Ang Dyalektiko at Istorikong
Materyalismong
Pundasyon ng
Marxismo-Leninismo
Pambungad
Maraming katotohanan sa lipunan na natatago sa
kamulatan ng uring manggagawa sapagkat sila ay nabubulag ng umiiral na
kaisipan. Ang malaganap na kaisipan sa lipunan ay ang kaisipan ng naghaharing
uri na nagbibigay katwiran sa kanilang paghahari sa lipunan.
Bilang halimbawa, ang akala ng lahat ay may totoong
demokrasya sa lipunan gayong ang katotohanan ay kagustuhan lang ng iilan ang
nasusunod. Ang alam ng manggagawa, siya ay malaya subalit pagpasok niya sa
pagawaan, sa loob ng walong oras o higit pa bawat araw, wala siyang kontrol sa
sarili niyang buhay at sunud-sunuran siya sa diktadura ng kapitalista sa loob
ng pagawaan. Subalit kahit sa paglabas sa pagawaan, hindi pa rin niya lubusang
kontrolado ang kanyang buhay. Hindi naman kasi nasusunod sa lipunan ang
kagustuhan at interes ng nakararami.
Ang sinasandigan lang naman ng sinasabing
"demokrasya" ay ang kalayaan ng mga taong bumoto. Pero sa klase ng
halalang kabisado nang manipulahin ng mga trapo at sa sistema ng lipunang
di-pantay ang katayuan ng mayaman at mahirap, ang karapatang ito ay simpleng
kalayaang piliin kung sinong reaksyunaryo ang mang-aalipin sa taumbayan.
Ang karapatan ng isang mahirap na mahalal sa pwesto
ay isang kahibangan hangga't wala siyang pera at mismong ang karapatan niyang
maghalal ay napakadaling ibenta kapalit ng pantawid-gutom. Ang diumano
"pantay na karapatan" ng manggagawa ay kasinungalingan hangga't di
pantay ang katayuan niya sa lipunan. Pormalidad lamang ito at walang sustansya.
Marami pang ilusyon at kasinungalingang malaganap
sa umiiral na lipunan. Kailangan lang daw ng "sipag at tiyaga" para
sa "pag-asenso" gayong ang kapitalismo ay hindi iiral kung wala ang
masang walang pag-aaring yaman. Ang mapagsamantalang relasyon sa pagitan ng
manggagawa at kapitalista ay itinatago ng relasyong sahuran. Kaya't inaakala ng
manggagawa na siya pa ang dapat magpasalamat sa kapitalista dahil mayroon
siyang trabaho at sweldo gayong sa katunayan ang kanyang pawis ang pinagmumulan
ng tubo at siya ang bumubuhay sa kapitalista.
Ang pagpawi sa mga ilusyong ito ang layunin ng
Marxismo-Leninismo. Mapapalaya lamang ang uring manggagawa kung ang kanilang
kaisipan ay lalaya sa mga kasinungalingan ng naghaharing kaisipan ng
naghaharing uri.
Ang Marxismo-Leninismo ang teoretikal na armas ng
uring manggagawa sa kanilang pakikibaka para sa paglaya sa pagsasamantala. Ito
ang tanging kaisipan sa daigdig na tahasang kumakampi sa uring manggagawa at
naglalayong gabayan ang rebolusyon ng manggagawa. Ang Marxismo-Leninismo bilang
kaisipan ay magiging makapangyarihang pwersa kung ito ay yayakapin ng masang
manggagawa. Ang masang manggagawa na magiging mulat-sa-uri kung panghahawakan
ang kanilang makauring kamalayan. Isang hukbong mapagpalayang armado ng
mapagpalayang kaisipan ng Marxismo-Leninismo.
Ang layunin ng unang paksa ng Batayang Kurso ng
Partido ay ilahad ang pananaw ng Marxismo-Leninismo sa daigdig at ang susunod
na mga paksa ay elaborasyon ng iba pang nilalaman ng Marxismo-Leninismo at ang
aplikasyon nito sa proletaryong rebolusyon sa Pilipinas.
Materyalismo
Simula't sapul, mula noong sinaunang panahon,
sinikap ng tao na unawain ang kanyang kapaligiran. Natuto ang taong intindihin
ang mga pangyayari sa kalikasan at lipunan. Kung kaya't nakaalpas ang tao mula
sa gubat ng mga puno noong sinaunang panahon at umunlad sa sementadong
kagubatan ng modernong lipunan.
Upang mabuhay at umunlad, sinuri ng tao ang kanyang
kapaligiran hanggang makapag-ipon ng karunungan. Natutunan ng taong
magbalangkas ng pangkalahatang paliwanag sa mga kaganapan sa daigdig. Ang
ganitong pananaw sa daigdig ay tinawag na pilosopiya. Sa patuloy na pag-unlad
ng pag-aaral at karunungan ng tao, nagsanga-sanga na ang dating pilosopiya sa
iba't ibang sangay ng syensya at kaalaman sa kasalukuyan tulad ng biology,
chemistry at physics sa natural sciences, at economics, history at psychology
sa social sciences.
Subalit noong una, ang simpleng tawag lamang dito
ay pilosopiya. At kahit hanggang ngayon, ginagamit pa rin ang terminong ito sa
pangkalahatang paliwanag sa mga bagay-bagay o pananaw sa daigdig kung tawagin.
Magsisimula ang sinaunang mga tao sa kamangmangan
at mananatiling laging kapos ang kaalaman kahit ng modernong tao sa kanyang
kapaligiran. Sa kalagayang kulang ang kaalaman, natural na nag-imbento lang ng
paliwanag ang sinaunang mga tao sa nasasaksihan nila sa paligid. Nagulat ang
tao sa bulkang pumutok kaya't inakala niyang kagustuhan ito ng isang bathala at
sinamba niya ang bulkan sa pag-asang hindi na ito muling sumabog.
Ang unang pilosopiya ay natural na nagmula sa
pantasya. Ito ang ideyalismo. Ang ideyalismo bilang pilosopiya ay nagsisimula
sa pagpapaliwanag sa daigdig hindi batay sa realidad ng mundo kundi mula sa
isipan ng tao. Sa ideyalismo, mas mapagpasya ang mga kathang isip ng tao kaysa
sa reyalidad ng nasa labas ng isipan.
Ang mga alamat tungkol sa pinagmulan ng mga bagay
ay ehemplo ng ideyalismo. Wala nang naniniwala sa mga alamat subalit may mga
pangyayaring hindi maipaliwanag ng ordinaryong tao kaya't "malas at
swerte" ang ikinakatwiran niya dito. Umiiral pa ang ideyalistang
pamamaraan ng pag-iisip hanggang ngayon.
Isang matingkad na halimbawa ng ideyalistang
pag-iisip ay ang paniniwala na likha ng tao at daigdig ng isang
makapangyarihang pangonoon na labas sa reyalidad sa halip na produkto ng likas
na ebolusyon ng sanlibutan. Ang iba't ibang relihiyon ay nagmula sa ganitong
odeyalistang mga paniniwala ng tao.
Pero kung nananatiling iniimbento lang ng tao ang
pantastikong mga paliwanag sa mga nagaganap sa kanyang paligid hanggang ngayon,
sana ay nananatiling nakakabahag pa rin ang tao at sumasamba sa mga bulkan.
Subalit natutong aralin ng tao ang kanyang daigdig at sa batayan ng syensya sa
halip na pantasya ay nakamit ang walang kaparis na progreso at nagawang pagsilbihin
ng tao ang kalikasan sa kanyang mga pangangailangan.
Ito ang materyalismo. Ang materyalismo ay
kabaliktaran ng ideyalismo. Tinatanggap ng pilosopiyang ito ang reyalidad ng
materyal na daigdig. Kinikilala nito na ang papel ng isipan ng tao ay aralin
ang materyal na daigdig na umiiral sa labas ng isipan. Ang pamamaraan ng
materyalismo ay hindi ipataw ang pantastikong mga paniniwala sa reyalidad kundi
suriin ng tao ang kanyang kapaligiran sa tulong ng kanyang pandama at tuklasin
sa pamamagitan ng pag-iisip ang paliwanag sa mga pangyayari.
Sa materyalismo, umiiral ang materyal na daigdig sa
labas ng isipan ng tao ngunit nagkakaroon ito ng repleksyon sa isipan ng tao.
Ang tungkulin ng pag-iisip ay unawain ang natural at sariling mga batas ng
pag-iral ng materyal na daigdig.
Ang syensya ay pangunahing halimbawa ng
materyalismo. Ang syentipikong pamamaraan ng pangangalap ng datos, pagsubok sa
inisyal na paliwanag sa batayan ng eksperimento, at kumpirmasyon ng mga
kongklusyon sa resulta't reyalidad ay ang pamamaraan ng materyalismo.
Kahit noong sinaunang panahon, may mga taong
bumaklas sa ideyalistang pag-iisip at nagsimulang gumamit ng materyalistang
pamamaraan. Hanggang umabot sa isang takdang panahon na may sapat na naipong
karunungan ang unang materyalistang mga pilosoper para sa pagbuo ng
syentipikong mga paliwanag.
Ang progresong inabot ng tao ay tanging sa batayan
ng pagsulong ng materyalistang pag-iisip. Ang praktikal na aplikasyon ng mga
tuklas ng syensya upang tugunan ang mga pangangailangan ng tao ay walang dudang
kumpirmasyon ng kawastuhan ng materyalismo kaysa ideyalismo.
Bago pa kay Marx ay marami nang naunang
materyalistang pilosoper. Ang pag-unlad na ibinahagi ni Marx ay ang rekognisyon
na makaisang panig pa lamang ang materyalismo hangga't hindi nito kinikilala
ang pagbabago sa materyal na daigdig. Ang tungkulin ng materyalismo ay tuklasin
ang mga batas hindi lamang sa pag-iral kundi sa paggalaw ng materyal na
daigdig.
Dyalektika
Ang kalikasan at lipunan ay produkto ng ebolusyon
at patuloy na nagbabago. Isang katotohanan na walang tigil ang paggalaw at
pag-unlad ng mga bagay sa kalikasan man o sa lipunan.
Ang dyalektika ay ang teorya ng pagbabago at
pag-unlad. Nauna itong tinuklas ng ibang pilosoper bago kay Marx. Ipinasok ni
Marx ang konsepto ng dyalektika at isinanib ito sa materyalismo. Dyalektikong
materyalismo ang bansag sa integral na pananaw ng Marxismo sa daigdig.
Ang dyalektika na hindi nakabatay sa materyalismo
ay tinatawag na metapisika. Metapisikal ang naunang klase ng dyalektika bago
kay Marx. Inuugat nito ang motibong pwersa ng pagbabago ng mga bagay sa isang
espiritu na labas sa materyal na daigdig. Ibig sabihin, isang pantastikong
paliwanag ang ipinataw sa reyalidad ng paggalaw at pag-unlad ng kalikasan at
lipunan. Metapisikal ang tawag dito sapagkat lagpas ito sa pisikal o materyal
na daigdig. Halaw sa ideyalismo sa madaling salita.
Itinindig ni Marx ang dyalektika sa pundasyon ng
materyalismo. Ang paggalaw at pag-unlad, pagsilang at paglaho ay inuugat ng
dyalektikong materyalismo sa mga kontradiksyong umiiral sa loob ng mga bagay.
Hindi magkakaroon ng pagbabago sa isang bagay kundi
sabay na umiiral sa bagay na ito ang kanyang kabalintunaan. Kaya nagkakaroon ng
pagbabago ay sapagkat may kontradiksyon sa pagitan ng magkatunggaling
katangian, aspeto o nilalaman ng isang bagay.
Ang bawat bagay ay pagkakaisa ng magkakatunggaling
aspeto sa loob ng bagay. Subalit nagtutunggalian ang magkakaibang aspetong ito
kaya nagkakaroon ng pagbabago.
Unti-unti, dahan-dahan, nagkakaroon ng
kantitatibong pagbabago sa bagay hanggang magkaroon ng kalitatibong pagbabago
bunga ng ganap na pananaig ng katunggaling aspeto. Sa puntong ito, nagkaroon ng
resolusyon ang kontradiksyon sa lumang bagay kaya ito'y nagluwal ng bagong
bagay. Sa loob ng bagong bagay ay ang bagong kontradiksyong magtutulak ng
paggalaw at pag-unlad nito.
Kaya't lahat ng bagay ay ma simula at katapusan,
may isinilang at naglaho, may nakaraan at kinabukasan. May kasaysayan ang lahat
ng bagay. Ang teorya ng dyalektika ang nagpapaliwanag sa motibong pwersa na
dahilan ng walang-tigil na pagbabago at ugnayan ng mga bagay na makikita sa
kalikasan at sa lipunan.
Ang panlabas o eksternal na mga salik ay kondisyon
sa pagbabago ng mga bagay subalit ang ugat ng paggalaw ay ang panloob o
internal na mga kontradiksyon. May ugnayan at relasyon ang isang bagay sa iba
pang bagay o ang lahat ng bagay sa isa't isa. May interkoneksyon ang mga bagay
at pangyayari.
Kinukumpirma ng natuklasang mga batas ng syensya
ang katotohanan ng dyalektika sa paggalaw at pagbabago ng mga bagay sa
kalikasan. Ang teorya ng ebolusyon ng kalawakan, at ang teorya ng ebolusyon ng tao
at iba pang buhay na bagay ay ilustrasyon ng katumpakan ng dyalektika.
Teorya at
Praktika
Ang dyalektika ay matatagpuan kahit sa pamamaraan
ng pagtuklas ng tao sa kaalaman. Ang dyalektika ng teorya at praktika ang
wastong pamamaraan ng pag-aaral at pagtuklas sa kaalaman. Ang praktika ay bukal
ng teorya habang ang teorya ay pinagyayaman ng praktika.
Ang kongkretong karanasan ng tao ay ang bukal ng
kanyang kaalaman. Walang ibang pagmumulan ng datos kundi ang aktwal na
pangyayari at pagdama ng tao dito. Ang pakikisalamuha ng tao sa kanyang
kapaligiran at sa kanyang kapwa ang pinanggagalingan ng kanyang kaalaman sa
kalikasan at lipunan.
Kung walang praktika, siguradong walang teorya. Ang
asersyong hinugot mula sa hangin ay siguradong mali at walang pinagbabatayan.
Ang wastong teorya ay ultimo nagmumula sa kongkretong praktika.
Ang walang tigil na pag-unlad ng kaalaman ng tao ay
sa batayan ng tuluy-tuloy na praktikal na karanasan ng tao sa kanyang ugnayan
sa kalikasan at kanyang pakikipag-ugnayan sa lipunan. Ang dalawang importanteng
larangan ng praktika ng tao ay ang kanyang partisipasyon sa produksyon at
karanasan sa makauring pakikibaka.
Sinusubok ang kawastuhan ng mga teorya sa pandayan
ng praktika. Kung hindi umaayon ang mga asersyon sa aktwal na resulta, ito ay
maling teorya. Pinatatalas at pinauunlad ng teorya sa patuloy na pagsubok nito
sa bagong karanasan, bagong sitwasyon, bagong pangyayari.
Ito ang materyalista at dyalektikal na metodolohiya
sa pag-aaral at teorya ng kaalaman. Ang papel ng pilosopiya ay hindi lamang
para aralin ang daigdig kundi para baguhin ito. Praktikal ang teorya sa
madaling salita. Ang layunin ng dyalektikong materyalismo ay maging instrumento
ng uring manggagawa sa kanyang makauring pakikibaka para sa paglaya sa pagsasamantala.
Buhay na
Teorya
Ang teorya ng Marxismo-Leninismo ay hindi isang
dogma kundi isang gabay sa pagkilos. Sinusubok ang patuloy na kawastuhan ng
Marxismo-Leninismo sa tanglaw ng bagong mga pangyayari at sa pandayan ng
makauring tunggalian sa ngayon.
Ang tagubilin ng dyalektikong materyalismo ay
pag-aaral sa materyal at nagbabagong daigdig, at aplikasyon nito sa
kumplikadong pakikibaka ng uring manggagawa para sa paglaya. Ibig sabihin,
walang sawang kongkretong pag-aaral sa kongkretong kalagayan.
Ang Marxismo-Leninismo ay nabuo sa pundasyon ng
pinakasulong na kaalaman ng sangkatauhan noong panahon ni Marx. Ang tatlong
panguhahing nilalaman ng Marxismo ay may tatlong pinagmulan.
Ang dyalektikong materyalismo ay nagmula sa
pilosopiya ng Germany. Sa partikular, ang dyalektikong materyalismo ay halaw sa
materyalismo ni Ludwig Feuerbach at dyalektika ni Friedrich Hegel na parehong
pinakamahuhusay na pilosoper ng kanilang panahon. Ang pagsusuri ng Marxismo sa
kapitalistang ekonomya ay nagmula sa mahusay na pampulitikang ekonomya ng
Britanya sapagkat ito ang pinakamaunlad na kapitalistang bansa noon. Ang
syentipikong sosyalismo ng Marxismo ay nagmula sa utopyang sosyalismo ng
Pransya na pinakamayaman noon ang karanasan sa makauring tunggalian at
rebolusyonaryong pakikibaka.
Ang partikular na kontribusyon ni Lenin ay ang
pagsusuri sa kapitalismo nang pumihit ito sa imperyalismo, at ang pagtatakda ng
linya't taktika ng sosyalistang rebolusyon sa panahon ng imperyalismo.
Ang Marxismo-Leninismo ay hindi nagtapos kina Marx,
Engels at Lenin. Bilang isang kaban ng kaalaman at pamamaraan ng pagsusuri, ito
ay patuloy na umuunlad batay sa inabot na pagsulong ng karunungan ng
sangkatauhan at kumporme sa mga pagbabago ng daigdig at lipunan.
Mismong ang Marxismo-Leninismo bilang isang
kaisipan ay sakop ng dyalektika ng teorya at praktika, at ito mismo ang bukal
ng pagiging buhay nitong kaisipan sa halip na mga patay na letra. Kailangang
muling dalisayin ang Marxismo-Leninismo at patalasin sa pakikipagtunggali sa
pinakalaganap na mga kaisipan hindi lamang ng mga tagapagtaguyod ng
globalisasyon kundi ng mga karibal na kaisipan sa loob ng kilusang manggagawa
at kilusang anti-globalisasyon.
Ang dyalektong materyalismo ay nakapangingibabaw na
sa syensyang pangkalikasan subalit nananaig pa rin ang ideyalismo't metapisika
sa syensyang panlipunan. Ang paghahari ng kaisipan ng naghaharing uri sa
pag-aaral ng lipunan ay isang mabisang hadlang sa paglaya ng kaisipan ng uring
manggagawa.
Istorikong
Materyalismo
Habang ang materyalistang pag-aaral ng kalikasan ay
mismong ipinalalaganap ng lipunang kapitalista, halimbawa bilang pormal na mga
kurso sa burgis na mga paaralan dahil kailangan ito sa kapitalistang
produksyon, ang ideyalistang pagsusuri sa lipunan naman ang pursigido nitong ikinakalat.
Malinaw na sa layunin nitong pagtakpan ang katotohanan ng pagsasamantala sa
lipunan at baugin ang kamulatan ng manggagawa.
Ang burgis na pag-aaral ng kasaysayan ay ang
kalakaran sa burgis na mga paaralan. Kung babalikan ang opisyal na kasaysayang
itinuturo sa burgis na paaralan, lilitaw ang ideyalista at metapisikal na
pag-aaral sa pagbabago ng lipunan.
Nangingibabaw ang papel ng mga bayani at kanilang
kaisipan sa burgis na pananaw sa kasaysayan. Kung bakit ang mahuhusay na
kaisipan ng mga bayani ay nagawang yakapin ng masa sa partikular na yugto
subalit hindi ito umangkop sa ibang panahon ay hindi ipinapaliwanag sa burgis
na pag-aaral.
Ang katunayan ay hindi ang mga bayani ang lumilikha
ng kasaysayan kundi ang kasaysayan ang lumilikha ng mga bayani. May depinidong
kalagayan sa lipunan at antas ng kamulatan ng tao kung bakit sa isang takdang
panahon ay niyayakap ng masa ang kaisipan ng mga lider at bunga noon gumaganap
ang mga bayani ng makasaysayan nilang papel. Hindi ang mga bayani at kanilang
kaisipan ang ugat ng pagdaloy ng kasaysayan kundi ang mga pagbabago sa
sitwasyon ng lipunan at pamumuhay ng mga tao.
Nililikha ng tao ang kasaysayan subalit sa ilalim
ng mga kondisyon na minana sa nakaraan. Isinisilang ang tao na mayroon nang
umiiral na pamamaraan sa produksyon, may nakatayo nang mga institusyon sa
lipunan at may malaganap nang paniniwala ang mga tao. Ang lahat ng ito ay salik
at kondisyon sa paggalaw at pagkilos ng tao sa lipunan.
Ang panlipunang kaisipan ay itinatakda ng
panlipunang katayuan. Ito ang materyalista't dyalektikal na pagsusuri sa
kasaysayan. Bago makaisip ang tao ay kailangan niya munang buhayin ang kanyang
sarili. Hindi ang kaisipan ng tao ang nagtatakda sa kanyang buhay kundi ang
kanyang kondisyon sa buhay ang nagtatakda ng kaisipan.
Nabubuhay ang lipunan sa batayan ng isang sistema
para likhain ang mga pangangailangan sa buhay. Ang produksyon ng tao ng mga
pangangailangan ang prinsipal na kondisyon na nagtatakda ng tipo ng kanyang
pamumuhay at natural na humuhubog sa kanyang mga paniniwala, kaisipan, gawi,
ugali, at iba pang bagay na kung tawagin ay kultura. Ang ekonomya ng lipunan
ang ultimong nagtatakda ng kultura ng tao.
May mga pangangailangan ang tao para mabuhay. Noong
simula, ito ay simpleng batayang mga pangangailangan tulad ng pagkain, damit at
tirahan. Subalit umuunlad, nagbabago at nadadagdagan ito habang sumusulong ang
lipunan at mismong ito ay tanda ng progreso ng sangkatauhan.
Sistema sa
Produksyon
May mga pamamaraan ang lipunan para likhain ang mga
pangangailangan ng tao. Ito ang tinatawag na sistema sa produksyon. Bawat
lipunan ay kinatatangian ng isang sistema sa pamumuhay o sistema sa produksyon.
Sa kasalukuyang panahon, ang mga pangangailangan ng
tao ay mga kalakal na bibeneta at binibili. Nililikha ito sa kaparaanan ng
malakihang produksyon na gumagamit ng mauunlad na makinarya at teknolohiya. Ito
ang katangian ng kapitalistang sistema sa produksyon. Kakaiba ang kapitalistang
sistema sa produksyon ng nagdaang mga lipunan.
Bawat sistema sa produksyon ay binubuo ng mga
pwersa sa produksyon at ng mga relasyon sa produksyon. Ang pwersa sa produksyon
ay tumutukoy sa mga instrumento at pamamaraan na ginagamit ng mga tao sa
proseso ng paglikha niya ng mga pangangailangan. Samantalang ang mga relasyon
sa produksyon ay tumutukoy sa ugnayan at interaksyong namamagitan sa mga taong
kalahok sa produksyon.
Sa kapitalistang sistema, ang mga pwersa sa
produksyon ay ang mauunlad na makinarya na maaari lamang patakbuhin ng
kolektibong paggawa ng maraming manggagawa na may kani-kaniyang bahagi sa
kabuuang proseso ng produksyon. Ang mga relasyon sa produksyon ay ang relasyong
sahuran sa pagitan ng manggagawa at kapitalista sa batayan ng monopolyo ng huli
sa mga pwersa sa produksyon, at maging ang relasyon ng manggagawa sa kapwa
manggagawa sa konteksto ng kolektibong paggawa.
Ang relasyon sa produksyon sa pagitan ng manggagawa
at kapitalista ay isang relasyon ng pagsasamantala. Mula nang sumulpot ang
lipunang makauri, ang pangunahing relasyon sa produksyon, ibig sabihin ang
relasyon ng masang walang pag-aari sa mga pwersa sa produksyon at ng iilang
nagmamay-ari nito, ay tuwinang isang relasyon ng pagsasamantala.
Nahahati ang lipunang makauri sa mga uri na
mapag-iiba batay sa kanilang pag-aari sa mga pwersa sa produksyon at kanilang
papel sa dibisyon ng paggawa sa lipunan. May mga tao na bunga ng kanilang
pribadong pag-aari sa mga intrumento ng produksyon ay hindi kinakailangang
magtrabaho pero kinakamkam ang produkto ng paggawa ng iba. Bumubuo sila ng
isang uri, ng uring mapagsamantala.
Samantalang may mga tao na bunga ng kawalan ng
pag-aari ay obligadong magtrabaho at ang produkto ng kanilang paggawa ay
sinasamsam ng mga uri na nagmamay-ari ng mga instrumento sa produksyon. Bumubuo
rin sila ng isang uri, ng uring pinagsasamantalahan.
Ang kabuuang ito - ang pwersa sa produksyon at
relasyon sa produksyon, at sa panahon ng lipunang makauri, ang relasyon ng
pagsasamantala at pagkakahati sa mga uri - ay ang bumubuo ng panlipunang
sistema sa produksyon. Ito ang pundasyon ng lipunan kung saan umuusbong ang iba
pang mga istrukturang panlipunan.
Estado at
Kultura
Sa pundasyon ng sistema sa produksyon ay itinatayo
ang mga institusyon na nagsisilbing haligi ng lipunan sapagkat may papel sa
pagmamantina at pagtatanggol ng umiiral na sistema. Ang kultura ng naghaharing
uri ay natural na nagbibigay-katwiran sa pagsasamantala at pang-aalipin sa
lipunan. Ang naghaharing uri rin ang may kakayahan dulot ng kanyang posisyon sa
lipunan na palaganapin ang sariling kultura at patagusin kahit hanggang sa mga
pinaghaharian.
Sa kasalukuyang lipunan, ang mass media, paaralan,
simbahan at maging ang pamilya ay tagapagpalaganap ng kapitalistang kultura.
Bukod sa komersyalismo at eskapismo na tatak ng modernong kultura,
ipinangangaral nito ang pagiging natural at makatwiran ng umiiral na sistema.
Nagsisilbi ito bilang epektibong daluyan ng pagpapatanggap sa manggagawa ng
kanilang kaapihan.
Subalit sa likuran ng mga instrumentong ito ng
panlilinlang ay nakapwesto ang bisig ng panunupil ng umiiral na lipunan. Ang
estado ay isang kapangyarihang nakapangingibabaw sa lipunan at sa ultimo ay
isang marahas na instrumento ng represyon.
Ang kapitalistang estado ay nagtatago sa tabing ng
demokrasya at diumano nahahati sa iba't ibang sangay ng kapangyarihan. Subalit
sa esensya binubuo ito ng reaksyunaryong hukbo at pulis, at ang kaagapay nitong
mga galamay ng pandarahas tulad ng mga kulungan.
Kung lalaya ang isipan ng uring manggagawa,
lalantad ang katangian ng estado bilang ultimong instrumento upang ipagtanggol
ang sistema at mabubuking ang katotohanan na namamantina lamang ang umiiral na
lipunan sa pwersa ng dahas.
Ugat ng
Pagbabago ng Lipunan
Subalit nagbabago ang mga lipunan at ito ang aral
ng kasaysayan. Dulot ito ng pag-unlad ng mga pwersa sa produksyon at ng
pag-usbong ng bagong mga relasyon sa produksyon na kumakatawan sa isang bagong sistema
sa produksyon. Mula sa sinapupunan ng lumang lipunan ay sisibol ang bagong mga
pwersa't relasyon sa produksyon na kumakatawan sa isang bagong sistema sa
produksyon.
Magtutunggali ang luma't bagong mga pwersa sa
produksyon, ang bagong mga pwersa sa produksyon sa lumang relasyon sa
produksyon, ang luma't bagong mga relasyon sa produksyon. Masasalamin ang mga
kontradiksyong ito bilang tunggalian ng mga uri sa lipunan. Ang kasaysayan mula
nang isilang ang makauring lipunan ay kasaysayan ng makauring tunggalian.
Sisiklab ang kontradiksyon hindi lamang sa pagitan
ng naghahari at pinaghaharian kundi sa pagitan ng naghahari at mga bagong uring
luwal ng papasibol na sistema sa produksyon. Ibabagsak ang mga naghahari ng mga
pinaghaharian kasama ang mga bagong uri. Rebolusyon ang magiging kumadrona ng
bagong lipunan. Ang ebolusyon sa sistema ng produksyon ay hahantong sa
rebolusyon ng pinagsasamantalahang mga uri.
Ang pagbabago ng lipunan at pagdaloy ng kasaysayan
ay ilustrasyon ng mga batas ng dyalektika sa materyal na produksyon ng lipunan.
Ito ang istorikong materyalismo, ang aplikasyon ng dyalektikal na materyalismo
sa pag-aaral ng kasaysayan.
Sa pamamagitan ng istorikong materyalismo,
matutuklasan ang mga batas sa pag-unlad ng lipunan at pagdaloy ng kasaysayan.
Ang pag-unlad sa mga pwersa sa produksyon, at ang pagbabago at krisis na likha
nito sa sistema ng produksyon ay ang obhetibong salik sa kasaysayan. Habang ang
suhetibong salik ay ang makauring pakikibaka ng mga pinagsasamantalahang mga
uri laban sa mga nagsasamantala.
Ang batas ng pag-unlad sa kasaysayan ay naiiba sa
batas ng syensyang pangkalikasan sapagkat ang kasaysayan ay likha ng pagkilos
ng tao at laluna sa panahon ng rebolusyon ay bunsod ng pakikibaka ng
milyun-milyong masa. Subalit mga batas pa rin itong makikita sa pag-aaral ng
nakaraan - gaya ng makauring interes at tunggalian ng uri - at gabay ito sa
pakikibaka sa kasalukuyan ng masang manggagawa.
Mga Lipunan
sa Kasaysayan
Makikita ito sa pagbaybay sa mga pagbabago sa
lipunan.
Bago ang lipunang kapitalista ay ang lipunang
pyudal. Sa lipunang pyudal, ang mga pwersa sa produksyon ay ang maliitan at
indibidwal na mga instrumento sa produksyon ng mga magsasaka at artisano. Kaiba
sa mauunlad na makinarya ng kapitalismo na mapapatakbo lang sa pamamagitan ng
kolektibong paggawa, ang pyudal na mga instrumento sa produksyon ay angkop na
gamitin ng indibidwal na prodyuser. Ang relasyon ng magsasaka sa kanyang
panginoong maylupa ay isang mapagsamantalang ugnayan. Ibibigay ng magsasaka sa panginoong
maylupa ang isang bahagi ng kanyang ani mula sa pagsasaka sa lupain ng
panginoon. Eksepsyon ang kalakalan dahil sa nakasasapat sa sariling produksyon
ng magsasaka at artisano.
Ang pyudal na lipunan ang pumalit sa lipunang
alipin. Sa lipunang ito, ang pangunahing pwersa sa produksyon ay ang mismong
alipin dahil sa pagiging primitibo ng mga instrumento sa produksyon. Ang
mismong alipin ang pag-aari ng panginoon kaya't inaari rin ng huli ang buong
produkto ng paggawa ng una. Walang dudang mapagsamantala qang relasyong ito.
Ang pagpaparami ng produksyon ay nakakamit sa simpleng pagpaparami ng alipin
bunga ng pagkaatrasado ng mga instrumento sa produksyon.
Bago ang lipunang alipin ay ang primitibo komunla
na lipunan. Ito ang unang lipunan sa kasaysayan. Ang mga instrumento sa
produksyonay krudong mga kagamitan na simpleng ekstensyon ng kamay. Nagsimula
sa bato at patpat hanggang umunlad sa palakol at sibat.
Tulad ng pagiging primitibo ng unang mga tao,
obligadong mamuhay sila ng komunal. Sama-sama kung magtrabaho sapagkat
kailangan ang paggawa ng lahat. Pantay-pantay ang paghahati sa produkto ng
paggawa upang matiyak na mabubuhay ang bawat isang myembro ng sinaunang tribo.
Laging nasa bingit ng kamatayan ang buhay ng tao dahil sa dehadong balanse ng pwersa
sa pakikibaka sa kalikasan.
Nabubuhay ang tao sa pamimitas at pangangaso.
Walang dibisyon sa paggawa kundi ang pagkakaiba sa trabaho ng lalaki at babae.
Umiral ang pantay na turing sa babae.
Wala ring estado o isang kapangyarihang
nakapangingibabaw at naghahari sa lipunan. Mayroong mga lider at bumubuo sila
ng kunseho subalit ang kanilang awtoridad ay kusang loob na ibinibigay ng mga
myembro ng tribo bunga ng kanilang husay sa produksyon. Wala silang pagkakaiba
sa katayuan sa buhay sa iba pang myembro ng tribo.
Walang pagsasamantalang umiiral sa lipunan sapagkat
walang materyal na kondisyon para dito. Subalit hindi ibig sabihin nito na
mapayapa at walang karahasan. Katunayan, kapag nagapi ng isang tribo ang
kalabang tribo, maaaring kainin ang mga natalo yamang hindi naman sila maaring
bihagin o alipinin.
Daan-daang libong taon kundi man isang milyong taon
na umiral ang lipunang primitibo komunal. Ibig sabihin, sa mas mahabang
kasaysayan ng tao, walang pagsasamantala at pang-aalipin. Hindi natural sa tao
ang pagsasamantala. Sumulpot lamang ito nang magkaroon ng pag-unlad sa sistema
sa produksyon at nalatag ang kalagayan para sa pagsasamantala.
Nang matuklasan ng tao ang pagtatanim ng mga
halaman at pag-aalaga ng hayop ay nagkaroon ng rebolusyon sa sistema ng
produksyon. Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ay nagkaroon ng surplas sa
produksyon, ibig sabihin, mayroon nang labis-labis sa kagyat na kakainin ng
tribo.
Ang pagsulpot ng surplas ang sangkap na
magbibigay-daan sa pagsulpot ng pagsasamantala. Yamang may sarplas, maaari nang
may magsamantala, maaari nang alipinin ang isang seksyon ng lipunan at mabuhay
ang isa pang seksyon sa produkto ng paggawa ng iba.
Kung may kalabang tribo na magagapi sa digmaan, mas
kapaki-pakinabang na alipinin sila kaysa kainin. Isa lamang itong tipo ng
paraan sa naganap na transisyon mula sa lipunang primitibo komunal tungong
lipunang alipin, mula sa lipunang walang pagsasamantala tungong lipunang
mapagsamantala. Mahabang panahon na unti-unti at dahan-dahang nawasak ang lumang
komunal na pamumuhay ng tao at palitan ng pagsasamantala ang relasyon ng tao.
Bunga ng rebolusyon sa sistema sa produksyon, dulot
ng pagsulpot ng surplas, nagkaroon ng materyal na batayan para sa pag-iral ng
pagsasamantala. Ibig sabihin, hindi dahil sa likas na kasamaan o kasakiman ng
tao nagmula ang pagsasamantala. May simula at kung gayon may katapusan ang
pagsasamantala. Maglalaho ito kung mawawala ang materyal na batayan para sa
pag-iral nito.
Mula noon, nahati ang lipunan sa antagonistikong
mga uri. Upang panatilihin ang kaayusan sa lipunan at hindi ito manabog sa
sigalot, nabuo ang estado. Noong simula, ang estado ay simpleng ang nanalong
tribo na naghahari at sumusupil sa natalong tribo na tinanggalan ng kanilang
mga armas panlaban. Hanggang umunlad ito sa estado ng mga lipunang alipin tulad
ng emperyong Egyptiano, Griyego at Romano.
Nawasak din ang pantay na katayuan ng kababaihan
dahil napasakamay ng kalalakihan ang mga instrumento sa produksyon na
natransporma bilang pribadong pag-aari.
Subalit ang pagsulpot ng lipunang alipin gaano man
kalupit ay simula rin naman ng sibilisasyon. Ang surplas na materyal na
kondisyon sa pag-iral ng pagsasamantala ay gayundin nagbigay daan sa higanteng
pagsulong sa kaalaman ng tao. Kasabay ng mag panginoong may alipin na nalibre
sa paglahok sa produksyon ay ang unang mga pilosoper, syentipiko, matematisyan,
artista, atbp., na nabigyan ng oras at pagkakataon na isulong ang ganoong
larangan ng panlipunang aktibidad.
Subalit dulot ng patuloy na pag-unlad ng sistema sa
produksyon, susulpot ang mas maunlad na mga pwersa sa produksyon. Sa papasibol
na mas maunlad na sistemang pyudal, mas malaki pa ang surplas kahit na hindi na
alipin ang prodyuser. Ibinagsak ang lipunang alipin ng pag-aalsa ng mga alipin
at ng pakikibaka ng bagong mga uring kumakatawan sa lipunang pyudal.
Napalaya ang mga alipin subalit naitali naman sila
bilang mga magsasaka sa mga lupain ng bagong mga panginoong maylupa.
Ganunpaman, pagsulong ito sa puntong ang magsasaka ay hindi mismong pag-aari ng
panginoon. Subalit bunga ng pag-aari ng mga bagong mga panginoon sa lupa na
instrumento sa produksyon, pwersado ang magsasaka na magbigay ng bahagi ng
kanyang ani bilang upa.
Ang estado sa lipunang pyudal ay naging mas
kumplikadong sistema ng paghahari ng mga nobilidad at ng hari sa kanilang
tuktok. Nakasanib sa estadong pyudal ang simbahan na itinanghal bilang opisyal
na relihiyon.
Misyon ng
Manggagawa sa Kasaysayan
Muli, dulot ng patuloy na pagsulong sa mga pwersa
sa produksyon at mula sa sinapupunan ng lipunang pyudal ay sumulpot ang mas
maunlad na sistema sa produksyon. Nagsimula ang palitan ng mga pangangailangan
sa buhay at ang produksyon ng kalakal sa kapitalistang kaparaanan ng dibisyon
at kolektibong paggawa. Hamak na mas episyente ang ganitong pamamaraan kaysa sa
indibidwal na produksyon ng magsasaka at artisano kaya''t dinurog ito sa
kompetisyon.
Nagsanib ang rebelyon ng mga magsasaka sa
pakikibaka ng bagong sibol na mga kapitalista at maging manggagawa. Ibinagsak
ang lipunang pyudal ng burgis na mga rebolusyon. Ang lipunang kapitalista ay
may kasaysayan, mayroon itong simula at kung gayon mayroon din itong katapusan.
Kung paanong sa batayan ng pag-unlad ng mga pwersa
sa produksyon ay sumisibol ang bagong sistemang papalit sa luma, ganoon din sa
kapitalismo. Gumampan ang uring kapitalista ng progresibong papel sa kasaysayan
sa pagwasak sa atrasadong indibidwal na produksyon at pagtatag ng maunlad na
sosyalisadong produksyon. Subalit nagtutunggali ang sosyalisadong produksyon sa
pribadong pag-aari at kapitalistang pangangamkam. Ang kontradiksyong ito ang
ugat ng rebolusyong magpapabagsak sa kapitalistang lipunan.
Nang isilang ang uring kapitalista, kakambal ang
uring manggagawa. Ang uring manggagawa ang may misyon sa kasaysayan na isulong ang
pag-unlad ng lipunan tungong sosyalisadong pag-aari ng mga instrumento ng
kolektibong produksyon. Hindi ito gagawin ng mga kapitalista dahil labag ito sa
kanilang makauring interes. Subalit ito mismo ang obhetibong interes ng
manggagawa. Ang wakasan ang kapitalistang pagsasamantala sa pamamagitan ng
pagpawi sa pribadong pag-aari.
Ang manggagawa ang pinakarebolusyonaryong uri sa
kasaysayan sapagkat sa pagwawakas nito ng kapitalistang pagsasamantala,
papawiin na nito ang pagsasamantala sa lipunan at palalayain ang buong lipunan
sa kasamaang ito. Babalik ang tao sa komunal na pamumuhay subalit sa batayan ng
moderno hindi primitibong mga pwersa sa produksyon.
Ang sosyalismo, at ang komunismong mas maunlad
nitong yugto, ang modernong komunal na lipunan. Sa halip ng tunggalian ng mga
uri, ang kontradiksyon sa pagitan ng tao at kalikasan ang magiging motor ng
pagbabago, gaya noong unang panahon subalit hindi tulad noon na ang primitibong
tao ay pinangingibabawan ng kalikasan.
Ang kabilang mukha ng pag-unlad ng kapitalismo
hanggang sa kasalukuyang yugto ng globalisasyon ay ang paglaki ng uring
manggagawa at ang pag-igting ng mga krisis ng umiiral na lipunan. Higit
kailanman, sa kalagayang umabot na sa intarnasyunalisasyon ng produksyon ang
sosyalisasyon ng produksyon at malinaw na tanging sa pagkakapatiran at
pakikibaka ng mga manggagawa sa buong daigdig makakamit ang paglaya, hinahamon
ang uri na gampanan ang kanyang misyon sa kasaysayan. Magagawa ito sa
pagkamulat ng manggagawa sa kanyang makauring interes sa pamamagitan ng mga
aral ng Marxismo-Leninismo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento