang mga pakana ng kaaway na wasakin ang rebolusyonaryong kilusan.

Ang uring kapitalista at ang estado nito ay patuloy na naglulunsad ng mga pakana para mawasak ang rebolusyonaryong kilusan sa iba't ibang anyo, tulad ng paniniktik, pandarakip, at pandarahas sa mga lider ng samahang masa, mga aktibista at organisador ng kilusang manggagawa at mamamayan. Dapat nating labanan ang mga pakana ng kaaway. Aktibo nating ipagtanggol ang ating hanay sa iba't ibang paraan na kakayanin. Dapat na ilantad at labanan ang mga ahente ng kaaway na pumapasok sa ating hanay at baseng masa.

Dapat alagaan ng partido ng manggagawa ang kanyang seguridad. Masasayang ang lahat ng ating pagsisikap kapag nagpabaya tayo sa seguridad ng organisasyon. Dapat matuto ang lahat ng kasapi ng partido ng mahusay na paraan sa sikreto man o hayag na pagkilos. Dapat sikapin ng bawat isa na mabigyan ng proteksyon ang organisasyon ng partido sa pananabotahe at paniniktik ng kaaway sa pamamagitan ng paggawa ng mga kinakailangang hakbang para sa pangangalaga ng seguridad na nakabatay sa kanilang pagkilos.

Ang paniyak nating armas laban sa mga pakanang isabotahe mula sa loob ang ating partido ay ang malusog na demokrasya at pagkakaisa sa pagkilos. Hangga't napanghahawakan natin ang disiplinang bakal na nakabatay sa panloob na demokrasya, walang malaking pinsalang magagawa ang mga ganitong tipo ng pakana ng kaaway.

Ito ang 10 sa pinakaimportante nating unibersal na tungkulin bilang mga tapat na komunista na ahente ng pagbabago sa mundo. Kapag nagawa natin ang mga tungkuling ito ay umasa tayong lalago ang ating mga ipinundar at pinaghirapan at lalapit tayo sa tagumpay. Sa batayan ng wastong programa at taktika ng partido, ang pagtupad sa mga tungkuling ito ang paniyak na tayo ay tumatahak sa landas ng pagsulong at patungo sa minimithing panlipunang pagbabago.