MARXISTA-LENINISTANG TEORYA
NG ESTADO
Introduksyon:
Ang mga manggagawa ay nakaharap sa isang malakas na
kapangyarihan. Isang kapangyarihang hawak ng mga kapitalistang lokal at dayuhan
at panginoong maylupa. Kapangyarihang hawak ng mga may salapi, ng may kapital.
Umiiral ang kapangyarihang ito sa ibabaw ng lipunan, sa ibabaw ng mamamayan at
patuloy na nahihiwalay dito. Sa porma ang tawag dito ay demokratikong
republika.
Sa paglaban ng manggagawa para sa kanilang
makauring interes, ang kapangyarihang ito o anumang bahagi nito ay makikita
kung saan nakapanig at nagpapatunay na ito ay nagsisilbi sa uring namamayan sa
lipunang kapitalista. Napatunayan ng manggagawa ang kapangyarihan ng kapital sa
DOLE, sa pulis, sa Mendiola, atbp.
Ang malakas na kapangyarihang ito ang gumagawa ng
batas at alituntunin na pwersadong ipinapatupad sa pamamagitan ng iba't ibang
ahensya ng pamahalaan. Ang kapangyarihang ito ay walang iba kundi ang estado.
May ginagampanang papel ang media: dyaryo, radyo,
telebisyon, atbp. sa pagpapanatili ng sistemang panlipunan. Papel ng eskwelahan
at simbahan ang pagtatanggol at patuloy na pag-iral ng paghahari sa lipunan ng
isang uri. Ang kultura ng naghaharing uri ay ang kulturang pinaiiral sa
lipunan.
A. Ang
Makauring Lipunan at Estado
May nagdaang panahon na hindi umiral ang estado.
Bago lumitaw ang unang porma ng pagsasamantala ng
tao sa tao, ang unang porma ng pagkakahati sa mga uri - panginoong may alipin
at alipin - ay umiral ang angkan. Sa panahong ito ay walang mababakas na
estado, walang espesyal na aparato para sa sistematikong paggamit ng pwersa at
pagsupil sa mga tao sa pamamagitan ng lakas.
Makikita sa panahong ito ang pangingibabaw ng
tradisyon, awtoridad, at paggalang na tinatamasa ng mga nakakatanda sa angkan.
Ang kapangyarihang ito ay may pagkakataon pa na ipinagkakaloob sa kababaihan,
at ang posisyon noon ng mga kababaihan, di tulad ngayon na aba at api ang
kalagayan. Sa lipunang ito na tinatawag din na primitibong komunalismo, ang
umiiral ay simpleng pamamahala o awtoridad sa lipunan na nakabatay sa respeto
ng buong komunidad at hindi sa awtoridad na nakabatay sa pwersa ng pamimilit o
pandarahas ng isang pangkat o uri.
Sa lipunang alipin. Ang mga panginoong may alipin
noong unang panahon ay nag-justify ng pagsasamantala sa mga alipin at mismong
pagpatay sa alipin ay hindi isang krimen. Ang lahat ng bunga ng paggawa ng
alipin ay napupunta sa panginoong may alipin.
Ang sinaunang panahon ng Ehipto, Gresya at Roma ay
nagpapatunay ng sistema ng paghahari ng mga panginoong may alipin. Ang Pharaoh
ng Ehipto ay itinuturing na anak ng diyos araw (Ra) at ang kanyang utos ay
batas mula sa diyos. Sa lipunang Griyego, sa mga Griyegong lungsod-estado, ang
estadong umiiral ay nagpapakita ng pagkakahati ng lipunan sa mga uri, may
alipin at panginoong may alipin. Ang demokrasya na naimbento sa Gresya ay
tinatamasa lamang ng mga panginoong may alipin at ang mga alipin ay walang
boses sa lipunan.
Sa imperyo ng Roma umiral ang paghahari ng mga
Caesar (hari). Ang kanilang senado na binubuo lamang ng mga panginoong may
alipin ang pumipili ng kanilang lider, ang caesar at gumagawa ng mga batas. Ang
mga alipin ay walang papel sa pagpapatakbo ng estado. Ang mga alipin ang
lumilikha ng produksyon sa mga taniman at hayupan at nagsisilbi sa maluluhong
pamumuhay ng mga panginoong may alipin at nagbibigay ng aliw sa naghaharing uri
ng Roma bilang mga gladiators.
Sa lipunang pyudal. "Lumaya" na ang
alipin at naging magsasaka. Hindi maaaring patayin ng panginoong maylupa ang
isang magsasaka pero ang kanyang pinagpaguran sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa
lupain na pag-aari ng panginoong maylupa ay kinukuha ng hindi naman
nagtatrabahong panginoong maylupa sa anyo ng pagbabayad ng buwis o parte at iba
pang paraang hindi matanggihan ng pamilyang magsasaka.
Ang mga panginoong maylupa ang makapangyarihan sa
lipunang pyudal. Ang mga lupain at mga magsasaka ay kinontrol ng nobilidad, ng
mga dugong bughaw; ng mga duke, baron, prinsipe, atbp., at ang utos ng hari ay
di mababali. Ang mga tampok na halimbawa nito ay ang panahon ng mga kaharian sa
Europa. Absoluto ang utos ng hari at ng kanyang mga lords. Pinatibay nila ang
paghahari laban sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbubuo ng House of Lords,
na binubuo ng mga panginoong maylupa, at pagmementena ng hukbong sandatahan
para supilin ang anumang paglaban sa kanilang paghahari.
Sa panahon ng kapitalismo ang mga magsasaka ay
lumaya sa panginoong maylupa. Lumaya ang mga magsasaka at naging manggagawa at
nakatakas sa sistemang pyudal sa kanayunan at maramihang nagtungo sa
kalunsuran.
Lumilitaw ang estado saanman at kailanman na
magkaroon ng pagkakahati sa lipunan sa mga uri, sa paglitaw ng nagsasamantala
at pinagsasamantalahan.
Ani Engels: "Ang estado ay produkto ng isang
lipunan sa isang yugto ng kanyang pag-unlad, pag-amin din ito na ang lipunan ay
nagkabuhol-buhol sa isang di malutas na kontradiksyon sa kanyang sarili, kaya
ito ay naghati sa mga di mapagkasundong labanan na wala siyang kapangyarihan o
lakas na lutasin. Pero sa layunin na ang mga antagonismong ito, ang mga uri na
may magkasalungat na pangkabuhayang interes, para hindi lamunin ang kanyang
sarili at ang lipunan sa isang walang kwentang tunggalian, naging
pangangailangan ang isang kapangyarihan, isang pwersa, na tila nakatayo sa
ibabaw ng lipunan, na magpapahupa ng labanan at mapanatili ito sa bounds of
order at ang kapangyarihang ito, na nanggaling sa lipunan pero inilagay ang
kanyang sarili sa ibabaw nito, at patuloy na nahihiwalay sa lipunan, ito ang
estado."
Ito ang malinaw na ekspresyon ng mga batayang ideya
ng Marxismo kaugnay sa naging pangkasaysayang papel at kung ano ang ibig
sabihin ng estado.
Mula sa pangungusap na ito ni Engels ay mahuhugot
ang ilang mahahalagang katangian ng isang estado.
1. Ang estado ay produkto ng di pagkakasundo ng
makauring interes at tunggalian sa isang lipunan. Sa pagkakaroon ng surplas na
produkto sa lipunan at agkakaroon ng pribadong pag-aari ay lumitaw ang estado.
May maliit na bahagi ng populasyon na nagsasamantala sa mayorya ng mga
mamamayan. Ang unang sistemang may pagkakahati sa mga uri ay ang lipunang
alipin. May panginoong may alipin at mga alipin.
2. Ang estado ay isang espesyal na aparato ng
panunupil ng isang uri laban sa iba pang uri. Binubuo ito ng armadong tauhan
(army, pulis), kulungan, at iba pang instrumento ng pangigipit at katulad na
pamamaraan para tiyakin na hindi makapalag ang uring nagnanais tumutol sa
paraang mapayapa o marahas man.
3. Ang estado ay isang instrumento ng
pagsasamantala sa inaaping uri. Ang pagpapanatili ng isang espesyal na
kapangyarihang pampubliko na binubuo ng mga taong ang espesyalidad ay paano
patakbuhin ang gubyerno at nangingibabaw sa lipunan ay mangangailangan ng buwis
at pangungutang ng estado mula sa mamamayan.
B. Ang
Kapitalistang Estado
1. Paano sumulpot ang kapitalistang estado? Ang
sentralisadong kapangyarihang estado na pekulyar sa lipunang burges ay lumitaw
sa yugto pa lamang ng pagkawasak ng piyudalismo. Dalawang institusyon ang
katangi-tangi sa tumayong burges na makinaryang estado: ang burukrasya at ang
standing army - ang hukbong sandatahan na propesyunal - sila na ang hanapbuhay
ay ang pagiging armadong tauhan ng kapitalistang estado. Ang mga ito'y
parasitikong organisasyon sa katawan ng burges na lipunan.
2. Ano ang mga pagbabagong dinaanan nito sa kurso
ng rebolusyong burges at sa harap ng rebolusyong inilulunsad ng mga aping uri?
Ang pag-unlad, pagperpekto at paglakas ng burukrasya at ng aparatong militar ay
patuloy na naganap sa lahat ng rebolusyong burges. Partikular na naakit ang
petiburgesya - ang mataas na saray ng magsasaka, mga maliit na artisano, mga
maliliit na mamumuhunan - sa panig ng malaking burgesya dahil na rin sa
mahalagang papel ng aparatong ito, na nagbigay sa kanila ng magaan at
respetadong gawain o pwestong masasabi pang "nakaaangat" sa karaniwang
mamamayan.
Sa kalaunan umunlad pa ang burges na estado sa
pamamagitan ng pag-unlad ng tunggalian sa kapangyarihan ng iba't ibang
partidong burges at petiburges sa usapin ng pamamahagi ng dambong sa pamumuno,
na wala namang idinudulot na anumang pagbabago sa pundasyon ng lipunang
kapitalista; ang pinakahuli'y ang pagperpekto at pagpapalakas sa
"kapangyarihang ehekutibo, ng burukrasya at aparatong militar".
Ang parlamentong burges - ang gumagawa ng batas,
ang kural ng baboy - ay isang talking shop ng mga representante ng burgesya at
kapag bumabara sa madulas na implementasyon ng mga patakaran ng burgesya at
namemeligro ang kaayusan ay maaaring lusawin na kadalasang ginagawa sa
pamamagitan ng pagdedeklara ng batas-militar o state of emergency gamit ang
kapangyarihan ng burges na konstitusyon. Ang mga representante ng masang
anakpawis ay pinapayagang makapasok sa parlamento bilang palamuti ng isang
burges na demokrasya at libangin ang masang anakpawis sa ilusyon ng demokrasya
at ito ay nangyayari sa lahat ng porma ng demokrasyang burges, parlamentaryong
porma man at/o kahit sa pinaka-demokratikong republika.
Ang burges na demokrasya ay demokrasya para sa may
kapital, sa mga negisyante, at hinahayaan i-exercise ng mamamayan minsan sa
ilang taon sa pamamagitan ng "pagpili" ng kanilang kinatawan na
magmumula rin sa uring burgesya. Ito ang demokrasyang burges na ang binibigyan
ng importansya ay ang karapatan na lumahok sa pagpili ng magpapatakbo ng estado
sa pamamagitan ng eleksyon at hindi ang tunay na esensya ng demokrasya - ang
boses at kapangyarihan ng mayorya ng mamamayan.
Ang estadong kapitalista ay hindi na lamang
naghahari sa pamamagitan ng lantay na dahas. Epektibong ginagamit din nila ang
iba pang kasangkapan sa panlilinlang tulad ng mga media, paaralan at relihiyon.
Ang pagkontrol at pag-impluwensiya sa kaisipan ng mamamayan ay isang haligi ng
pagpapanatili ng estado ng burgesya.
Sa panahon ng imperyalismo - sa panahon ng
pag-unlad ng kapital sa bangko, ng dambuhalang monopolyo, ng transpormasyon ng
monopolyo kapitalismo tungong state monopoly capitalism - walang katulad na
lumakas ang makinaryang estado, ang burukrasya at militar, kasabay ng pagtindi
ng panunupil sa proletaryado sa bansang may paghaharing monarkiyal man o sa
isang republika.
3. Anu-ano ang tungkuling hinaharap ng proletaryado
kaugnay ng makinaryang estado? Sa ganitong pag-unlad ng makinaryang estado,
ilang beses na lumalakas ang panunupil sa mamamayan at rebolusyonaryong
proletaryado. Dahil dito, itinutulak lang nito ang rebolusyon na
"ikonsentra ang lahat ng pwersa ng pagwasak" laban sa kapangyarihang
estado at ituon ang pwersang ito hindi sa pagperpekto pa ng makinaryang estado
kundi sa pagwasak at pagdurog dito.
Hindi kusang maglalaho ang burges na estado. Ito ay
winawakasan ng proletaryado sa pamamagitan ng rebolusyon. Ang naglalaho matapos
ang rebolusyon ay ang estado o malaestadong itinayo ng proletaryado.
Ang kapitalistang estado ay hindi marereporma o
mababago ng pira-piraso. Hindi ito mababago ng "mabubuting tao" na
iluluklok sa poder dahil ito ay paghahari ng isang partikular na uri, ang uring
kapitalista. Ang kapitalistang estado ay patuloy na pineperpekto at pinapatibay
ng naghaharing uri. Ang mga indibidwal at grupong lumalaban ay hinihikayat at
kino-coopt sa kanyang hanay. May mga manggagawang lider na inaalok ng pabuya at
kaginhawahan sa pamamagitan ng pagbibigay ng pwesto sa mga institusyon at ahensya
ng estado at hanggang sa mapabilang na sa uring naghahari.
Ang estado ng burgesya bilang isang espesyal na
pwersang mapanupil laban sa manggagawa ay dapat lamang palitan ng proletaryado
ng isa ring espesyal na pwersang mapanupil laban sa burgesya. Ito ang diktadura
ng proletaryado na itinayo sa guho ng winasak na diktadura ng burgesya.
Kailangan ng proletaryado ang estado na kapalit ng
winasak na estado ng burgesya, ng isang estado na naitayo upang malusaw agad at
di maaaring di malusaw at ang mga nagtatrabahong mamamayan ay kailangan ang
isang estado na ang proletaryado ay organisado bilang naghaharing uri.
Kailangan ng proletaryado ang kapangyarihang pang-estado, isang sentralisadong
organisadong pwersa, isang organisadong karahasan, upang durugin ang paglaban
ng mga mapagsamantala at pamunuan ang malawak na masa ng populasyon - ang
magsasaka, ang petiburgesya at ang mga mala-manggagawa - sa gawaing organisahin
ang sosyalistang ekonomiya.
C.
Rebolusyonaryong Karanasan ng Uring Manggagawa
Ang di mapagkasundong interes ng mga magkakalabang
uri ay nagresulta ng mga rebolusyon, mga pag-aalsa, pagpapalit ng porma ng
paghahari, atbp. Ang lahat ng nagdaang rebolusyon ay tumulong na gawing
perpekto ang makinaryang estado, samantalang dapat itong wasakin at durugin.
"Ang dahas (force) ay nagtataglay ng isa pang
papel sa kasaysayan - isang rebolusyonaryong papel. Ito ang komadrona ng bawat
lipunang kagampan sa bagong silang, ito'y instrumento kung saan ipinipilit ng
kilusang panlipunan ang kanyang sarili at winawasak ang mga walang buhay,
nabubulok na institusyong pulitikal.
Ang marahas na rebolusyon ang resulta ng di
magkasundong interes ng mga uri.
Ang tunggalian ng mga uri ang naging motor ng
kasaysayan at nagtulak ng mga pagbabago sa nabubulok na sistemang panlipunan at
nagluwal ng bagong relasyon sa produksyon, sa isang bagong relasyon sa
produksyon na pangangailangan ng lipunan.
1. Ang Paris Commune ay umiral mula noong Marso 26
hanggang Mayo 30, 1871.
Noong Marso 26, 1871, sa bisa ng popular na suporta
ng manggagawa at mamamayan ng Paris, isang konseho na binubuo ng manggagawa at
sundalo - ang Paris Commune - ay inihalal. Noong Marso 28, 1871, ito ay
ipinroklama at umani ang mga manggagawa ng Paris ng mabilis at malawak na
suporta sa buong Pransya.
Direktang kalahok sa pag-aalsang manggagawa ang mga
lider ng internasyunal na kilusang manggagawa.
Wala pang tatlong buwan matapos na maihalal ang
komyun, ang siyudad ng Paris ay nilusob ng tropa ng gubyerno ng Pransya.
Magiting na lumaban ang mga manggagawa ng Paris. Mahigit 30,000 manggagawa ang
minasaker ng tropa ni Thiers. May 38,000 ang inaresto at libulibo ang
napilitang lumikas (exile) sa ibang bansa.
Ang Paris Commune ay isang makasaysayang
eksperimento na may malaking kahalagahan, isang pagsulong ng pandaigdigang
rebolusyong proletaryo, isang praktikal na hakbang na higit na mahalaga kaysa
daandaang programa at talakayan. Ang Commune ang unang tangka ng proletaryong
rebolusyon na wasakin ang burges na makinaryang estado at ito rin ang siyang
dapat pumalit sa winasak na makinaryang estado.
Mga tampok
at mahahalagang hakbang na ipinatupad ng Commune:
a. Pagbuwag ng regular na hukbo (militar) at
pagtatayo kapalit nito ng armadong mamamayan.
b. Pagtatakda na ang lahat ng opisyales ay ihahalal
subalit maaaring alisin sa pwesto anumang oras.
c. Pagtatanggal ng lahat ng pribilehiyo at pagbawas
ng pasahod o alawans sa lahat ng naglilingkod sa estado upang ipantay sa antas
ng pasahod sa mga manggagawa.
d. Ang pagwasak sa parlamentarismong burgesya, mula
sa isang talking shop ay naging isang working institution, isang institusyon ng
paghaharing sabay na gumagampan ng gawaing ehekutibo at lehislatibo.
e. Ang organisasyon ng pambansang pagkakaisa.
Itinayo ang commune hanggang sa antas ng pinakamaliit na komunidad.
Isinentralisa ang mga komyun sa isang sentralisadong kapangyarihan, upang ganap
na wasakin ang paglaban ng mga kapitalista at ipatupad ang paglilipat ng
pribadong ari-arian — pabrika, mga lupain, at iba pa — sa kamay ng buong bayan.
Ito ang proletaryong sentralismo – ang boluntayo, demokratikong sentralismo –
na kataliwas ng pederalismo.
2. Ang soviet, ibig sabihin ay konseho sa salitang
Ruso, ay mga halal na lokal, munisipal at rehiyonal na konseho sa Rusya at ng
lumaon ay sa buong Soviet Union. Ang Soviet ay mga representante ng manggagawa,
magsasaka at sundalo sa isang lugar.
Nagsimula ang soviet bilang organo ng pakikibakang
masa sa unang rebolusyong Ruso noong 1905. Sa kasagsagan ng rebolusyong Ruso
noong 1917 gumampan ng mahalagang papel ang soviets sa pakikibaka laban sa Tsar
at noong Oktubre 1917 natransporma ito bilang organo ng kapangyarihang
pampulitika ng manggagawa at magsasaka sa buong Rusya—ang All-Russian Congress
of the Soviet.
Ang soviet ang porma ng estado ng uring manggagawa
na nakabatay sa mga karanasan ng Paris commune at mga aral nina Marx at Engels
at pinaunlad ni Lenin. Iniluwal ng pakikibakang masa ng manggagawang Ruso ang
soviet. Ito ang naging sentro ng masang manggagawa sa matinding pakikibaka
laban sa Tsarismo at hanggang sa pakikibaka sa burgesya ng Rusya.
Ipinatupad
ng soviet ang mga sumusunod na hakbang:
a. Ang mga manggagawa ay direktang kinontrol ang
estado sa pamamagitan ng pagpwesto mismo sa mga ahensya at institusyon nito,
mula itaas hanggang sa ibaba..
b. Itinayo ang pulang hukbo ng Rusya at inarmasan
ang manggagawa upang pigilan ang pagtatangkang makabalik ng burgesya sa poder.
c. Isinabansa ang mga bangko at mga industriyang
estratehiko tulad ng transportasyon, komunikasyon at enerhiya, etc. at ang mga
lupain. Ipinatupad ang workers control sa mga pabrika na nagbigay ng boses at
karapatan sa manggagawa sa pagpapatakbo ng mga pabrika at ng industriya. Nang
mamamatay si Lenin at pumalit si Stalin, nagbago ang estado ng manggagawa sa
Rusya. Ang soviet bilang porma ng estado ng manggagawa sa Rusya ay nalihis ng
landas. Ang pinasimulan ni Lenin na konsepto ng paghahari ng manggagawa laban
sa burgesya ay naging diktadura ng partido ni Stalin. Ang mga rebolusyonaryong
manggagawa at mga tunay at tapat na komunistang nanguna sa rebolusyong Oktubre
ay pinurga at inalisan ng posisyon sa soviet.
Ang direktang kontrol at paghawak ng kapangyarihan
ay nawala sa kamay ng uring manggagawa. Ang mga namuno sa gubyerno ay ang mga
masunurin at piling tao ni Stalin na may matataas na sahod at pribilehiyo kaysa
sa tinatanggap ng isang sanay na manggagawa.
Ang mga distorsyong ito sa Marxistang teorya ng
estado, sa karanasan ng komyun at sa mga aral at tagubilin ni Lenin ay naging
dahilan ng pagkahiwalay at pangingibabaw ng estadong soviet sa manggagawa at
mamamayan at tumungo sa restorasyon ng kapitalismo at pagkawasak ng Soviet
Union. Nakabalik sa poder ang uring burgesya at uring manggagawa ay
mangangailangan ng isang rebolusyonaryong pakikibaka para bawiin ang mga
natamong tagumpay ng rebolusyong Ruso at muling dalhin sa tamang landas ng
rebolusyon.
3. Ang mga rebolusyon para sa pambansang
pagpapalaya
Ang mga demokratikong rebolusyon o pakikibaka para
sa pambansang pagpapalaya ay naganap sa mga atrasadong bansa na karaniwang
pinaghaharian ng mga diktador. Ito ay mga pagtatangka ng mga demokratikong
pwersa sa lipunan, kabilang ang mga manggagawa, na isakamay ang kapangyarihang
pang-estado.
Halimbawa ng matagumpay na rebolusyon para sa
pambansang pagpapalaya ay ang karanasan sa China, Cuba, Vietnam at iba pa.
D.
“Withering away” o ang paglalaho ng Estado
Para a kanilang emansipasyon, una ay nilalansag ng
proletaryado ang kapangyarihan ng burgesya, inaagaw nito ang kapangyarihang
pampulitika, itinatatag ang diktadura ng proletaryado at itinatransporma ang
mga gamit sa produksyon bilang pag-aaring estado.
Ngunit ang aktong ito ng proletaryado ay simula na
rin ng proseso, ng bagong historical na proseso ng pagwawakas nito sa kanyang
sarili bilang uri, simula ng pagwawakas ng lahat ng makauring distinksyon at
makauring antagonismo; at simula ng pagwawakas sa bagong tatag na estado ng
manggagawa bilang estado. Di tulad ng kapitalistang estado na winasak ng
rebolusyonaryong proletaryado, ang estado ng manggagawa ay di binubuwag
(abolished). Ito ay kusang maglalaho (withers away).
Sa transisyon mula kapitalismo tungong komunismo,
kailangan pa ng espesyal na aparato, ng estado, sapagkat kailangan pa ng
mayorya ang supresyon sa mga nagsasamantalang minorya. Ang estadong ito ay
isang transisyunal na estado, estadong di na kasingkahulugan ng dating estado.
Sapagkat ang supresyon ng mayorya sa minorya ay mas madali, simple at natural
na tungkulin na di kasingdugo ng supresyon ng mga naghaharing-uri sa mga
alipin, magsasaka at sahurang manggagawa at di magastos.
Sa isang depenidong yugto ng prosesong ito, ang
estado na naglalaho ay maituturing na di pampulitikang estado. Ito ang
transpormasyon ng pampublikong tungkulin mula pampulitika tungong simpleng
tungkuling administratibo.
Ang estadong ito ay kasundo ng pagpapalawak ng
demokrasya sa malaking mayorya ng populasyon nang sa gayon ang pangangailangan
ng isang ispesyal na makinarya ng panunupil ay magsisimula nang maglaho. Ang
mga mapagsamantala ay walang kakayahang supilin ang mamamayan nang walang
ispesyalisadong makinarya ng panunupil ngunit kakayanin ng mamamayan na supilin
ang mga mapagsamantala kahit sa pamamagitan lamang ng simpleng “makinarya” o
halos walang “ispesyalisadong makinarya ng panunupil.” Ito ay sa simpleng
organisasyon ng armadong mamamayan.
Ang diktadura ng proletaryado ay ang organisasyon
ng taliba ng mga inapi bilang naghaharing uri para sa layuning supilin ang mga
nang-api. Pero ang diktadurang ito ay hindi ibubunga ng pagpapalawak lamang ng
demokrasya.
Kaalinsabay ng malawakang pagpapatupad ng
demokrasya, sa kauna-unahang pagkakataong ngayon lang mararanasan ng mahihirap,
ng mamamayan at hindi demokrasya para sa mayayaman; lilimitahan ng diktadura ng
proletaryado ang kalayaan ng mag mang-aapi, ng mga mapagsamantala, ng mga
kapitalista. Dapat silang supilin upang mapalaya ang sangkatauhan sa sahurang
pag-aalipin. Ang kanilang paglaban ay dudurugin ng rebolusyonaryong dahas.
Maliwanag na kung may panunupil, kung may dahas, walang kalayaan at walang
demokrasya.
Sabi ni Engels, “ginagamit ng proletaryado ang
estado hindi sa ngalan ng kalayaan kundi para ibagsak ang kanyang mga kalaban,
at kapag posible ng magsalita ng kalayaan, ang ganong estado ay maglalaho.”
Para paunlarin ang demokrasya sa pinakarurok nito,
para diskubrehin ang mga porma sa direksyong ito ng pag-unlad, para pandayin
ito sa pamamagitan ng praktika at marami pang iba – lahat ng iyan ay isang
bahagi ng maraming tungkulin ng pakikibaka para sa rebolusyong panlipunan.
Kapag ito [demokrasya] ay ibinukod [sa iba pang aspeto ng buhay panlipunan],
walang ibang demokrasya ang magluluwal ng sosyalismo. Pero sa aktwal na buhay
ang demokrasya ay di maibubukod, ito ay isasabay sa iba pang bagay,
iimpluwensyahan at gagatungan nito ang pang-ekonomikong buhay at gayundin
naman, ito ay iimpluwensyahan ng ekonomikong pagunlad, at iba pa.
Ang demokrasya ay paggugubyerno. Ito ay isang
estado na kumikilala sa pagpapailalim ng minorya sa mayorya, isang organisasyon
para sa sistematikong paggamit ng dahas ng isang uri laban sa ibang uri, ng
isang seksyon ng populasyon laban sa iba. Ang withering away of the state o
paglaho ng estado ay mangangahulugan ng paglaho ng demokrasya.
Ang estadong ito ay maglalaho kapag ang mga tao ay
nahirati na sa pagtupad sa mga batayang kondisyon ng buhay panlipunan nang
walang karahasan at walang pagpapailalim o subordinasyon. Makauugalian nila ang
mga ito na tuparin nang walang pamumuwersa, walang pandarahas, walang
pagpapailalim o subordinasyon, walang espesyal na aparato ng panunupil na ang
tawag ay estado.
Ang kinamulatang ugaling ito ng bagong henerasyong
isinilang at lumaki sa bago at malayang kondisyong panlipunan ay magagawang
itapon nang buong-buo ang di na kinakailangang estado.
Sa lipunang
komunista, magaganap sa gradwal na transpormasyon ang mga sumusunod:
a. lubos na pagdurog sa panunumbalik ng burgesya
b. pagkawala ng mga kapitalista
c. paglalaho ng mga uri o pagkawala ng distinksyon
ng mga uri
d. pagkawala ng kaibhan sa hanay ng mga membro ng
lipunan kaugnay ng kanilang relasyon sa panlipunang gamit sa produksyon
Doon lamang maglalaho ang estado. Posible nang
sabihin na meron ng kalayaan. Doon lamang makukumpleto ang demokrasya, tunay na
demokrasyang walang eksepsyon o pagtatangi. At doon din, ang demokrasya ay
magsisimulang maglaho.
Komunismo lamang ang makapagbibigay ng kumpletong
demokrasya. Sa panahong ang demokrasya ay kumpleto na, sa panahong ito ay
naging kapakipakinabang sa kanilang buhay, sa panahong ito ay naging way of
life o nakaugalian na, ang demokrasya ay di na kailangan at ito ay kusang
maglalaho.
Nang dahil sa simpleng katotohanan na malaya sila
mula sa kapitalistang pagsasamantala, sa walang kasinglupit na karahasan, sa
kawalang katwiran at nakakawalang-dangal na kapitalistang pagsasamantala,
gradwal na makakaugalian ng tao ang pagsunod sa mga batayang regulasyon ng
buhay panlipunang kinilala na sa nagdaang mga siglo at libo-libong taon na
inuulit-ulit sa mga libro, kasabihan at iba pang midyum ng impormasyon.
1. Yugto ng
Lipunang Komunista
Ang komunismo ay sumulpot di mula sa sarili nitong
pundasyon, kundi mula sa sinapupunan ng kapitalismo. Isinilang ng kapitalismo
ang komunismo sa pamamagitan ng pagkilos ng pwersang panlipunang nagpaanak
dito. Bilang anak ng kapitalismo, taglay nito ang mga marka ng lumang lipunang
nagluwal sa kanya. Ang lipunang ito na nagtataglay ng mga marka ng lumang
lipunan ay tinawag ni Marx na mababang yugto ng komunistang lipunan.
a. Mababang
yugto ng komunistang lipunan (Early Phase of Communism).
Ang maagang yugto ng komunismo ay tinatawag din na
sosyalismo. Ipatutupad ng diktadura ng proletaryado ang pinakaistriktong
kontrol ng lipunan at ng estado sa kantidad ng paggawa at kantidad ng konsumo,
pero magsisimula ang kontrol na ito sa pamamagitan ng ekspropriyasyon ng mga
kapitalista, sa pagkontrol sa mga kapitalista sa pamamagitan ng estado ng
armadong manggagawa.
Ang mga gamit sa produksyon ay di na pag-aari ng
mga indibidwal. Ang mga ito ay pag-aari na ng buong lipunan. Bawat miembro ng
lipunan, na gumagampan ng isang parte ng socially-necessary work, ay tatanggap
ng sertipiko na nagpapatunay na nakagawa siya ng ganung klase ng trabaho at
ganito karaming produkto. Sa pamamagitan ng sertipikong ito, makakatanggap siya
mula sa pampublikong tindahan ng katumbas na halaga ng mga produktong
pangkonsumo. Bawat manggagawa ay makatatanggap ng katumbas ng buong halaga ng
kanyang pinagpaguran matapos bawasin ang kanyang kontribusyon para sa pondong
publiko.
Pantay na karapatan ang tawag ng iba rito. Pero sabi
ni Marx, “pantay ngang karapatan, pero burgis na karapatan pa rin.” Ang bawat
karapatan ay pinagmumulan ng di pagkakapantay-pantay. Bawat karapatan ay
aplikasyon ng pantay na batas, regulasyon o akto (measure) sa ibaibang tao na
sa aktwal ay magkakaiba, di magkakatulad. Kaya nga ang pantay na karapatan ay
paglabag sa pagkakapantay-pantay at di makatarungan.
Di magkakapareho ang mga tao, may mas malakas, may
mahina; merong may-asawa, merong wala; may maraming anak, may konti; at iba pa.
Sabi ni Marx, “sa pantay na dami ng paggawa at pantay na dami ng produkto, may
isang makatatanggap ng mas marami kaysa sa isa pa; may isang yayaman kaysa sa
isa. Para maiwasan ang ganitong depekto, ang karapatan, sa halip na pantay ay
di-pantay dapat.”
Kaya nga ang mababang yugto ng komunismo ay di pa
makapagbibigay ng hustisya at pagkakapantay-pantay. Mananatili pa ang
pagkakaiba-iba, at ang di makatarungang pagkakaiba sa yaman. Pero ang
pagsasamantala ng tao sa tao ay imposible ng mangyari sapagkat ang mga gamit sa
produksyon gaya ng pabrika, makina, lupa atbp., ay imposible ng maging
pribadong pag-aari.
Sa yugtong ito, hindi pa ganap na hinog ang
kalagayang pangekonomiya at hindi pa ganap na malaya ang lipunan sa mga
tradisyon at bahid ng lumang lipunan. Hindi pa iiral ang ganap na “katarungan
at pagkakapantay-pantay.” Hindi maiiwasang iiral pa ang kaibahan sa pagitan ng
mamamayan dahil sa di pa pantay na distribusyon ng pangangailangan ng tao.
Sa madaling salita, sa sosyalismo, hindi pa buo
kundi bahagi lamang ng mga burgis na karapatan ang matatanggal, na proporsyonal
o katumbas ng inabot ng rebolusyon sa ekonomya patungkol pa sa mga gamit sa
produksyon. Kinikilala ng burgis na karapatan na ang mga gamit sa produksyon ay
pribadong pag-aari ng mga indibidwal. Sa sosyalismo, ang mga ito ay isinasalin
sa pag-aaring komon. Sa gayong diwa pa lamang masasabing bumagsak na ang burgis
na karapatan.
Ang ibang bahagi ng karapatang burgis ay
magpapatuloy sa kapasidad ng regulasyon sa distribusyon ng mga produkto at
pamamahagi ng paggawa sa hanay ng mga miembro ng lipunan.
Ang mga prinsipyong sosyalista na “silang hindi
nagtatrabaho ay hindi kakain” at “pantay na dami ng produkto sa pantay na dami
ng paggawa o “from each according to his ability, to each according to his
work”” ay naging realidad na.
Pero hindi pa ito komunismo at di pa lubos na
inaalis ang burgis na karapatan. Isang depekto ito na di maiiwasan. Di dapat
asahang sa pagbagsak ng kapitalismo, agad na matututo ang mga tao na magtrabaho
para sa pangangailangan ng lipunan nang walang istandard ng karapatan. Bukod
pa, ang pagwasak sa kapitalismo ay di agad makakalikha ng mga rekisito para sa
ganong klaseng pagbabago.
At wala namang ibang istandard liban sa burgis na
karapatan. Kaya nananatili pa ang pangangailangan ng estado na habang
binabantayan ang pampublikong mga gamit sa produksyon, pinangangalagaan din
nito ang pantay na karapatan sa paggawa at pantay na distribusyon ng mga
produkto.
Ang estado ay maglalaho sa oras na wala na ang mga
kapitalista, nawala na ang pagkakahati-hati ng mga tao sa mga uri at kasunod
nito, wala ng uring susupilin.
Ngunit ang estado, sa panahong ito, ay di pa
kumpletong naglalaho. Itoy sapagkat meron pang pangangalagaang burgis na
karapatan na opisyal na nagpapahintulot ng di-pagkakapantay-pantay sa tunay na
buhay. Para kumpletong maglaho ang estado, kumpletong komunismo ang kailangan.
b. Mataas na
yugto ng lipunang komunista (Higher Phase of Communism)
Sa mataas na yugto ng komunismo:
Wala ng pagpapailalim ng indibidwal sa dibisyon ng
paggawa at maging ang kaibahan ng mental at physical na paggawa;
Ang paggawa ay di na lang paraan ng buhay kundi ito
mismo ang pangunahing hangad ng buhay;
Lumaki na ang produktibong pwersa kasabay ng lahatang-panig
na pag-unlad ng indibidwal;
At ang kasaganaan ay tinatamasa na ng buong
kasapian ng lipunan;
Ito ang panahon na wala ng pagsasamantala at
pang-aapi sa lipunan. Ito ang panahon na ang lipunan ay nabubuhay sa
kasaganaan, kalayaan at tunay na pagkakapantay-pantay.
Ang estado ay kumpleto nang maglalaho kapag ang
mamamayan ay nasanay na sa mga pundamental na batas ng pakikipag-ugnayang
panlipunan at ang kanilang paggawa ay naging napakaproduktibo na at sila ay
boluntaryong magtatrabaho batay sa kanilang abilidad. Hindi na kailangan ng
lipunan na i-regulate ang kantidad na matatanggap ng bawat isa, ang bawat isa
ay malayang kumuha ng kanyang pangangailangan batay sa kanyang kailangan.
Iyon na ang panahong mabubura ang makitid na
pananaw ng burgis na karapatan at maitatanghal na ng lipunan ang prinsipyong:
“From each according to his ability, to each according to his needs.”
Ang isang istorikal na proseso ng pag-unlad ay
nagtapos. Ang kantidad ay naging kalidad.
Pinaghalawan:
1. State and Revolution- Lenin
2. Origin of the Family, Private Property,
and State - Engels
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento